🎭 THIRD BEAT

157 8 33
                                    

PAGKALAGOK KO SA INIINOM na Empi sa plastik na baso, nagsalita ako, “Guys, alam n’yo ba?” Napatingin naman ’yong tatlo kong katropa sa akin na na-curious sa gusto kong sabihin.

Madilim na ang paligid at kasagsagan ng bugso ng malamig na hangin,  nakatambay kaming apat sa maliit na garahe ng bahay nina Oliver habang tanaw ang kalsada, tapos may nakaayos na upuan at mesa. Kahit naka-uniform, nag-set pa rin kami ng inuman. E, pagkatapos at pagkatapos mismo ng klase namin, deretso na agad kina Oliver. Matapos kaya kaming i-stress-in ng mga teacher sa mga pinagawa sa school, dapat lang naman kaming mag-chill at mag-relax.

Napasobra nga lang ’yong bili naming alak at pulutan; kung makagastos ang mga ito, parang anak ni Henry Sy. May sisig, kalahating manok galing Andok’s, at dalawang bote ng Emperador. Ganiyan kami ng mga barkada ko. May pang-ambag lagi sa inuman, pero sa school projects at groupings, wala.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita, kahit hindi pa gaanong tumatalab ang epekto ng alak sa akin, "Pansin n'yo, simula no'ng dumating 'yang si Donny, naging center of attention siya ng buong section natin.” Hindi ko na napigilang magreklamo at dumakdak. Seryoso, kaya ko pa bang tiisin ang lalaking iyon?

"Ang cool nga niya, e. Masarap kasama. Malakas din karisma,” komento nitong si Oliver na kaharap ko pagkasubo ng sisig na nakalagay sa styrofoam container.

Sumingit sa usapan si Mok-mok,  “Tapos genius pa! Himalang napangiti niya si Sir Calara. E, daig pa no'n may menopause, ’di ba?” Akala ko, kakampihan din ako nito.

Grabe, trayduran pala gagawin nila sa akin pagkatapos ng lahat.

“Sus, parang ngayon lang kayo nakakita ng talented sa buong buhay n’yo.” Umiling ako sabay shot ng alak. Mas inuna pa ng mga unggoy ang lalaking transferee kaysa sa ilang taon na nilang kaibigan. Nakasasakit talaga ng damdamin. Mga taksil!

Kinausap naman ako bigla nitong si Japs na kahit hindi pa lasing, sesenglot-senglot na ang boses, “Ang lakas yata ng amoy mo, Chester. Naaamoy ko insect sa ’yo.”

Kunot-noo kong inamoy ang magkabilang kilikili ko. "Ano'ng amoy insect?" Tanong ko sabay tingin nang masama kay Japs.

“E ’di, insect. Insecurity.” Tapos ay natawa siya nang malakas at saka rin sumabay sina Oliver at Mok-mok sa pagtawa sabay apir sa isa’t isa. Habang ako, nanahimik na lang habang tinitingnan ang tatlong unggoy. Kaunti na lang talaga, bibingo na sila.

Umakbay pa itong si Oliver na katabi ko lang, “Buti nga siya, guwapo na, matalino, magaling pang kumanta at tumugtog ng mga instruments. E, ikaw? Marunong lang mag-basketball. Guwapo? 'Di na lang ako mag-talk, p're.” Pagkatapos ay inalog-alog pa ako sa balikat. Aba, gusto talaga nilang makaisa.

Hindi na talaga ako nakapagtimpi at saka na naglabas ng hinaing. "Sige, diyan naman kayo magaling! Pagtulungan n'yo na ako." Ewan ko ba sa mga ito at mas kampi pa sila sa Donny na iyon?

Sumagot si Japs, "Ba't 'di mo kasi bigyan ng chance kaibiganin? Feeling ko nga, magiging magkasundo kayo no'n." Luh siya.

Napangisi ako at natawa, pero ’yong may halong pang-aasar. "Gagu. Kahit mamatay pa 'ko, 'di ako makikipag-close do'n. Kiss niya muna puwit ko,” pagsusungit ko sabay krus ng braso. Asa naman ’yon. Ano siya sinusuwerte?

Kung sa buhangin, kahit siya ang buhangin na galing sa Boracay, tapos ako 'yong buhanging ginagamit lang sa construction, parehas pa rin kaming buhangin. Kaya huwag siyang masiyadong nagmamataas.

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon