Niyakap ni Selena ang sarili habang umiiyak sa lugar na pinag-iwanan sa kaniya ng binata. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang umiyak nang dahil dito. Tila nakasanayan na ng kaniyang mga mata na hindi kailanman makasasanayan ng puso niya. Naninikip ang kaniyang dibdib. Sobra-sobrang sakit ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Hindi niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin: kung babalik ba siya sa kanilang pangkat o hahanapin ang dalawa. Hindi siya maaaring bumalik sa kanilang pangkat na bigo. Ngunit, hindi niya rin alam kung may kakayahan siyang harapin sina Arche at Liliana pagkatapos na ipamukha ng dalawa na isa siyang mapaggawa ng kuwento. Totoo ang mga sinabi niya patungkol kay Liliana ngunit pinili ni Arche na hindi siya pakinggan. At, hindi niya iyon matanggap. Ganoon ba talaga kabaliw ang binata sa babaeng iyon?
Pinalis niya ang kaniyang mga luha. No, this shouldn't be like this. Hindi siya susuko na lang nang ganito. Hindi niya hahayaang mapaikot lang ito ng mapagkunwaring babaeng iyon. Hindi ito ang nararapat para sa binata.
Gamit ang kaniyang pang-amoy, napadali para kay Selena na matunton ang kinaroroonan ng dalawa. Tila nagulat si Liliana nang makita siya nito nang sandaling iyon. Napadako ang mga mata niya sa lalaking nasa tabi nito. Tila inaalo nito ang dalaga nang maratnan niya ang dalawa.
Buti pa ito, sa isip-isip niya. Pero, nang siya ang umiiyak, tanging hangin lang ang tumuyo sa mga luha niya. Habang ang babaeng nasa harapan niya, kasama ang lalaking dapat ay sa kaniya.
"B-Babalik na kami sa baba. Nagkamali kaming tinulungan ka, Sel," ani Liliana. "Mas'yadong masakit ang mga salita mo."
"Lumayo ka sa kaniya, Arche," walang emos'yon niyang usal; binalewala ang babae.
Nagkasalubong ang mga kilay ng dalagang nasa harapan niya. "A-At, bakit mo naman siya pinapalayo mula sa akin? Hindi pa ba sapat ang paninira mo sa akin kanina? Ginagawa mo ba 'to dahil may gusto ka sa kaniya? Tigilan mo na kami! Nagmagandang loob lang kami sa iyo."
Humakbang palapit sa kaniya ang binata ngunit masamang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. Hinigit nito ang kaniyang braso. "Ano pa bang ginagawa mo rito, Selena? Ang sabi ko, umuwi ka na," mahina nitong saad na tama lang upang marinig niya.
Sinalubong niya ang mga mata nito ngunit kaagad niya ring binawi ang kaniyang braso mula rito. Nilagpasan niya ito at matamang tiningnan si Liliana. "May gusto lang sa kaniya? Hindi mo ba alam kung sino ako? Sa una pa lang, may karapatan na akong ipalayo siya mula sa iyo—"
"Selena!" putol ng binata sa kaniya.
I hate this. Naikuyom niya ang kaniyang mga kamao—pinipigilan ang sariling makapagsabi ng mga bagay na hatid ng pangingibabaw ng kaniyang emos'yon.
"A-Arche, ano'ng ibig niyang sabihin? Bakit kung makapagsalita siya ay parang kilala ninyo ang isa't isa ..."
"Liliana, magpapaliwanag ako mamaya." Humakbang ito palapit sa kaniyang nililigawan. "Sasabihin ko sa iyo ang lahat-lahat. Pagkatiwalaan mo lang ako sa bagay na ito."
Napatingala ito sa binata—naghahanap ng kasagutan sa mga mata nito.
Napatitig si Selena sa dalawa. After this, what would happen next? Liliana would accept the real him and they would live happily ever after? No, that girl was a witch.
Arche, you couldn't choose to be with her ...
"Selena ..." matigas nitong tawag sa kaniya nang hindi nito nililingon ang direks'yon niya. "Kailangan nating makaalis lahat kaagad dito."
Kunot-noong napatitig si Selena sa binata.
"May ibang nilalang sa paligid. May mga matang nakatutok sa atin simula pa kanina. Hindi ligtas na manatili pa tayo rito," seryoso nitong saad habang maingat na iginala ang mga mata sa paligid.
BINABASA MO ANG
Moon Against Us
WerewolfDalawang taong lobong nakatadhanang magsama ang mas pipiliing baliin ang utos ng buwan upang palayain ang isa't isa mula sa ugnayang hinihingi ng pagkakataon. Sa pagkaputol ng taling nag-uugnay sa kanila, matatagpuan nila ang tunay na kahulugan ng s...