Hindi mapigilan ni Amita ang halo halong ekspresyon sa muka niya nang makita sa may balkonahe ang pamilyar na lalaki.
Simula noong gabing biglang bumisita sa mansyon ang hari ay gabi-gabi na itong dumadalaw sa kaniya.
"Kamahalan, may gusto ka ba sakin?"
Napatigil sa paglalakad si Alvin nang marinig niya ang tanong ni Amita pero agad din siyang napahalakhak nang mapaproseso ang tanong nito.
Halos agaw hininga siya sa pagtawa at napahawak sa tiyan. Matagal tagal din siguro siyang ganoon pero sa buong oras ng pagtawa ay tinignan nang masama lang siya ni Amita..
"Bakit mo natanong, prinsesa?" tanong ni Alvin nang mapakalma na ang sarili mula sa pagtawa.
Umupo siya sa kama bago lumapit kay Amita.
"Kung ganoon bakit ka laging bumibisita sa silid ko? Sinong hindi magiisip ng kung anong motibo mo gayong gabi'y gabi mo akong pinupuntahan at bigla biglang nanghahalik. Kung wala kang gusto saki'y isa lang ang tawag sayo"
"Ano iyon?" tanong ni Alvin na ngayon ay ilang dangkal nalang ang layo kay Amita. Inabot niya ang kamay nito at pinagsiklop ang mga daliri nila tulad ng lagi nitong ginagawa.
"Manyakis"
Muli na namang napahalak-hak si Alvin. Hindi niya alam kung kailan nagsimulang mapalitan ng inis ang takot sa mata ng babae sa harapan niya pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay kinatutuwa niya iyon.
Napahiga sa kama si Alvin kakatawa.
Tinignan lang ulit siya ng masama ni Amita pero sa pagkakatong iyon ay may napagtanto ang huli.
Hindi niya maitatangging gwapo ang lalaki sa harapan niya lalo na ngayo't totoo ang mga ngiti nito kumpara sa madalas nitong malokong mga ngisi.
Sa normal na pagkakaton ay kikiligin si Amita at sigurado siyang mahuhulog ang loob niya pero hindi parin nawawala sa isip niya kung sino ang nasa harapan niya.
Siya si haring Alvin Castile. Ang lalaking hindi manlang siya sinipot noong unang araw ng pagpunta niya sa kahariang ito, dahilan kung bakit bukod kay Yana ay wala siyang katulong, Naglagay sa kaniya sa sira sirang mansyon na ito, at ano mang oras ay pwede siyang patayin.
Bukod pa ang pagiging baliw nito na bigla biglang sumusulpot kung saan saan at hinahalikan siya kung kailan niya gusto.
Aaminin ni Amita na minsan ay maging siya ay nadadala sa kakaibang sensasyon na nararamdaman niya sa tuwing hinahalikan siya ng hari pero kumbinsido siyang kagagawan iyon ng mahika ng hari.
Nag-init ang muka ni Amita nang mapadpad sa direksyong iyon ang takbo ng utak niya at saktong sakto naman na nagtama ang paningin nila ni Alvin kaya agad siyang napa-iwas ng tingin.
"Ohh. Bakit namumula ka? anong ini-isip mo, prinsesa Amita?"
"Hindi mo na kailangang malaman, kamahalan"
"Pero bakit pakiramdam ko'y isa ako sa dahilan ng pamumula mo?" Pagngisi ni Alvin bago tinagilid ang ulo sa direksyon ng tingin ni Amita.
Ibinaling ni Amita ang tingin sa ibang direksyon pero tulad kanina'y hinarang ng hari ang muka niya sa direksyong iyon.
Sa pagkakataong iyon ay natameme nalang si Amita dahil hindi siya makapaniwala sa kilos ng hari.
"Pwede ko bang hulaan kung ano yung inisip mo't dahilan ng pamumula ng muka mo?" pabulong na saad ni Alvin bago marahang dinampi ang likod ng kamay sa pisngi ni Amita na siyang lalong nagpainit ng muka ng huli.
"Ganito?"
Pagkasabi noon ay ipinagdikit ng hari ang mga labi nilang dalawa na siyang nagpasimula ng kakaibang sensasyong pareho nilang naramdaman.
Ang sensasyong iyon ang dahilan ng pagpabalik-balik ni Alvin sa sira sirang mansyong ito.
Mas pinalalim niya pa ang paghalik na tila ba hindi pa sapat ang nararamdaman niya pero agad iyong naudlot nang puwersahan siyang itulak ni Amita papalayo.
Hindi tulad noong mga unang araw, mas nakokontrol na ni Amita ang sarili niya.
Hindi niya alam kung ano ang ginagawa sa kaniya ni Alvin at hindi niya makontrol ang sarili niya sa tuwing magkalapit na silang dalawa pero patagal nang patagal ay mas nalalabanan niya iyon.
Hindi niya alam kung ano ang napapala ni alvin sa ginagawa nito sa kaniya. Nagpapasalamat siyang hanggang halik lang ang ginagawa sa kaniya nito pero hindi parin mawala sa loob niya ang inis dahil pakiramdam niya'y pinaglalaruan siya nito.
Dadalawin siya nito, isasailalim sa mahika, hahalikan, at titigil lang kung kailan gusto. Minsan ay natatagpuan niya pa ang sariling nabibitin pero mas lalo lang siyang naiinis pag naaalala iyon.
Dahil sa pinaghalong irita sa sarili at sa lalaki sa harapan niya. Hindi niya napigilan ang kamay niya sa pagsampal sa hari.
Alam niyang maaari siyang mapahamak o di kaya'y mapabitay sa ginawa niya pero mas nanaig ang inis at frustration na nararamdaman niya.
"Manyakis" saad pa ni Amita bago naglakad papalabas ng silid.
Sa pagkakataong iyon, si Alvin naman ang naiwang mag-isa sa silid.
Hindi agad siya nakapagreak at tulalang napahawak sa pisngi niya.
Hindi niya alam kung bakit pero kung kanina'y napahalakhak siya sa salitang iyon, ngayo'y may kung anong sikip sa dibdib siyang naramdaman.
Napakunot ang nuo niya habang iniisip kung ano ang nararamdaman niya.
Sa karaniwang sitwasyon ay kanina pa nakahandusay sa sahig si Amita dahil sa ginawa nitong panankit kay Alvin pero ni hindi manlang niya napansin sa sarili niya na hindi manlang siya nakaramdam ng galit sa babae. Ni hindi manlang sumagi sa isipan niyang parusahan ito.
Bago pa man siya makatagpo ng kongklusyon, nakarinig siya ng isang tinig.
"Alvin"
Inakala niya nung una'y bumalik si Amita sa silid pero agad din niyang napagtantong galing sa utak niya ang boses. May kumakausap sa kaniya gamit ang mahika.
"Asher" bati ni Alvin.
"May mahalagang ulat tungkol sa Dela Cerda..."
Tumango si Alvin bago inayos ang nakusot na damit.
Wala na ang kanina'y ngiti sa muka niya at napalitan na iyon ng nakakaloko niyang ngisi na siyang lalong lumalawak habang pinapakinggan ang ulat ni Asher.
Gayunma'y halata sa mga mata niya ang pigil na galit.
"Sabi nila'y kagagawan ni prinsesa Amita ang lahat?"
Hindi sumagot si Asher pero alam na naman ni Alvin ang sagot.
"Asher, ikaw ang manguna sa labanan. Kung maaari'y balatan mo sila ng buhay para sa akin" utos ni Alvin na siyang ikina-buntong hininga ng kausap.
Ang napagusapan sa pagpupulong kanina'y iba ang mangunguna sa pagmamartsa tungo sa Dela Cerda at hindi si Asher.
Sa totoo lang ay gustong tumanggi ni Asher sa utos ng hari pero agad siyang napatigil nang may mapagtanto.
Tandang tanda niya pa kung paanong gusto niya ding balatan ng buhay ang mga nagpahirap sa asawa niya.
Napangisi si Asher. Ngayon alam na niya kung bakit tila nagbago ang ihip ng hangin sa palasyo.
BINABASA MO ANG
The Second Lead's Fairytale (ON-GOING)
Romance***Synopsis*** Hindi ko mapigilan ang paglabas ng buntong hininga ko habang papalapit nang papalapit sa malaking palasyo ang sinasakyan kong karwahe. Iyon ang palasyo ng kaharian ng Castile. Ang kaharian pinaghaharian ng lalaking papakasalan ko. Si...