Chapter 8 (Unedited)

436 24 1
                                    

Ilang araw din sigurong binangungot si Amita pagkatapos ng unang paghaharap nila ni Alvin.

Masasabi ni Amita sa sarili niya na hindi siya matatakutin. Lumaki siya sa kaharian ng Dela Cerda kung saan kaliwa't kanan ang kaaway niya pero iba ang lebel ng naramdaman niya nang kaharap niya ang hari ng Castile.

Hindi niya alam kung may inilagay na mahika sa kaniya ang hari pero may kung anong lamig siyang naramdaman habang kaharap ang hari. Tila ba may malamig at nakakakilabot na mahikang dumadaloy sa dugo niya.

Napahawak si Amita sa magkabilang braso niya nang maalala ang pagngisi ng hari sa kaniya habang tinatanong kung sino siya. Ramdam na ramdamn niya ang pagtindig ng balahibo niya lalo na nang bumalik sa ala-ala niya ang mga titig nitong tila may bahid ng pagkabaliw.

Kasalukuyan siyang nakaupo ngayon sa gitna ng kama. Nagising siya dahil sa isa na namang bangungot na siyang tuluyang nag-alis ng antok niya.

Dahil hindi na makatulog, nagpasiya si Amita na bumangon at pumunta sa silid aklatan.

Hindi tulad noong unang beses na napunta siya dito, malinis at ayos na ang silid aklatan. Mayroon na ring mga bagong libro na dinala ni Yana mula sa palasyo principal.

Sa mga lumipas na araw mula noong ingkwentro sa opisina ni Alvin, binuhos ni Amita ang lahat ng atensyon niya sa pagsasa-ayos ng hilagang mansyon.

Iyon ang tanging paraan niya para pansamantalang makalimutan na anumang oras ay puwede siyang ipabitay ng hari. Akala niya'y di rin magtatagal ay muli silang magkakaharap ng hari at hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataong matapos ang pagaayos ng silid aklatan pero hindi tulad ng inaasahan niya, ilang araw na ang nakakalipas ay wala pa siyang naririnig na balita mula sa hari.

Hindi na din niya sinubukang alamin pa o magtanong kay Yana tungkol sa sitwasyon sa panig ng hari. Nagkunwari na lang siya na ito ang sinasabi niyang katahimikan bago ang sakuna.

Bagamat takot mamatay, naniniwala si Amita na kung oras na niya ay oras na niya kaya naman ganon siya ka-kalmado sa sitwasyon niya.

Sa kabilang banda, wala siyang ka-alam alam na muntik na siyang makalimutan ni Alvin.

Nakailang buntong hininga na si Alvin habang nakasalampak sa sofa sa opisina niya. Kapansin pansin na sa paligid niya'y nakakalat ang ibat ibang papeles na kailangan niyang basahin at asikasuhin.

Dahil sa makailang ulit na pagalis ni Alvin ng palasyo para sa pagpatay ng mga Culebron, unti unting naipon ang mga trabahong pinapagpaliban ni Alvin at ngayon ay halos malunod na siya sa dapat niyang gawin.

Napahawak sa nuo si Alvin habang bumubulong ng ibat ibang uri ng mura.

Bakit nga ba ako naging hari? Tanong niya sa sarili pero agad din siyang napatigil nang maalala ang nakaraan niya.

Ah.. tama. Ang tanging pagpipilian ko lang non ay mamatay o mapatay ng mga sarili kong kapatid.

Napangiwi si Alvin nang maalala niya ang mga kaganapan bago siya maging opisyal na tagapagmana ng trono kaya agad niya iyong isinantabi bago bumangon at muling sinimulan ang pagaasikaso sa trabaho niya.

Umupo siya nang tuwid at iniabot ang papeles na pinakamalapit sa kaniya. Iyon ay ulat sa kaniya patungkol sa imbestigasyon kay prinsesa 'Amita'.

Sa pagkakataong iyon lang naalala ni Alvin ang tungkol sa bagay na iyon.

Bumalik sa ala-ala niya ang una nilang pagkikita ng prinsesa. Kung paano ito nanginginig sa takot at halos hindi makatingin nang diretso sa mata niya. Napangisi si Alvin pero agad siyang napatigil nang maalala kung paanong kumalma ang mahikang dumadaloy sa katawan niya noong oras na hawakan niya ang prinsesa.

The Second Lead's Fairytale (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon