🎭 TWENTY-SIXTH BEAT

73 6 14
                                    

DISMISSAL TIME, ALIGAGA KAMING lumabas sa classroom. Pagkatingin sa oras ng aking cellphone, alas-sais na ng gabi, pero maliwanag pa rin ang kalangitan.

Habang naglalakad sa may campus shed papunta sa gate, tinapik na nina Oliver at Japs ang mga balikat namin ni Mok-mok at nauna na sa amin.

"'Ge, ingat kayo," paalam ko kay Mok-mok dahil hindi sasabay sa akin pauwi at sasama na naman sa girlfriend niya. Grabe, ako ulit mag-isa nito.

Nagsimula na rin akong maglakad na nag-iisa habang nakasampay ang uniform ko sa balikat at tanging puting t-shirt na lang ang naiwan sa suot ko kasama ng pantalon na kulay black.

Natapos na naman ang isang araw ng pagiging best actor ko, hindi lang bilang Titaneo, pati na sa pagtatago ng totoo kong emosyon—kunwari, masaya ako. Kunwari, walang problema. Pero tadtad na ng saksak ang aking kalooban.

Dama ko na naman ang pag-iisa at kalungkutan.

Kung kailan play na namin sa Friday, nagkanda-letse-letse pa ang buhay kong ito. Akala ko, magiging okay na akong kaharap si Donny sa rehearsals, pero bugbog-sarado pa rin ang puso kong ito. Medyo hirap na nga ako, sa totoo lang, sa pagpa-practice na ginagawa namin kahit nakakaya ko pa naman kahit papaano.

Iyon nga lang, hindi ko alam kung aabutan pa ba ako ng sikat ng araw pagdating ng araw noong play namin.

Malalim ang iniisip ko habang nakayukong naglalakad habang malapit na ako sa gate, pero isang pamilyar na boses ang tumawag sa akin.

"Chester!"

"Sir." Medyo nabigla ako nang lapitan ni Sir Joko.

"Pauwi ka na?" tanong niya sa akin habang pansin kong dala na niya ang kaniyang bag.

"Opo," sagot ko nang medyo awkward ang mga ngiti at saka tumango.

"Okay, gusto mo, sabay ka na sa 'kin?" Ano raw? Natigilan muna siya bago nagpatuloy, "But first of all, gusto mong samahan mo muna ako?"

"Sir..." Nakaramdam ako ng hiya kay Sir kaya hindi ko matingnan nang diretso. Ginugulang-gulangan ko man siya, pero hindi pa rin mapigilan ng sarili ko na makaramdam ng hiya.

Pero seryoso ang mukha niya habang kausap ako. "No, it's okay, Chester. Gusto lang kitang makausap." Natigilan ako sa sinabi ni Sir Joko.

Mukhang nakakakaramdam na si Sir Joko sa kung ano ang nangyayari sa amin sa rehearsals ni Donny.

At hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa mga galaw ni Sir.

Pero gusto ko ring maging klaro sa akin ang mga bagay-bagay. At siguro naman, matutulungan ako ni Sir Joko kahit papaano? Ewan ko na lang.

"S...sige po, sir." Tumango ako at saka sumunod kay Sir Joko para puntahan ang kotse niya sa may maliit na parking lot ng paaralan. Bahala na talaga ang nangyayari sa akin nito.

Dinala ako ni Sir Joko sa Parque Café na isang maliit na coffee shop sa Apalit. Ilang minuto lang naman ang inabot namin bago makarating dahil sobrang lapit lang nito sa kanto pagkalabas sa paaralan namin. Pagkatingin ko sa may malaking bintana, medyo busy na nga rin ang labas dahil naghahanda na ang mga tao para sa paparating na piyesta. Buti nga, nakahanap pa kami ng mauupuan dahil may mga tao na rin sa loob ng coffee shop.

Habang ako, mag-isa lang na nakaupo sa mesa habang hinihintay si Sir Joko na nagpunta pa sa counter para bumili ng o-order-in para sa aming dalawa. Libre naman daw niya, kaya hindi na ako pumalag. Mabuti na lang at medyo pamilyar na ako rito dahil dinadala-dala kami rito nina Japs.

Kanina pa ako nakamasid sa buong paligid. Napatingin pa nga ako sa bandang kaliwa ko na mag-jowang lalaki at babae na nagse-selfie pa kasama ng mga in-order nilang pagkain. Naging mapait pa tuloy sa kape ang nararamdaman ko ngayon.

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon