Kabanata 5

425 58 52
                                    

 Pasensya na

Dumiretso ako ng uwi pagkatapos ng pag-uusap namin ni Tom. Nakakapaksyet kasi talaga. Isinumpa ko ang ama ko. Oo, dala ko ang apelyido niya pero hanggang doon na lang iyon. Dahil kahit kailan hindi siya naging ama sa akin.

Tangina! Nasaan siya noong mga panahon na nabiktima ako ng mga bullies sa eskwela? Uhuging Jawo! Walang ama! Putok sa buho! Si Tom na uhugin din noon ang lumaban para sa akin. Naging matalik ko siyang kaibigan dahil kahit uhugin siya at payatot, nandoon siya para ipagtanggol ako sa mapanghusgang mga tao. Yaong magaling kong tatay nasaan? Ni anino niya hindi ko kilala. E, ano naman ngayon kung wala akong ama? Kakulangan ko ba ‘yon? Kawalan ko ba ‘yon?

“Tanginang ama ‘yan!”

Napalingon ako sa sumigaw. Hindi ako ‘yon. Nandito ako ngayon sa tumbang puno ng mangga sa bukid ni Lolo Erning. Naglalabas ng sama ng loob sa punong naging saksi sa mga hinanakit ko sa mundo. Mababakas ito sa mga ukit sa katawan nito. Dumapa ako sa gilid ng puno at dahan dahang gumapang para makita kung sino ang sumigaw.

“Si Ami ‘yon ah?” naitanong ko sa sarili. Bakit nagmumura ang babaeng iyon? Tsk. Nag-indian sit ako para mas marinig ko ang sinasabi niya.

“Iniwan ako. Anak ako sa labas. Nakakagago,” napatango ako sa sinabi niya. Tama ka, Ami. Nararamdaman ko ang nararamdaman mo.

“Tangina buti pa si Jawo kahit walang tatay hindi naging miserable e ako? Tangina ulit, wala na nga akong ama, wala pa akong ina!” malakas ang sigaw na iyon pero unti-unting humihina nagiging isang panaghoy ng animo isang sanggol na gusto ng pagkalinga. Napatayo ako. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Hindi ganito ang Amihan na nakilala ko. Lagi siyang matapang, lagi siyang nananapak pero bakit nagkakaganito siya ngayon?

“Tahan na, Amihan,” nakatalikod siya sa akin. Hindi ko alam kung narinig niya ako o hindi. Pero sa tingin ko narinig niya ako dahil dahan dahan siyang humarap sa akin.

“Ja..Jawo?”

“Walang iba,” sagot ko at ikinampay ko ang dalawang kamay ko sa ere bilang pagsalubong ko sarili. Bigla namang bumalik ang pamilyar na kunot sa noo niya na lagi niyang isinasalubong kapag nakikita ako.

“Nakita mo?” tanong nito.

“Ang alin? Kakarating ko lang. Nagtataka nga ako kung bakit ka umiiyak. Napuwing ka ba?” Oo, ikinaila kong nasaksihan ko ang lahat. Dahil alam ko na ayaw niyang makita ko na may kahinaan siya. Ngumiti siya. Isang ngiti na kahit kailan ay hindi ko inasahang makikita ko.

Lumapit ako sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang magkabilang balikat, “Sa susunod wag ka ng magmumura. Masyado kang maganda para sa mga salitang ‘yon,” nanlaki ang medyo singkit niyang mga mata at kumurba ng bilog ang maliit niyang labi. Maging ako nagulat sa sinabi ko. Si Ami maganda? At teka, tanga Jawo! Ikinakaila mo ngang di mo nakita tapos… lagot!

“Akala ko ba hindi mo nakita?”

Lumayo ako sa kanya para kung sakaling kailangan ko ng tumakbo e, makakatakbo ako. Isa pa, kailangan ko nang panindigan ang mga sinabi ko.

“Hindi nga pero narinig ko. Magkaiba naman iyon hindi ba?” Akala ko susugurin niya ako. Akala ko sasapakin niya ako tulad ng lagi niyang ginagawa pero nagkamali ako. Bumagsak ang balikat niya. Tumalikod siya sa akin at lumakad palayo.

“Jawo, kung anuman ang narinig mo kalimutan mo na.”

Gusto ko siyang habulin pero naestatwa ako sa kinatatayuan ko. Bakit nasasaktan ako para kay Ami? Bakit nasasaktan akong makitang umiiyak siya? Bakit hindi ako masaya na hindi niya ako sinapak? Dahil ba alam ko ang nararamdaman niya? Iyon lang ba ‘yon o higit pa? Tanginang mga tatay kasi ‘yan mga walang kwenta!

Nandito pa rin ako sa bukid. Hindi ko sinundan si Ami, dahil alam kong kailangan niya ng oras para mag-isip.

Inaabangan ko  ang paglubog ng araw. Minsan naisip ko, bakit mas makulay ang paglubog ng araw kaysa sa pagsikat nito? Sabi nila, ipinahihiwatig nito na mas nagiging maganda ang mga bagay kapag namamaalam na ang mga ito. Iniwan ako ng tatay ko, may maganda bang nangyari? Tangina puro kamalasan ang nangyari sa buhay ko. Anong maganda sa pamamaalam na iyon? Siguro maganda para sa kanya dahil nawalan siya ng responsibilidad.

Tinabangan na akong abangan ang paglubog ng araw. Tumayo na ako mula sa pagkakahiga sa punong lagi kong sinusugatan at nagsimulang maglakad.

Nadaanan ko ang isang kalabaw na prenteng nakaluglog sa tubig. Naupo ako sa gilid.

“Buti pa ikaw, nakakaligo ng walang inaalalang bill ng tubig,” sabi ko habang nakatingin sa kalabaw. Nakatulala lang ako sa kalabaw na parang ito ang pinakamagandang nilalang sa mundo. Balak ko nang umuwi pero may kung anong pwersa ang nagtutulak sa akin na manatili rito.

Nakarinig ako ng yabag. May tumatakbo? Hindi ko na lang pinansin. Pag-angat ko nang tingin nakita ko ang papalubog na haring araw. Mali sila kung pamamaalam ang palagay nila rito. Maganda nga ang paglubog ng araw. Pakiramdam ko dinadala ako nito sa mundong kakaiba at masaya. Dinadala ako nito sa mga pangarap ko. Pinagmasdan ko sandali ang papalubog na araw at pumikit. Dinadama ko ang sariwang simoy ng hangin ng may kung anong mabigat na pwersa ang tumulak sa akin.

“Putragis! Siraulo! Gago!” sigaw ko nang matagpuan ko ang sarili kong nakaluglog na sa luglugan ng kalabaw.

“Pasensya na pare, may parak e!” sigaw ng mamang hindi ko maaninag ang mukha dahil sa putik sa mukha ko o baka naman tae ‘to ng kalabaw? Paksyet!

“Gago! Anong pasensya?” sigaw ko.

Lumubog ako sa luglugan nang makita kong may mga parak na dumaraan. Hindi nagsisinungaling ang mamang iyon pero tama bang itulak ako sa luglugan ng kalabaw? At ito ba ang pwersang nagsasabing manatili ako rito? Taragis! Napakamalas naman!

Nakakapagpamurang KamalasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon