May Puso Ang Isang Alamat
Naikwento ko na kay nanay ang inialok sa ‘kin ni Tom. Tumututol siya pero ako na ang nagsabing gusto kong makatulong kaya sa huli ay pumayag na rin siya. Walang pagsidlan ng tuwa ang puso ko dahil alam ko na makakatulong na ako kay nanay.
“Basta, anak wag kang gaanong magpagod. Alam mo naman mahirap ang magkasakit,” hinagod niya ang likod ko. Ito ang masarap sa pagkakaroon ng ina kahit wala akong girlfriend e, siguradong may isang babaeng nagmamahal sa akin.
“Opo, nanay. Safe guard yata ang sabon ko!”
“Loko-loko ka talaga Jawo! Umupo ka nga rito anak at yayakapin ka ng nanay.”
Sinunod ko si nanay. “Jawo, pasensya ka na hindi ko naiibigay lahat ng pangangailangan niyo ng kuya mo. At anak, wag ka ng maglilihim? Nakapasa ka pala ba’t ngayon mo lang sinabi? May pera akong inilaan para sa’yo. Kahit mahirap tayo, sisikapin kong mapagtapos ka sa kolehiyo kaya sana pagbutihan mo,” pagkasabi niya nito, hinalikan niya ako sa ibabaw ng ulo ko.
“Jawo mahal nanay. Nanay mahal Jawo,” biglang singit ni Kuya Nep.
“Mahal kita Kuya,” sagot ko naman.
“Mahal ko Jawo,” pagkasabi niya nito ngumiti siya. May autism ang kuya ko. Pero hindi ko siya ikinahihiya. Napakahusay niya sa arts. Naguguhit niya ang isang bagay o lugar kahit isang beses niya lang nakita. Matandain din siya. Autistic siya pero ano bang ipinagkaiba niya? Hindi lang ganap na nadebelop ang katawang lupa niya pero ang puso niya mas mabuti pa sa mga normal na tao.
“Sige na, nay. Alis na po ako. Baka nagwawala na po si Tom,” tumawa lang si nanay. Si Kuya nakipag-apir sa akin.
Napapangiti ako habang naglalakad. Masaya at kuntento ako sa piling ng pamilya ko kahit wala ang hinayupak kong ama. Sinayang niya hindi niya ako nakita, isa pa naman akong alamat.
Sa paglalakad ko sa bagong aspaltong daan may nasalubong akong isang matanda. Gusgusin siya at may dalang sako, damit yata ang laman. Lumapit siya sa akin, “Iho, pwede bang makahingi ng pagkain?”
Nahabag ako sa kanya. Kaya binuksan ko ang bag ko at ibinigay sa kanya ang Skyflakes na isang linggo ng namamahay sa itim kong bag, “Salamat, iho. Pagpalain ka ng Diyos.”
Tinanguan ko na lang siya at naglakad na muli. Nasa may tapat na ako ng puno ng balite ng binalikan ko siya nang tingin. E, putragis! Hindi ko gustong mang-insulto pero lintek! Pulubi na nga nakuha pang magyosi? Aba matindi! Kaya hindi umaasenso ang Pilipinas e.
Ipinagpatuloy ko na lang ang paglalakad. Nasa tapat na ako ng Mang Donald’s Eatery ng may makasalubong na naman akong isang pulubi, isang batang pulubi. Nadala na ako sa una kaya ng lumapit siya sa akin para humingi ng pagkain ay mabilis akong sumagot ng wala.
Pero hindi pa ako nakalalayo ng makarinig ako ng ingay sa may kainan. Nahimatay ang bata. Nang lumapit ako para maki-usyoso ay nangingisay na ito. Mukhang hinihintay ng iba na bumula ang bibig ng bata bago humingi ng saklolo kaya naman minabuti kong tumawag na ng ambulansya. May linya ng telepono sa kainan. Buti na lamang at may nakasulat na numero kung saan pwedeng tumawag kung sakaling may mga ganitong pangyayari. At buti na lang hindi ako siningil ni Mang Donald.
“Hello? Emergency ho, may nangingisay pong bata rito sa Centro, sa kainan malapit po sa bahay ni Kapitan. Pakibilisan po!”
“Gago ka ba? Anong tingin mo sa akin ospital? E, tarantado ka pala!”
“Hindi po ba ito ang ospital?”
“Ano sa tingin mo?”
“Pasensya na ho!” bago ko tuluyang ibaba ang telepono narinig ko pa siyang nagsabi ng Julio!!! Kabit mo ba ang tumawag? Tarantado ka talaga! Pati linya ng telepono sa bahay ibinigay mo! Walang hiya! *blag* *blag* *blag*
Mali ako ng napindot na numero. Sinubukan kong muli at sa wakas tumama na ako. Mabilis na dumating ang ambulansya dahil sa tingin ko, walang trapik.
Umalis na rin ako pagkatapos maisakay ang bata sa ambulansya. Kakaibang karanasan. Late ako ng dalawang minuto. Lukot na ang mukha ni Tom ng datnan ko sa harap ng bahay nila.
“Pasensya na Tom, nagkaaberya lang.”
“Alam mo naman na mahalaga sa atin ang oras, teka anong aberya ‘yon?”
Ikinuwento ko sa kanya ang buong pangyayari.
“Okay. Tara na?”
“Langya, pre ang dami kong sinabi.”
“Pre pinaigsi ko lang. Ang ibig ko talagang sabihin e, ganito O kahanga-hanga, ayos yan.”
“Pauso ka pre. Bagong kahulugan ng okay.”
“Wala e,” sarkastiko at mayabang nitong sambit.
Makalipas ang ilang sandali, dumating na ang tita niya. Nakasakay ito sa isang oner na sa tantiya ko e, kapag kinatay malulugi pa ang bumili.
Mukhang nasa trenta na ang tita niya. Pero maganda pa rin. Nagmano si Tom. Magmamano rin dapat ako pero hindi natuloy dahil bigla siyang nagsalita, “Ikaw ba si Jawo?”
“Opo.”
“Naikwento ka na sa akin nitong si Tom at sa tingin ko okay ka naman,” okay? O kahanga-hanga, ayos yan?
“Ah, ganoon po ba? Baka naman po siniraan ako ni Tom sa inyo. Biro lang po!” natawa siya.
“Nakakatuwa ang kaibigan mo, Tom. So Jawo, one hundred fifty per day ang sahod mo. Sasama kayo sa akin sa paghango ng mga bulaklak at kayo rin ang magdedeliver sa mga kliyente. Ayos lang ba iyon?”
“Opo, ayos na ayos!” nag-okay sign pa ako. Ngumiti naman si Tita.
“Tawagin mo na lang akong Tita Tori. Okay?”
“Opo. Tita Tori.”
“Tara na!”
“Saan po?”
“Sa Dangwa!”
Nagulat ako sa energetic na sigaw ni Tita Tori, nailagay ko tuloy ang kanang kamay ko sa kaliwang dibdib. Kumakalabog ang puso ko sa gulat.
“Balak mo pa yatang kumanta ng Lupang Hinirang diyan iho. Tara na!”
“Sige po, tara na!” natatawang sagot ko. Nakakagulat ang tita niya.
BINABASA MO ANG
Nakakapagpamurang Kamalasan
Humor"Nakakapagpamura man ang buhay ko, malas man ako sa pantaha niyo. Gwapo naman at ang matindi pa e, isa pa ring alamat." - Jaworski Lakandula © ubiquitous_stories