Ang Pagtangis ng Alamat
Hindi ko na maintindihan kung ano ang nangyayari. Hindi ko kilala ang mamang yaon, pero isa lang ang sigurado malaki ang galit niya sa tatay ko. Pagkatapos niyang magpaputok ng baril sa gilid ng paso pinasok nila ang bahay namin. Hindi ko alam kung ano ang hinahanap nila, ano ba naman ang makukuha nila sa bahay na sintanda yata ng Inang? Wala naman kaming LED Television. Ano ba talagang hinahanap nila? Gusto kong magsalita pero hindi ko magawa dahil sa baril na nakatutok sa ulo ko. Ano? Magiging sisig ba ang utak ko kapag pumutok na ito? Nakaupo kami sa sahig, nagising na rin ang Inang at Kuya. Si Kuya iyak ng iyak kanina buti na lang napakalma ng Nanay. Bihag kami sa sarili naming bahay dahil sa maling galaw tiyak na may buhay na mawawala.
Sana lang, sana lang talaga ay may dumating na tulong.
Sa tantiya ko halos kalahating oras na silang naghahalughog. Hindi ko na napigilan. “Ano ba kasing hinahanap niyo? Baka matulungan ko kayo?” tanong ko. Hinarap ako ng lalaking kanina lamang ay nakatutok ang baril sa akin at bumuga ng usok ng sigarilyo sa mukha ko. Tangina! Ang baho!
“Tumahimik ka na lang bata,” sambit nito. Edi tumahimik, mamatay sila sa kakahanap. Maya-maya pa’y sumigaw ang kasama nilang pandak na kalbo na nasa labas. “Parak! Parak! Boss! May paparating na parak!” agad siyang binatukan ng lalaking katabi ko kanina. “Ungas, baka ambulansya lang yaon,” sabi nito. Binatukan naman siya pabalik noong pandak. “Tanga! May nakalagay na Pulisya sa sasakyan. Boss tara na! Sibat na tayo,” tarantang sigaw nito.
Tumayo yaong lalaking may gintong ngipin at hinarap ako. “Magkikita pa tayo, Lakandula.”
Isa ba itong paalala o pagbabanta?
Nakatulala lamang ako hanggang sa makaalis sila. Nabalik lamang ako sa ulirat ng hagurin ni Nanay ang likod ko, “Anak, tumahan ka na.”
Maging ako ay nagulat umiiyak na pala ako. Umiiyak ang Nanay, ang Kuya, ang Inang at ang Ninong. Hindi ko maipaliwanag ang takot. “Sino po ba siya?” tanong ko. Tahimik ang paligid tanging ang paghikbi lamang nila ang naririnig ko. “Mare, si Uro yaon,” biglang sagot ni Ninong. Napahawak naman sa bibig ang Nanay. “Siguro hindi mo na maalala ang mukha niya dahil sa tagal na rin ng panahon pero sigurado akong siya yaon,” nanginginig ang boses ng Ninong, ramdam ko, maging siya ay natakot din sa biglaang pagdating ng mamang iyon. Walang gumagalaw sa amin sa pagkakaupo hanggang sa may marinig kaming yabag ng paa.
Pag-angat ko nang tingin nakita ko ang apat na pulis sa harap ng bahay namin. Totoo silang pulis, napatayo ang Nanay maging kami. “Ano hong maipaglilingkod namin sa inyo?” tanong ng Nanay. Nakaramdam na ako ng antok sa pantaha ko e alas tres na ng umaga. Seryoso ang mukha ng apat na pulis, bakas sa mga mukha nila ang karanasan sa kanilang trabaho. “Chief Inspector June Miravalles ho, ito naman po si Senior Inspector Jade Bienvenido, Inspector James Santos at SPO3 Jeremy Miravalles, anak ko ho ‘yan,” pagpapakilala noong isang matandang lalaki pero makisig pa rin naman sa kanila. Nakatingin ang nanay sa kanila, parang nangingilala. Nagulat na lamang ako ng yakapin niya yaong Chief Inspector. “Jun-Jun!” sigaw niya.
Magkakilala pala sila. At kaya sila narito ay dahil may ibabalita sila. Kung anong balita? Hindi ko alam. Iginaya ng Nanay ang mga opisyal sa loob. Pansin ko ang nagtatakang tingin nila sa pag-ikot ng mata nila sa bahay. Gulo-gulo ang mga gamit akala mo mo dinaan ng bagyo. “Anong nangyari rito Jedidiah?” tanong ni Chief Inspector kay Nanay. “Pinasok kami kani-kanina lang. Hindi niyo na sila inabutan,” diretsong sabi ni Nanay, napahinto naman ang apat na pulis. Nakikita ko sa mga mata nila ang pagkapahiya dahil sa sinabi ni Nanay. “Pasensya na,” sagot na lamang ni Chief.
Nang maayos ko na ang sala ay doon sila pinaupo ng Nanay. Ipinakilala kami ni Nanay sa kanila. Tapos ikinuwento ni Nanay ang nangyari kanina. “Jedidiah, ito nga ang pinunta namin dito. Nabigyan ng pardon ang noon pa mang kaaway ni Kuya Aga na si Arturo Jimeno o Uro, isang dating Chief Inspector na nasibak sa serbisyo dahil sa graft and corruption. Malakas sa Pangulo ang kampo niyan, ginawa ko na ang lahat pero mas malakas ang kalaban muntik pa akong masibak dahil diyan,” sambit nito. Prominente ang dating ni Chief, mukhang laging nasa matuwid at kakikitaan ng debosyon sa kanyang trabaho. “Pero may mas mahalaga pa riyan, may natanggap ka bang sulat mula kay Kuya Aga?” napatigil ako sa pagliligpit nang marinig ko ang sinabi niya. Nakita kong marahang tumango ang Nanay.
“Patawarin mo ako Jedidiah, alam kong mali pero sinunod ko ang Kuya. Inakusahan siyang pumatay sa dating Director General Herold Hermogenes, nakulong ng hindi nililitis. Atrasado ang hustisya para sa kanya. Kabilinbilinan niya sa akin, bagong pulis pa lamang ako noon, bago siya ipasok sa piitan ay bantayan ko kayo kahit sa malayo at sabi pa niya huwag na huwag kong sasabihin kung nasaan siya,” naluluhang saad nito. Kung titigan ko siya sa malayo tiyak na matatawa ako dahil isang Chief Inspector umiiyak? Pero iba, iba ang usapin ngayon, tatay ko ang pinag-uusapan at sa bawat salitang namumutawi sa mga labi niya alam ko, nararamdaman kong isang mabuting tao ang tatay ko.
“Nasaan siya Jun? Labing-anim na taon! Labing-anim na taon siyang nawala. Nasaan si Agape? Nasaan!” umiiyak at sumisigaw na ang Nanay. Naghahalo na pati ang luha’t uhog ko. Kaunti na lang iisipin kong nasa isang teleserye ako.
Umiiyak na si Chief.
Sana. Sana mali lang ako.
“Patay na siya,” hindi naman ako bingi pero sana naging bingi na lang ako. Kasabay nang paghampas ng hangin ang pagtangis ko. Hindi ko inakalang darating ang panahon na mararamdaman ko ang pait, na parang kaya kong umiyak ng kasing dami ng tubig sa Angat Dam. Hindi ko kinaya, napaupo ako. Nasadlak sa sahig, umiiyak. Bakit ganito?
BINABASA MO ANG
Nakakapagpamurang Kamalasan
Humor"Nakakapagpamura man ang buhay ko, malas man ako sa pantaha niyo. Gwapo naman at ang matindi pa e, isa pa ring alamat." - Jaworski Lakandula © ubiquitous_stories