CHAPTER 1: The Crown

295 6 10
                                    

CHAPTER 1: The Crown


"Tara na, King!"

Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Wright. Nakatayo siya sa may pintuan ng changing room, hawak-hawak na ang doorknob. Nanatili lang akong nakaupo sa bench at nag-focus sa pagsisintas ng sneakers ko.

"Dali, King!"

Ang kulit. Hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi siya nakakaramdam ng pagod o antok. Bilang miyembro ng Varsity Swim Team ng university namin, halos araw-araw kaming may practice. Practice sa umaga bago magsimula ang mga klase namin. Practice sa hapon pagkatapos ng mga klase namin. At half-day practice naman tuwing Sabado, gaya ngayong araw.

Tumayo na ako sakbit ang duffel bag ko.

"Dali, dali!" Nakangiting pagmamadali sa akin ni Wright.

Binigyan ko siya ng matalim na tingin dahil sa pagkairita.

"Sorry na, King!" sabi niya sabay tawa.

"Bakit ka ba nagmamadali?" iritado kong tanong.

Hindi pa rin nawala ang ngiti niya.

Kung ibang tao lang ito, matatakot na sila sa akin o hindi kaya ay mao-offend dahil sa paraan ko ng pananalita. Pero dahil matagal na kaming magkaibigan ni Wright, nakasanayan na niya iyon.

"May lakad kasi kami ni Rin-Rin ngayon." dahilan niya na nagpalala ng talim ng tingin ko sa kanya.

Alam kong naramdaman niya ang paglala rin ng pagka-iritable ko. Napasandal siya sa nakasarang pinto at naiilang na tumawa sabay wagayway ng isang kamay.

"Hala, wala bang nasabi si Rin-Rin sa 'yo? Akala ko niyaya ka rin niya e!"

Ilang saglit nanatili ang matalim kong tingin sa kanya bago ako naglakad palapit doon sa pintuan. Pinagbuksan ako ni Wright ng pinto at pinaunang lumabas. Sumunod lang siya sa akin na para bang wala siyang atraso sa akin—wala naman talaga kaso nairita ako nang sobra sa nalaman ko.

"See you on Monday, King, Wright!" paalam ng Team Captain naming si Kuya Kevin. Nakatayo siya sa pool side kasama ang coach naming si Coach Larry.

Naka-swimming attire pa rin si Kuya Kevin at mukhang wala pang balak mag-ayos o umalis. Bilang Team Captain, madalas niyang samahan ang mga team naming nag-e-extend ng practice.

Si Wright, maligalig na nakapagpaalam kina Kuya Kevin at Coach Larry. Samantalang ako, hindi ko maalis-alis sa hitsura ko ang pagka-iritado. Pero pinilit kong magpaalam nang magalang.

Ramdam ko ang excitement kay Wright. Humuhuni pa siya habang naglalakad kami. Parang lalo namang nag-init ang ulo ko.

Malapit na kami sa exit ng campus nang may masilayan akong balingkinitang babae na nakangiting kumakaway habang nakatayo sa gilid ng gate. Naka-jumper shorts siya na may itim na leggings. Nakalugay naman ang itim at hanggang balikat niyang buhok.

"Rin-Rin!" Kumaway rin si Wright at patakbong lumapit dito. Sumunod lang ako. "Ang bilis mo naman!"

"Excited na ako e! Tara na?" Nakangiti pa ring yaya ni Lunareen sa kanya.

Si Lunareen 'yong babae na matititigan mo nang matagal sa unang tingin, pero iyon ay hindi dahil sa magandang dahilan. Sa mukha kasi niya ay kitang-kita ang mahabang peklat na nagsisimula sa ibaba ng kaliwa niyang mata, na umaabot malapit sa kaliwang sulok ng kanyang bibig.

"Uhm," Mukhang nag-alangan bigla si Wright. "Paano si King? Hindi mo pala siya niyaya?"

Nilipat ni Lunareen ang tingin sa akin. Sa wakas, tiningnan na niya ako. Mula kanina, kay Wright lang siya nakatingin e.

King's Moon (Published under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon