Chapter 25: MEETING THE BROTHER

15 5 0
                                    

Flashbacks continue. . .

Sa araw ding iyon ay kinausap ni Ediza si Orlando. Nagkita sila sa restaurant na dati'y pinagtatrabahuhan niya. Hindi niya na mapagpabukas pa dahil natatakot siyang isa sa mga darating na araw ay mawala ang kapatid niya.

"May ipapakiusap ako sa iyo, Orlando," panimula niya. Pinapanatiling seryoso at malamig ang titig at tinig kahit ang totoo sa kaloob-looban niya ay gusto niya ng bumuwal.

Pinigilan niya ang pagsungaw ng luha bago muling nagsalita. Isinalaysay niya rito ang kalagayan ni Erlinda, at sa huli ay isinaad, "kailangan ng kapatid ko ng sanggol para gustuhin nitong mabuhay pa."

Hindi makapaniwala si Orlando sa narinig. "At. . . ang anak natin ang gusto mong—?"

"Ganoon na nga."

"Ano'ng klase kang ina para ipamigay ang sarili mong anak, Ediza?!"

"Kailangan kong tulungan ang kapatid ko."

"Na ang kapalit ay pagkasira ng pamilya natin?"

Hindi siya nakaimik. Ipinahihiwatig ng tinig ni Orlando na mawawala ito sa kanya.

At hindi nga siya nagkamali, dahil ang sunod na sinabi nito sa kanya ay lubos na nakapanghina sa kanya, "Tulungan mo ang kapatid mo at tatalikuran kita, Ediza. Ngunit kapag ipinanatili mo sa atin ang bata ay magpapakasal tayo ngayundin."

Nag-alangan si Ediza, nagtalo ang isip at nahirapan. Mahal niya si Orlando at ang magiging anak nila ngunit si Erlinda. . .

Bumalong ang luha sa mga mata niya ngunit pilit na nilabanan niya. "Maaga kaming naulilang magkakapatid sa magulang. Mula paslit sina Jimmy at Erlinda ay ako na ang tumayong nanay at tatay nila. Hindi ko sila maaaring pabayaan."

Humugot siya ng malalim na hininga at sa pinakamasakit na tinig ay naibulong niya ang, "patawad, Orlando."

Nakatiim-bagang na tumayo si Orlando. "Ikaw ang nagdesisyon sa katapusan natin, Ediza," anito bago tuluyang umalis.

Nang maiwan siya ay tuluyang bumagsak ang mga luha niya.

Sa buong buhay niya ay noon lamang niya hinayaan ang sarili na umiyak at manghina. Mahal niya si Orlando ngunit hindi niya maaaring pabayaan si Erlinda.

Sa mga oras na iyon ay gusto niyang muling magalit sa kapatid sa pagpili nito sa lalaking isa't kalahating demonyo na naging sanhi ng pagsuko at labis na kalungkutan nito. Maging buhay niya ay apektado.

Matapos ang ilang minutong pag-iisip ay nakapagdesisyon siya.

Lumabas siya at hinabol ang noo'y papasakay sa kotse nito na si Orlando.

"Orlando!" pagtawag niya rito.

Ngunit hindi siya nito narinig at humarurot paalis.

Mabilis siyang nagtawag ng taxi at pinasundan ang kotse nito.

Huminto si Orlando sa isang malaking bahay na hinuha niya'y bahay ng mga ito. Sa loob ng ilang buwan na magkasintahan ay noon lamang niya nalaman ang tinitirhan nito.

Sa labis na pagkagulat niya, mula sa loob ng bahay ay may lumabas na batang lalaki. "Papaaa!" masayang sigaw nito.

Wala sa sariling bumaba ng taxi si Ediza, hindi makapaniwala sa nakikita. "Orlando. . ."

Napalingon sa kanya ang lalaki. "Ediza!"

"Papa, sino siya?" tanong ng bata habang namimilog-matang nakatitig sa kaniya.

Hindi sumagot ang tinanong. Sa halip ay tinawag nito ang nakaunipormeng yaya at pinapasok ang bata. Pagkuwa'y lumapit ito kay Ediza. "Magpapaliwanag ako."

Good Girl's 10 Naughty ListsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon