CHAPTER 6: The Scrapbook
"King, pakilabas na lang ng cake at palagay sa lamesa!" sigaw ni Mama sa kusina habang abala akong mag-ayos ng dining table namin.
Hindi ako sumagot pero sinunod ko siya. Pagkatapos kong ayusin ang mga pinggan at kubyertos, nilabas ko ang cake na kahapon pa binili ni Mama at ipinuwesto iyon sa gitna ng lamesa.
Almusal pa lang namin talaga. Pero gaya ng nakasanayan namin tuwing may magse-celebrate ng birthday sa amin, ang cake ay laging isinasalubong sa celebrant pagkagising nito. Damay na si Lunareen sa nakasanayan naming 'yon ngayong 20th birthday niya.
Extra hands on si Mama ngayon sa birthday na ito ni Lunareen. Marami rin siyang balak pang gawin at ihanda mamaya. Ngayon kasi ang unang birthday na ise-celebrate nito nang wala ang lola nitong si Auntie Rem. Noong nakaraang taon lang kasi bago mag-Pasko, nang pumanaw si Auntie Rem dahil sa stroke.
Handa na ang cake at ang almusal namin sa dining table. Thirty minutes na rin naming hinihintay si Lunareen, pero hindi pa rin ito dumarating.
Magmula nang pumanaw si Auntie Rem, binigyan ni Mama si Lunareen ng duplicate key ng bahay namin. Gusto ni Mama na ituring na niyang extension ng bahay niya ang bahay namin at welcome siyang pumasok dito anumang oras lalo na kung may kailangan siya. Sinabihan din siya ni Mama na sabayan kami palagi sa pagkain na ginagawa naman niya. Kaya nakasanayan ko na rin na basta-basta na lang siya pumapasok dito tuwing almusal, tanghalian at hapunan. Nakasanayan ko na siyang kasabay sa pagkain palagi. Kaya dumating ako sa punto na hinahanap-hanap ko na siya nang ganito kaaga. Parang kulang kaagad ang araw ko kapag hindi ko rin siya agad nasisilayan: kagaya ngayon.
"Puntahan ko na lang po muna siya," paalam ko kay Mama.
"Sige. Pero kung tulog pa siya, huwag mo na muna siyang gisingin, ha?" bilin ni Mama.
Binigyan din kami ni Lunareen ng duplicate key sa bahay niya. Kagaya niya, anumang oras, puwede kaming makapasok doon para i-check siya.
Kinuha ko ang susing iyon na nakasabit sa key holder sa pader malapit sa front door, at saka ako lumabas. Diretso akong naglakad papunta sa katabi naming bahay at agad-agad pumasok sa loob.
Halos pareho lang ang bahay namin sa bahay ni Lunareen: Maayos, kumpleto sa basic na gamit, at napakatahimik.
Nang makapasok ako sa may salas, kumabog nang napakalakas ang dibdib ko dahil nakita ko si Lunareen na nakaupo sa dulong ibaba ng hagdanan nila, ang mukha niya ay nakatago at nakapahinga sa mga braso niyang nakatiklop sa ibabaw ng kanyang mga tuhod.
"Lunareen?" tawag ko sa kanya pero hindi siya kumibo. Napatakbo tuloy ako palapit sa kanya. "Hoy, Lunareen! Anong nangyari sa 'yo?"
Lumuhod ako sa tapat niya at hinawakan ang magkabilang gilid ng kanyang ulo para iangat ang kanyang mukha at makita ang hitsura niya. Sa paglapat ng mga palad ko sa balat niya, agad kong naramdaman ang init niya.
"Mmm?" ungol niya, habang ang mga mata niya ay mapungay akong tiningnan. "King? Ang bigat ng pakiramdam ko..."
"Malamang! May lagnat ka e!" Para ko pa siyang pinapagalitan.
Matamlay siyang ngumiti. "Hihingi nga sana ako ng gamot sa inyo... Kaso... ang sakit ng ulo ko, sobra... Na-stuck na lang ako rito..." At nagawa pa niyang tumawa nang mahina.
"Tsk. Halika nga, bumalik higa ka muna sa kuwarto mo." Inalalayan ko siyang tumayo, pero hindi niya kaya at bumalik lang siya sa pareho niyang puwesto kanina. "Lunareen, halika na."
Dahil hindi siya sumusunod sa akin, pinilit ko na lang siyang madala sa kuwarto niya sa pamamagitan ng pagbubuhat sa kanya patagilid. Umungot siya sa ginawa ko, pero hindi siya kumontra.
BINABASA MO ANG
King's Moon (Published under Pop Fiction)
Roman d'amour𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗, 𝗝𝗨𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯 ┊ 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗘𝗗 𝗨𝗡𝗗𝗘𝗥 𝗣𝗢𝗣 𝗙𝗜𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗔𝗨𝗚 𝟮𝟬𝟮𝟰 Pangarap ni King Claveria ang maging professional swimmer--pangarap na minsan na niyang binitawan at kinasuklaman dahil sa naging hindi magand...