May minsang nagsisipilyo,
Nakangiti at tila naglalaro,
Nang biglang mapatingin sa repleksyon,
At nakakita ng estranghero.Natigilan.
Hindi mawari kung bakit hindi makilala,
Na tila ba ngayon lang nasilayan.
Nakakapagtaka.Sabi ng mga nakakakilala mula pagkabata,
Hindi raw nagbago ang aking itsura,
Magmula noong sanggol hanggang pagdadalaga,
Ganoon parin daw ang aking mukha.Hindi ako doon nagdududa,
Pagkat sila ang saki'y nakakakita,
Ngunit parang dayo lamang talaga sya,
Hindi pamilyar sa aking mga ala-ala.Dahil sa aking naisip,
Isang batang babae ang nakita,
Nakatayo sa harap ng salamin,
Nakatingin din sa repleksyon nya.Mga luha ay unti-unting pumatak,
Di mapigilan kanilang pagbagsak,
Kanyang mga mata'y nagsisimula ring umiyak,
Natatanong kung naging sapat ba ang mga palakpak.Isa lamang syang bahagi ng memorya,
Ala-ala ng batang isinakripisyo,
Batang isinuko at hinayaang mawala,
Kapalit ng pagpapangiti sa mga tao.Hindi napigilang matulala,
Binabalikan ang mga nangyari,
Tama nga bang pinili ay sila?
Tama nga bang hinayaang mawala ang ngiti nya?Unti-unting napagtanto,
Hindi katakatakang nanibago sa repleksyon,
Nakalimutan na kung sino,
Matapos magpanggap ng ilang taon.Patuloy ang daloy ng mga luha,
Minumulto ng mga dati'y nagpapasaya
Sinubukan mang pigilan,
Mas lalo lamang nasasaktan.Wala nang kasiguraduhan kung tama nga,
Isang malaking desisyon ang minsang ginawa,
Desisyong hindi napag-isipang mabuti dahil bata pa,
Hindi alam kung ano talaga ang mahalaga.Ang bata sa repleksyon,
Sya ang batang nagturo ng leksyon,
Ang puso ng lahat ng pangarap,
Ang iniwan para sa inaakalang tamang hinaharap.Ngunit bakit ganoon,
Bakit kahit mata'y may masasakit na tanong,
Na may mga dumadaloy nang luha,
Nakangiti parin sya?Masaya ka ba para sakin?
Hindi ko maisaboses and katanungan.
Pinipili mo parin ba akong intindihin?
Miski sarili ay hindi kayang maunawaan.Habang nakatingin sa repleksyon hindi makilala,
Maraming tanong ang namuo sa isipan,
Mga tanong na ipinagsawalang-bahala,
Mga memoryang nakalimutan.Hindi masagot kung naging sapat nga ba,
May mga pagkukulang at pagdududa,
Sa sarili at desisyon,
Hindi na alam kung saan naroroon.Mga matang nasa repleksyon,
Ang isa ay sakin ang isa'y sa batang iyon,
Magkakulay at magkahugis naman sa unang kita,
Kapansin-pansing wala nang kinang ang sa isa.Parehong umiiyak,
Parehong may mga luha,
Magkaiba ng oras ng pagbagsak,
Ang isa kasi'y nasa nakaraan na.Unti-unting naintindihan ang nagyayari,
Hindi naman talaga estranghero ang nakita,
Hindi lang talaga namalayang wala na ang dati,
O mas tamang sabihing ito'y itinatanggi pa.Wala na ang kinang na dating naroroon,
Mga kinang na repleksyon ng puso.
Ang ngiting sa lahat ng pangarap ay bumuo,
Tumigil na ang laro.