CHAPTER 8: The Attraction
Meetings. Workouts. Parang usual routine lang din ang mga ganap sa out-of-town training namin. Ang kaibahan lang ay nakaka-relax ang paligid dahil may kalayuan ito sa kabihasnan at puro bundok at bukid ang natatanaw namin.
May naging special guest din kami: isang international coach galing Singapore na kaibigan ni Coach Larry. Dati itong Olympian at nanalo ng maraming medals mula sa iba't ibang swimming events sa buong mundo. Sinamahan kami nito sa unang araw ng training namin. Nakakuha kami rito ng bagong tips at pati na ng words of encouragement para sa mga upcoming events na sasalihan namin.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa buong training. Parang may kung anong nag-iinit sa loob ko at hindi ako mapakali. Gusto kong lumangoy nang lumangoy at patuloy subukan na talunin ang sarili kong records gamit ang mga bagong technique na natutunan ko. Kaso kailangan naming sumunod ngayon sa schedule namin. Bawal mag-extend ng practice, hindi kagaya sa school. At kapag oras na ng kain, sabay-sabay dapat kaming kakain.
"King, kamusta na leeg mo?" tanong ni Wright na tinabihan ako sa isang bench pagkatapos naming maghapunan.
"Mas okay na kaysa kanina." sagot ko sabay inom ng tubig sa hawak kong paper cup.
Uminom din si Wright sa sarili niyang paper cup.
Nanatili kami roon habang pinapanood ang ibang members na abala pa ring kumain sa mahabang mesa. Ang iba naman ay naglilikot lang o hindi kaya ay nakikipag-usap sa iba pang members.
"Ano?" Napalingon ako bigla kay Wright dahil siniko niya ako sa baywang.
"Pansin ko lang," bulong niya. "Parang may gusto sa 'yo si Sam."
Namilog ang mga mata ko sa kanya. "Magtigil ka nga."
"Seryoso," bulong pa rin niya. "Ilang beses ko na siya nahuhuling nakatingin sa 'yo. Kanina nga kulang na lang buong set mo panoorin niya."
"Marami akong kasabay kanina. Malamang hindi lang ako ang pinapanood niya." pagtanggi ko sa iniisip niya.
"Pramis, King! Hindi ako magkakamali sa bagay na 'yon."
"Ang kulit. Imposible nga 'yon. At saka may sarili siyang set. Kailangan din niyang mag-practice. Bakit siya mag-aaksaya ng panahon para panoorin ang iba?"
"E kasi malamang nga na type ka niya. Gusto ka niya."
"Tss," Umiiling-iling akong nag-iwas ng tingin. "E bakit mo ba siya napapansin sa ginagawa niya? Baka ikaw, type mo siya?"
"Hmm," Napatingin siya sa malayo at napaisip. "Hindi ko sasabihing type ko siya. Pero siya kasi 'yong tipo ng babae na kapansin-pansin."
"Kapansin-pansin?" Napaisip din ako. Parang kahit papaano, naintindihan ko si Wright sa bagay na iyon. Magaling na swimmer si Sam at nakakamangha ang mga naging achievements niya sa sports na ito. Kaya sa lahat ng babaeng ka-team namin, siya ang una kong napansin.
"Oo, kapansin-pansin talaga. Paano ba naman, almost perfect tanned skin, maganda ang ngiti, friendly pa."
Gulat akong napatingin kay Wright. Bakit magkaiba kami ng iniisip?
Teka. May mali ba sa akin?
"Oh, bakit ganyan ang hitsura mo?" tanong niya nang makita ang reaskyon ko.
"Para kasing ang gusto mong sabihin, attractive si Sam."
"Ganoon na nga? Kapansin-pansin siya kasi attractive siya."

BINABASA MO ANG
King's Moon (Published under Pop Fiction)
Romance𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗, 𝗝𝗨𝗡 𝟮𝟬𝟮𝟯 ┊ 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗘𝗗 𝗨𝗡𝗗𝗘𝗥 𝗣𝗢𝗣 𝗙𝗜𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗔𝗨𝗚 𝟮𝟬𝟮𝟰 Pangarap ni King Claveria ang maging professional swimmer--pangarap na minsan na niyang binitawan at kinasuklaman dahil sa naging hindi magand...