FINAL CHAPTER: The Reward
"Earth calling King!"
Walang gana akong napatingin kay Lunareen na nakaupo sa dining chair sa tabi ko. Kanina pa kasi niya ako tinatawag pero hindi ko siya kinikibo.
"Bakit Earth?" tanong ko sa wala ring kabuhay-buhay na tono. "Hindi ba dapat, Moon calling King?"
Napakurap siya. "Bakit naman moon?"
"Kasi 'yong pangalan mo, Lunareen. Luna."
"Ah... Oo nga 'no?" Mukha ngang ngayon lang niya iyon napagtanto.
"Ay, nako, kabado ka ba masyado, King?" tanong ni Mama na kababalik lang ng kainan galing kusina. May dala siyang isang bandeha ng sinangag na hinain niya sa mesa. "Mula paggising mo, walang-wala ka na sa sarili mo."
"Siyempre naman po..." mahina at may pagkahiya kong pag-amin.
Napangiti pareho sina Lunareen at Mama.
"Oo naman, napakatagal na mula noong huling competition na sinalihan mo, 'di ba? Ilang taon ka lang no'n ulit, King?" tanong ni Lunareen.
"7 years old?" Walang kasiguraduhan kong sagot.
"Woah. 13 years na rin pala ang nakalipas." Mukhang manghang-mangha siya.
"Nagkaroon naman kami ng race simulation noong nakaraang linggo," kuwento ko. "Parang competition na rin 'yon kaya nakondisyon na ang utak ko sa Nationals. Pero ngayon, ewan ko ba, kinakabahan na naman ako."
Sa normal na pagkakataon, kinikimkim ko lang sa sarili ko ang anumang nararamdaman ko. Pero nang magsimula akong manligaw kay Lunareen, onti-onti, natutunan kong maging open sa kanya tungkol sa maraming bagay.
Mag-iisang buwan na rin mula noong magkaaminan kami ni Lunareen at noong magpaalam akong manliligaw sa kanya. Pinaalam ko rin iyon kaagad kay Mama na kahit tuwang-tuwa sa nalaman ay todo paalala rin sa aming dalawa ni Lunareen. Wala man itong pagkontra sa nararamdaman namin at sa panliligaw na ginagawa ko, ayaw naman daw niyang makagawa kami ng bagay na maaari naming pagsisihan.
Aaminin ko, oo, nandoon 'yong temptasyon minsan—kung ayun man ang ibig sabihin ni Mama. Pero wala pa sa ganoong level ang relasyon namin ni Lunareen para bumigay sa temptasyon na iyon. Masyado rin kaming naka-focus sa pagtupad sa mga plano at pangarap namin sa buhay at wala kaming balak na sirain iyon.
Sa gitna ng pagkain namin ng almusal, sinubukan nina Lunareen at Mama na pagaanin ang nararamdaman ko. Natatawa na nga lang ako sa kanila dahil ang inosente nila tingnan pareho habang nagdisdiskusyon sila tungkol sa kabang nararamdaman ko.
Sa totoo lang, itong kaba ko, may halong excitement. Parang gusto ko na ngang lumangoy at ibigay ang 100% ko para manalo. Gusto ko nang makita ang magiging reaksyon ni Lunareen sa mapapanood niya habang nakikipagkumpetensya ako. Gusto ko nang makita kung paano siya magiging proud sa akin. Hindi ko lang maiwasang makaramdam ng pag-aalinlangan kapag naiisip kong maaari akong matalo at maaari ko silang ma-disappoint nina Mama.
"Ma, bye. Mamaya na lang po, ha. Magsabay po kayo ni Lunareen doon sa complex." paalam ko kay Mama sa kainan noong handa na akong umalis sakbit-sakbit ang duffel bag ko.
Niyakap ako ni Mama. "Mag-ingat ka. Basta ako nang bahala kay Rin-Rin. Magkasama ka naming panonoorin at susuportahan mamaya."
Ginantihan ko saglit ang yakap ni Mama bago bumitaw. Nakita ko si Lunareen na nakangiti kaming pinapanood.
"Ikaw rin, puwede mo rin naman akong yakapin." Binuka ko ang mga braso ko sa direksyon niya.
Napasimangot si Lunareen, ang kanyang mukha ay bahagyang namula. "H-ha? Ayoko nga!"

BINABASA MO ANG
King's Moon (Published under Pop Fiction)
Romance𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗, 𝗝𝗨𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯 ┊ 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗘𝗗 𝗨𝗡𝗗𝗘𝗥 𝗣𝗢𝗣 𝗙𝗜𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗔𝗨𝗚 𝟮𝟬𝟮𝟰 Pangarap ni King Claveria ang maging professional swimmer--pangarap na minsan na niyang binitawan at kinasuklaman dahil sa naging hindi magand...