Kabanata 1

1K 83 126
                                    

Pag tinanong ako ni Kuya kung bakit sa kanya nakadedicate tsaka ko lang sasabihin! Tagay pa! 

Isang Alamat

Saktong kabuwanan na ni nanay sa akin ng iwan kami ni tatay. Nag-alsa balutan ito at walang iniwan ni singkong butas. Ika-labing siyam ng Hunyo taong isang libo siyam na raan at siyamnapu’t pito ako isinilang sa mayuming probinsya ng  Bulacan, sa bayan ng mga makata, sa Santa Maria.

Ang kwento sa akin ni Inang Simplicia, maingay ang buong bansa ng ipinanganak ako dahil ipinagdiriwang noon ang kaarawan ni Gat Jose Rizal. Nagkakagulo sa Luneta. Samantalang nagkakagulo rin sa munisipyo rito sa amin dahil kinakalampag ng mga tao ang punong bayan na bumaba sa pwesto dahil sa napabalitang korapsyon.

Nanonood ng balita sa telebisyon sila nanay ng biglang sumakit ang tiyan niya, at pumutok ang panubigan. Ito na pala ang hudyat ng paglabas ko. Dalawang araw matapos iwan ng mabuti kong ama ang nanay ko e, ipinanganak na ako. Akala nila ay sa susunod na linggo pa ang labas ko pero dahil sa stress napaaga. Early arrival. Sooner than you expect.

Pinuntahan ni Inang ang kumadrona pero nasa ospital pala ito dahil sa matinding ubo na dulot daw ng pabrika na mali kung magtapon ng basura. Napakabaho ng kemikal nakakabutas ng baga sabi nila.

Walang magagawa, inakay ni Inang ang nanay palabas sa kanto pero paglabas nila walang dumaraang dyip, strike nga pala ang mga ito dahil sa patuloy na pagtaas ng krudo. Walang kahit na anong sasakyan ang dumaan, kaya ang tanging natirang paraan ay maglakad.

Sabi ni Inang, putlang putla na noon si nanay. Pero pinilit pa rin niya, malapit lang naman ang ospital at kayang lakarin. Ngunit kakaiba talaga ang tadhana, sabi ni Inang nangangalahati na sa paglakad ang nanay ng makarinig sila ng sirena ng bumbero kasabay ng panaghoy ni inay na namimilipit na sa sakit. Nasunog ang nag-iisang ospital sa bayan.

Iba na raw ang ritmo ng paghinga ni nanay noon, pero sa kabila ng mga nangyari ay may liwanag pa rin na natanaw si nanay. Tinugon ng langit ang panalangin nila dahil  may nakita si Inang na isang nurse na humahangos ng takbo. May ilang sugat siya pero hindi nag-atubiling tumulong ng makita si nanay. Tuliro man, ginampanan pa rin niya ang sinumpaang tungkulin.

Dala niya ang ilang gamit mula sa ospital. Sa sulok, sa lugar kung saan nanahan ang mga adik sa bayan, sa lungga ng mga namamapak ng vulcaseal ako isinilang. Buti na lamang at wala ng tao sa barong-barong na iyon dahil na-raid na ito ng PDEA. At pasalamat na lang ang Inang dahil may nakasalang na mainit na tubig sa kalang de uling. Sa sahig na lupa agad ang tapakan, at tanging poster ni Jaworski na may hawak na gin sa kanang kamay ang pinaglatagan sa akin. Tinalo ko pa ang sabsaban na pinagsilangan kay Kristo.

“Jawo! Anak! Ano na naman ba iyang ginagawa mo? Por dios! Tulungan mo muna akong gumawa ng kakanin!” agad kong nilukot ang papel na pinagsulatan ko ng masalimuot kong kapanganakan.

“Opo! Susunod na po. Saglit lang po,” dali-dali akong bumaba sa inaanay naming hagdan. Nang magkamali ako ng apak. Inaanay na nga ito. Lumulutang ako sa ere. Tama ako, inaanay na ang hagdan. Napaisip ako, bakit kailangan pang umibig at mahulog sa ibang tao kung pwede ka namang magpatihulog sa hagdan at hindi na bumangon?

“Jawo! Anong ingay iyon?”

“Wala po nanay, naisipan ko lang pong makipag-usap sa sahig at napagtanto kong hindi po pala maganda iyon.”

“Ikaw talagang bata ka puro ka kalokohan. Bilisan mo’t dalhin mo na ‘to kila Ami,” bumangon na ako pero bago ako pumunta kay nanay ay humarap muna ako sa salamin.

“Ako si Jaworski Lakandula. Dugong bayani. Sabay kaming nagdiriwang ni Rizal ng kaarawan. Dala ko ang pangalan ng Ama ng Dugong Never Say Die. Kasunod ng sikat kong pangalan ang apelyido kong yayanig sa sangkatauhan, Lakandula. Mula sa Lakan Dula ang tunay na Hari ng Tondo.”

Inayos ko ang kwelyo ng suot kong damit at hinawi ang buhok ko. Sabay sabing, “Magiging isa akong alamat na sing-astig ng mga bato sa biak-na-bato,” nang makuntento na ako sa mala-bayaning ayos ko ay pumunta na ako kay nanay. Pero bago pa ako makapasok sa kusina ay nakarinig ako ng malakas na tunog ng tila napupunit na pantalon. Biglang lumamig sa gawing ibaba ng pantalon ko. Napunit ang pang-bayani kong pantalon.

“Jawo, anak! Ano ba napakatagal mo naman?”

“Sandali lang po nanay.”

Tumakbo ako pabalik sa itaas, dahan dahan. Labing-anim na taon na akong nabubuhay. Nabubuhay ang isang alamat sa mundong puno ng nakakapagpamurang kamalasan. Pero isa pa ring alamat.

 

 

Nakakapagpamurang KamalasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon