EPILOGUE: The Light After The Dark
LUNAREEN
Namulat ako sa paniniwalang normal ang pamilya namin.
Hindi kagaya ng ibang bata na walang ina o ama, ako, kasama ko sila pareho. Normal nga ang pamilya namin.
Halos taon-taon, palipat-lipat kami ng tirahan. Ang resulta, iba-iba rin ang school na pinapasukan ko at iba-iba ring mga bata't guro ang nakakasalamuha ko.
"Uulitin ko, Rin-Rin. Hindi mo kailangang sagutin ang lahat ng tanong ng teacher mo tungkol sa atin, okay?" Paalala ni Mama habang nakaluhod sa harapan ko at hawak-hawak ako sa aking mukha. "Sasagot ka lang kung ang tanong ay tungkol sa lesson niyo. Huwag ka rin makikipag-usap at magiging mabait sa ibang bata. Hindi mo alam mamaya, aawayin ka lang nila. Kaya manahimik ka lang hangga't maaari at mag-aral ka lang nang mabuti habang nasa klase ka. Maliwanag ba?"
Tumango ako noon kay Mama. Hindi na bago sa akin ang paalala niyang iyon. Grade 3 na ako noong panahon na iyon. At paulit-ulit tuwing hinahatid niya ako sa school, parehong bagay ang pinaaalala niya sa akin. Palagi rin niyang inaayos ang suot kong uniform bago ako papasukin sa gate ng school.
Sinunod ko siya. Araw-araw tuwing pumapasok ako sa school, pinilit kong manahimik at tumutok sa pag-aaral. Kapag may lumalapit at nakikipag-usap sa akin na kaklase ko, hindi ako sumasagot. Buti na lang din at hindi pala-tanong ang naging teacher ko noon.
Masaya ako noon dahil nasusunod ko si Mama. Alam kong sasaya siya kapag malaman niyang sinusunod ko siya. Ayun kasi ang gusto nila ni Papa e, ang palagi akong sumunod sa mga sinasabi nila.
Pero napakadalang ng pagkakataon na nakakausap ko si Mama nang matino. Parati kasi siyang wala sa sarili. Hindi lang siya, kundi pati at lalo na si Papa.
Sa bawat bahay na tinutuluyan namin noon, parating may dalawang kuwarto. Sa isang kuwarto, doon magkasama palagi sina Mama at Papa. Bawal akong pumasok sa kuwartong iyon. Pero tuwing naiiwang nakabukas ang pinto ng kuwarto nila, nakikita ko sila palagi na nakapuwesto sa mesang naroon habang naninigarilyo at tumatawa sa kung anumang pinag-uusapan nila.
Ang isa pang kuwarto ay para naman sa akin. Doon ako madalas nagpapalipas ng oras. Doon din ako natutulog nang mag-isa. At minsan, doon nila ako kinukulong kapag may kailangang puntahan sina Mama at Papa na hindi ako puwedeng isama.
May pagkakataon na ilang araw nila akong naiwang nakakulong sa kuwarto ko nang kulang sa pagkain at tubig. Nang mabalikan nila ako, nanghihina na ako sa higaan ko.
"Pasensya na, Rin-Rin. Naging busy lang kami ng papa mo sa trabaho namin. Ito oh, favorite mong fried chicken, binilhan ka namin."
Iyon ang naging dahilan ni Mama noon sa akin. At naniwala akong normal iyon. Busy sila ni Papa sa trabaho. Nagtatrabaho sila para mabuhay ako, sabi nga palagi sa akin Mama. Kung anumang ginagawa nila, para iyon sa akin at sa ikabubuti ko.
"Rin-Rin, anong ginawa mo?!" galit na tanong ni Mama, isang beses nang maabutan niya akong nakabasag ng pinggan sa kusina. "Bakit ba kasi nagmagaling kang maghugas ng pinagkainan?!"
"S-sabi po kasi sa school, dapat tumulong kami sa gawaing-bahay." mahina kong paliwanag.
"Tsk, umalis ka nga rito!" Hinatak ako noon ni Mama at itinulak palabas ng kusina. Sa lakas ng hatak at tulak niya ay napaupo ako sa sahig. "Doon ka, magkulong ka sa kuwarto mo!"
May tumulong luha mula sa mga mata ko. Palagi akong naiiyak kapag ganoon sa akin si Mama. Pero dahil bawal akong umiyak, mabilis kong pinunasan ang mukha ko at pinigilan ang sarili ko sa paghikbi. Baka kasi marinig ako ni Papa. Palaging nagagalit sa akin si Papa kapag nakikita o naririnig niya akong umiiyak.

BINABASA MO ANG
King's Moon (Published under Pop Fiction)
Romansa𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗, 𝗝𝗨𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯 ┊ 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗘𝗗 𝗨𝗡𝗗𝗘𝗥 𝗣𝗢𝗣 𝗙𝗜𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗔𝗨𝗚 𝟮𝟬𝟮𝟰 Pangarap ni King Claveria ang maging professional swimmer--pangarap na minsan na niyang binitawan at kinasuklaman dahil sa naging hindi magand...