🎭 NINTEENTH BEAT

99 5 25
                                    

DAIG PA NG MAY concert kung maka-perform si Tita Joy na nanay ni Japs sa videoke. Kung kanina, How Do I Live by LeAnn Rimes ang kinakanta, ngayon ay todo birit naman si Tita sa Luha ng bandang Aegis. E, okay lang naman. Maganda kasi boses niya.

Birthday kasi ngayong araw ni Japs, tapos nagrenta sila ng pamilya niya ng private villa sa isang resort sa Macabebe para doon mag-celebrate. All-present kaming tatlo nina Mok-mok at Oliver sa loob ng videoke booth. Hindi naman puwedeng absent kami, ano?

Tuloy-tuloy lang ang inuman naming magtotropa habang bigay-todo ang nanay ng birthday celebrant sa pagkanta. Napatingin na rin ako sa labas, kumagat na ang dilim at nagsimula nang pailawin 'yong swimming pool sa labas.

Hindi rin dapat mawala ang pulutan sa inuman. Pero itong sina Mok-mok at Oliver, halos maubos na 'yong sisig at roast beef na nakalagay sa paper plate.

Ako naman, nagbuhos ng alak sa baso ko habang pinanonood 'yong tumatakbong cheetah na background sa videoke.

Itututok ko na sana 'yong baso sa bibig ko nang maramdaman kong may humawak sa balikat ko.

"Huy!" Ay, pucha!

Wow, OA? Tinamaan ng kidlat kung maka-react?

Paglingon ko, heto na nga si Donny—ang asungot sa buhay ko kasama ang pamatay niyang mga ngiti.

"Wow, Lito Atienza! Welcome po, mayor," bungad nitong si Mok-mok. Habang ako, hindi makapapagsalita pagkatitig sa kaniya. Bumagay nga sa kaniya 'yong suot niyang black na Hawaiian polo na may kulay blue na mga bulaklak. Tapos nakaalis pa ang butones noong nasa itaas.

Kahit ano pa siguro suotin ng lalaking ito, babagay at babagay pa rin sa kaniya. Kahit siguro sako pa suotin niya, guwapo pa rin siya sa paningin ko, kainis! 

Nahiya tuloy ako sa suot ko ngayong kulay olive green na muscle shirt. Shet, nagmukha akong busabos.

"Sorry, guys, kung na-late. Galing kasi akong Angeles, e. Sinamahan ko pa si Daddy," paliwanag ni Donny sa amin. E, 6:30 na rin siya nakarating.

"Okay lang 'yon, p're. Ang importante, nakarating ka." Umakbay itong si Japs kay Donny.

Si Tita Joy naman ang nagsalita pagkatayo sa sofa matapos niyang kumanta, "Hijo, kain ka muna do'n sa table. Samahan na kita."

"S...sige lang po, Tita. Thank you." Isang maaliwalas na ngiti ang ipinakita niya—'yong ngiting masarap titigan. Pero para naman akong sinusunog kapag natagalan ang tingin. Ewan ko lang, pero bakit masarap ang bawal?

Kinalabit pa ako nitong si Donny at pagkatapos, kinausap ako, "Uy, 'di mo 'ko sasamahan do'n?" Wow, pagkatapos aminin na babae ang gusto niya no'ng naglaro kami ng Truth or Dare, magpapaka-sweet naman siya sa akin ngayon? Yuck! Ano itong pinagsasasabi ko?

"'Di, dito na lang ako," pagtanggi ko. Siyempre, matigas ang desisyon kong iyon. Ano tingin niya sa akin, madaling bumigay?

"Okay po." Huminga siyang malalim, tapos ay natawa bago lumabas ng videoke booth.

Napatanaw na lang ako sa likuran ko sa malaking glass window—pasimpleng nakatingin kay Donny sa malayuan habang kumukuha sa mga nakahapag na pagkain sa mesa roon sa labas. Nakangiti; halatang masaya.

Hingang malalim, Chester. Tanggapin mo nang hindi siya magiging sa iyo.

Pero kahit sa malayuan, napatingin din sa akin si Donny, pagkatapos ay bigla niya akong tinanguan. Sumabay pa na ang kinakanta ngayon ni Oliver sa videoke ay Pare Ko ng Eraserheads.

Tapos heto naman ako, kaunti na lang, kikiligin na. Papa'no ba 'ko magmu-move-on kung ganito naman lagi nakikita ko? Totoo nga ang sabi ng kanta, nagmukha akong tanga.

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon