CHAPTER 3: The Tyrant

103 6 2
                                    

CHAPTER 3: The Tyrant


Hindi ko matandaan kung ilang taon ako noon, pero basta simula nang magkamalay ako, namulat na ako sa mundo ng swimming. Sabi ni Mama, mahigit isang taon pa lang ako noon ay tinuruan na ako ni Papa na lumangoy na mabilis ko namang natutunan.

Nasa dugo raw talaga 'yon. Manang-mana raw ako kay Papa. Dating competitive swimmer kasi si Papa noong kabataan nito bago nauwi sa pagco-coach ng iba't ibang swimming team.

"Good job, anak! Good job!"

Hindi ko malilimutan ang mga salitang iyon mula kay Papa na puno ng saya niyang sinabi sa akin nang manalo ako ng first place sa unang swimming event na sinalihan ko noong anim na taong gulang ako. Kahit ang abot tenga niyang ngiti noon, nakatatak sa isip ko. Pati na ang pagyakap at pagbuhat niya sa akin, tandang-tanda ko pa. Tuwang-tuwa rin ako noon dahil si Papa 'yong tipo ng tao na hindi naman nagpapakita ng ganoong emosyon sa maraming tao.

Sa loob ng isang taon mula noon, nagsumikap ako para laging maka-first place sa mga sumunod na swimming event na sinalihan namin, para maging proud sa akin si Papa. Hanggang sa unang pagkakataon, may nakatalo sa akin. Naka-second place ako noon. Naisip ko, panalo pa ring maituturing iyon. Naisip ko, matutuwa at magiging proud pa rin si Papa.

"Anong klaseng performance 'yon, King?" Pero ayun ang unang mga salitang binitiwan niya sa akin matapos 'yong event. "Hindi ka dapat matatalo kung hindi ka nagpabaya."

Natameme ako noon kay Papa. Naguluhan ako. Onting segundo lang ang nilamang ng nakatalo sa akin. Nanalo pa rin ako, hindi nga lang first place. Kaya bakit siya galit?

"Hindi mo kailangang makipagkaibigan sa mga tao rito. Hindi mo kailangan ng ganoong uri ng koneksyon sa mga makakalaban mo. Magiging kahinaan mo lang 'yon, gaya ng nangyari sa 'yo sa araw na 'to."

Doon ko naintindihan ang tinutukoy ni Papa. Nakipagkaibigan kasi sa akin 'yong nanalo ng first place bago nagsimula ang event.

Kahit alam ko na hindi ako nagpabaya, na binigay ko naman ang 100% ko noong araw na iyon para manalo, sinunod ko ang advice niya. Sa mga sumunod na competition na sinalihan namin, pilit kong hindi pinansin ang ibang competitors kahit batiin pa nila ako. Pero mula noon, kahit isang beses, hindi na ako ulit nanalo ng first place. Kada competition, sermon ang inaabot ko kay Papa. Kung ano-ano nang hindi magagandang salita ang binibitiwan niya sa akin.

"Wala kang kuwenta!"

"Hindi ka na natututo!"

"Buti pa ang pinsan mo, minsan ko lang na-coach iyon pero tingnan mo kung nasaan na siya ngayon. International competitions na ang sinasalihan at lagi pang nananalo!"

Onti-onti, parang naging isa na lang akong robot na gumagalaw ayon sa gusto ng tatay ko. Onti-onti, nawala na ang interes ko sa sports na iyon.

Isa pang taon ang lumipas bago ako tuluyang sumuko. Sa isa at huling competition naming mag-ama, sinadya kong magpatalo. Alam ni Papa ang ginawa ko noon. Ramdam ko ang pagtitimpi niya sa akin buong event na iyon. Hanggang sa pagkauwi namin, doon niya nilabas ang galit sa akin. Pagkapasok na pagkapasok namin ng bahay, sinampal niya ako nang napakalakas na ikinagulat ni Mama.

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko noon. Nakayakap sa akin Mama habang pinapakalma si Papa.

"Ano? Masaya ka ba sa pagpapahiya mo sa akin, ha, King?!" sigaw pa niya noon.

Napangisi ako bago ko siya binalingan ng tingin at sinagot.

"Opo, Pa. Masayang-masaya po ako. Mas masaya pa kaysa noong panahong nananalo pa ako."

King's Moon (Published under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon