🎭 FIFTH BEAT

129 6 24
                                    

WALA NA, HINDI NA masaya. May pa-epal kasi.

Curious lang ako, wala bang ibang pinagkakaabalahanan sa buhay itong si Donny? Hobby niya kasi ang pumapel. Okay na sana, e; maayos na ang momentum ng mga bagay-bagay. Kumbaga sa basketball, ang ganda ng posisyon ko sa pag-shoot ng bola sa ring—walang mintis—alam kong magiging maganda na ang pasok. Tapos last second, biglang may ibang manlalaro na aagawin sa akin ang bola at siya pa ang makaka-shoot.

Nasa acceptance stage na siguro ako. Medyo tanggap ko nang hindi sa akin napunta ang role. Pero bakit naman ganoon? Papasok sa eksena si Donny at sa kaniya pala ibibigay si Oberon. Talagang nakasasakit ng damdamin.

"Hindi n'yo ako matatakot sa inyong pagbabanta, mahal na hari."

Kanina pa ako yamot habang pinanonood ang sample script reading na ginagawa ni Donny sa harapan. Tapos nakapalibot ang mga upuan namin sa bawat sulok ng lumang classroom ng grade 7 Pagkabigay ng script sa amin, mas lalo akong nanghinayang sa role.

Nagsimula na kaming mag-rehearse kinabukasan. May schedule nang ibinigay si Sir Joko at may pagkakataong umaga o kaya hapon ang rehearsals namin. Ibig sabihin, may matatamaan sa mga klase sa aming afternoon shift, kaya kailangan naming ipatawag from time to time. Wala nga lang rehearsals kapag Sabado at Linggo.

"Kahit ako ay inyong patayin, hindi ninyo kailanman mapapatay ang nararamdaman ko para kay Titaneo!" nagpatuloy itong si Donny sa pagbabasa ng script sa harapan at napailing na lang ako lalo, sabay napasapo ng baba sa aking kamay.

"Bravo!" As usual, pinalakpakan na naman siya ng mga kasama ko sa play habang napakomento si sir sa ginawa niya. Siyempre, siya na naman ang bida sa mata nila. Siyempre, siya naman lagi ang star of the show.

"Magaling, Donny," tuwang-tuwa na sabi ni Sir Joko habang pinapalakpakan itong Donny. "Script reading pa lang 'to, a? Pero you're already nailing your performance. Nice start!"

"Thank you po, sir." Ewan ko ba sa lalaking ito, mahilig yatang mangisda ng compliments ng ibang tao. Pero nakaiinis din kasi, na sa bawat pagsasalita niya, parang ipinamumukha ng lalaking ito na karapat-dapat siya sa role ni Oberon. Siya na talagang magaling sa mundong ito.

Ang ganda na sana ng role ni Oberon na isang lalaking super passionate at handang ialay ang buhay para lang sa taong mahal niya. Ginawa nga niya lahat ng mahihirap na pagsubok na ibinigay ni Haring Rillius maipakita lang ang pagmamahal sa anak nito. Kaya nagkamatay-matay siya sa huling pagsubok, pero naging tapat pa rin kay Titaneo hanggang huli. Grabe ang lalaking ito, napakamartir.

Iyon nga lang, nabuhay naman ulit si Oberon at naging isang ganap na fairy sa ending. Sila pa rin ni Titaneo ang end game at naging mga hari pa ng Fairy Kingdom.

"Sige, try naman natin 'yong scene na kasama si Titaneo. Chester, tayo ka." Nanlaki ang aking mga mata at nanginig sa kinauupuan nang tawagin ang pangalan ko.

Napaturo ako sa dibdib at saka naman sumagot si sir ng "Oo, ikaw. Tumayo ka at lumapit kay Donny." Napakamot ako ng ulo sa iniuutos ng guro at saka sumunod sabay ng pagbuga ng hangin mula sa butas ng ilong ko.

Pagkalapit kay Donny, ni hindi ko nga siya matingnan nang deretso at naka-focus lang ako sa script sabay himas sa aking batok.

"Try n'yong basahin 'yong part na unang nagkita sina Oberon at Titaneo."

"Copy, sir." Si Donny ang sumagot, habang ako naman ay walang imik.

"Three...two...one...go!" Pagkasenyas ni Sir Joko, nagsimula na kaming magbasa ng aming script.

"Sino ka? At saan kang lupalop nagmula?"

"Prinsipe Oberon ng Camiro. Ako ay humihingi ng paumanhin dahil ako'y naliligaw at hindi makabalik sa amin." Kung gaano kalatoy ang pagbabasa ko, ganoon naman kamadamdamin ang kay Donny, tapos may pa-action pa. Naku, nagbida-bida na naman siya.

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon