CHAPTER 2: The Scars
Halos sampung taon na ang nakararaan mula nang makilala ko si Lunareen.
"King, siya si Lunareen. Apo siya ni Auntie Rem. Kaedaran mo siya at parehong nasa Grade 4. Kaya maging mabait ka sa kanya, ha?" Kauuwi ko lang noon galing paaralan nang ipakilala sa akin ni Mama ang batang babae na nakaupo sa sahig ng salas namin. Abala ito sa pagbabasa ng isa sa mga storybooks ko.
Nakatalikod si Lunareen at hindi man lang ako nilingunan. Pero kaysa sa kanya, natuon ang atensyon ko sa may edad na babaeng nakaupo sa kanyang tabi na si Auntie Rem.
Si Auntie Rem ay matagal na naming kapitbahay. Biyuda siya at retirado. Lagi ko siyang naaabutang nagga-gardening sa may bakuran ng bahay niya. At tuwing nakikita niya ako, lagi niya akong aabutan ng biscuit o hindi kaya ay pera pandagdag baon ko sa school. Lagi rin siyang nagbibigay ng regalo sa pamilya namin tuwing may okasyon. Kaya naging halos kapamilya na ang turing namin sa kanya. Para sa akin, para na siyang lola ko.
Hindi ko nakikita noon si Auntie Rem na may kasama sa bahay. Lagi siyang mag-isa, pero mukha pa rin siyang masaya dahil lagi siyang nakangiti. Kagaya na lang sa pagkakataon na iyon na kasama niya ang sariling apo.
Nagselos ako noon, pero nakakagaan din ng pakiramdam na makita si Auntie Rem na ngumingiti na ulit. Bigla kasi siyang naging pawala-wala noon at tuwing nakikita ko siya, parati siyang mukhang pagod at malungkot.
"Rin-Rin, apo," Hinawakan ni Auntie Rem sa ulunan si Lunareen. "Ayan na 'yong kinukuwento namin sa 'yo na puwede mong maging kaibigan. Si King."
Doon na ako nilingunan ni Lunareen. Nagkatinginan kami. Natulala ako sa kanya—at sa malaking sugat sa kanyang mukha. Isang malaking hiwa iyon mula sa ilalim ng kaliwa niyang mata pababa sa sulok ng kanyang mga labi. Nakatahi iyon at mukhang papagaling pa lang.
Kagaya ko, wala rin siyang binitiwan na kahit anong salita. Wala siyang kahit na anong emosyon na pinakita. Gulat, excitement, o kaba, wala kahit ano.
Nagkatitigan kami. May kung ano sa mga mata niya noon na hindi ko maipaliwanag. Ang lalim. Para bang nasa ibang dimensyon ang isipan niya.
Hindi ako nagbigay ng kahit na anong tugon noon kina Mama at Auntie Rem. Iniwan ko lang silang lahat sa salas at dumiretso akyat ako sa kuwarto ko para magmukmok. Mahigit isang buwan pa lang ang nakalilipas noon nang yumao si Papa. Wala pa akong gana na makihalubilo sa ibang tao noon. At nakakailang kaya na bigla-bigla, may ipakikilala silang bata sa akin para maging kaibigan ko. Sa mga kaklase ko nga na karamihan mga kakilala ko na noong kinder pa lang ako, hindi ako nakikipagkaibigan o gaanong nakikipag-usap. Ewan ko ba pero sa edad kong iyon, parang napakabilis ko nang mapagod na makipag-usap sa maraming tao.
Magmula noon tuwing umuuwi ako galing paaralan, lagi ko nang naaabutan si Lunareen sa bahay na nagbabasa ng storybooks kasama sina Mama at Auntie Rem. Parati ko lang din silang nilalagpasan para makapag-solo ako sa kuwarto ko sa itaas.
Napansin kong mabilis naging malapit si Mama kay Lunareen. May araw na siya mismo ang nagvo-volunteer na mag-alaga rito sa bahay namin lalo na tuwing kailangang umalis ni Auntie Rem. Minsan, binibilhan din niya ito ng mga laruan. May isang araw na binigyan niya ito ng bago at sariling storybook, 'yong Cinderella. Tinanggap at binasa iyon ni Lunareen. Pero laking gulat na lang namin nang bigla-bigla, habang nagbabasa, tahimik itong naiyak.
Kagat-kagat ang ibabang labi, patuloy sa pagbagsak ang mga luha ni Lunareen kasabay ng mahihinang paghikbi. Para bang pinipilit niya ang sarili na huwag umiyak kahit hindi niya kaya. Hanggang sa yakapin na lang siya ni Auntie Rem para patahanin.
BINABASA MO ANG
King's Moon (Published under Pop Fiction)
Romance𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗, 𝗝𝗨𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯 ┊ 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗘𝗗 𝗨𝗡𝗗𝗘𝗥 𝗣𝗢𝗣 𝗙𝗜𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗔𝗨𝗚 𝟮𝟬𝟮𝟰 Pangarap ni King Claveria ang maging professional swimmer--pangarap na minsan na niyang binitawan at kinasuklaman dahil sa naging hindi magand...