🎭 TWENTY-FOURTH BEAT

70 5 25
                                    

SA ILANG BUWANG PAG-PRACTICE para sa Sina Oberon at Titaneo, marami ang nangyari sa aking buhay na maski ako ay hindi kumbinsidong mangyayari pa pala sa akin. Sa tagal ng panahon, para bang dito na umikot ang mundo ko-parang ako lang kay Donny.

Pero sa bandang huli, bigla akong hinambalos ng katotohanan; ni-realtalk ako na itong mundong ginagalawan ko ay reyalidad pa rin, malayo sa kuwento ng dalawang kahit pareho ng kasarian ay nanaig pa rin ang pagmamahalan nila.

Kalalabas ko lang ng gate ng bahay para mag-basketball sa court sa may lipat kasama sina Mok-mok. Maayos pa ang suot kong damit na puting jersey at shorts na may naka-print pa na Maglalang 07 sa likod.

Pero pagkadaan sa may kalye, naramdaman ko na may tumapik sa balikat ko. Dahan-dahan akong napatingin sa bandang kanan at nakita ang walang iba kung hindi ang papa ko. Nakasuot naman siya ng uniform sa trabaho niya habang dala ang itim na backpack. Mukhang papasok na siya sa trabaho.

Nagsimula na namang manlamig ang buong katawan ko sabay ng pagbubutil ng pawis sa mukha. Hindi naman ganoong nakatatakot ang hitsura ng papa ko, pero hindi ko maipaliwanag ang kaba na nararamdaman ko tuwing nandito ang presensiya niya sa bahay.

Hirap na nga ako noong sinabi niyang manonood siya ng play namin, isama pa itong mayroon akong boyf-kaibigan na hindi ko alam kung paano ipagsisigawan sa mundo ang nararamdaman ko at itong namamagitan sa aming dalawa. Seryoso, papaano ko sasabihin na kami ng ginagampanan ko, parehas na lalaki ang gusto?

"Una na 'ko, Chester, a?" Heto ang papa ko, nakangiti bago maunang umalis sa akin.

Kahit ninenerbiyos at napalunok ng laway, pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. "Sige, 'Pa. Ingat po kayo." Sumagot ako kay Papa na parang normal lang-kahit sa kaloob-looban, kaunti na lang at sasabog na ako.

Pagkaalis ni Papa, huminga ako nang malalim bago lumipat ng daan.

Ito pa nga, pagpasok sa school, ibang scenario naman ang bumungad sa akin. Patanghali na noong makarating ako sa school namin. Ngayon, nilalakad ko ang campus shed na tirik na tirik ang araw kahit na nasa kalagitnaan ng June.

Napatigil ako sa paglalakad at saka inilabas ang bimpo sa bulsa ko. Habang pinupunasan ang pawis sa mukha, kaagad na may sumagi sa paningin ko—si Donny na naunang naglakad sa akin.

“Uy!” Masaya kong binati si Donny tapos ay mabilis ko siyang hinawakan sa balikat.

Pero imbes na ’yong automatic niyang sagot na “Uy!” sabay ngiti ang sinagot niya sa akin, hindi siya unimik at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Para namang wala ang presensiya ko sa kaniya.

Masama ba pakiramdam niya? Parang ang tamlay-tamlay ni Donny ngayon.

“May problema ba?” Kaagad ko siyang hinabol at saka nagtanong. Pero halata naman sa mukha niya na

Nagpakita ng tipid na ngiti si Donny sa akin. “Wala...okay lang.” Pagkatapos nga lang noon ay mabilis itong nawala. Nagpatuloy siya sa paglalakad na parang wala lang ang tanong ko sa kaniya. Iniiwasan ba niya ako?

Tapos, heto naman akong naiwan, napakamot ng ulo dahil gulong-gulo na sa mga nangyayari.

Maski nga sa classroom, walang imik itong si Donny. Ni noong isang araw nga, hilig niyang magpabibo at nagtataas ng kamay at sumasagot kapag tinatawag ng teacher. Pero ngayon, sumasagot-sagot pa rin naman siya, pero hindi ganoon ka-active tulad noon. Alam kong kapag nakararamdam ng ganito si Donny...may hindi magandang nangyari sa kaniya.

Imbes na makinig sa discussion, kahit na papalapit na ang final exams namin, halos bulabugin na ako nitong utak ko na hindi rin masagot ang tanong na bakit. May nagawa ba ako? Ako ba ang may kasalanan?

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon