Hanggang lumipas ang dalawang taon at isang araw tumanggap ng sulat si Mrs. Fernandez buhat sa pinsan niyang nasa Bukidnon. Nasasaad sa liham ang ganito
Mahal kong Yolanda,
Naisipan kong sulatan ka, sapagkat tayo na lang ang natitirang malapit na magkamag-anak. Ipagpaumanhin mo sana na pinarating ko pa ito sa iyo. Lubha na kasi akong nababagabag sa kalagayan ni Ate Carmen. Matagal na siyang may-sakit ngunit ayon naman sa mga dalubhasang doctor dito sa Bukidnon, Cagayan de Oro at Davao City ay wala raw sakit si Ate Carmen.Pero bakit patuloy ang kanyang pananamlay? Nawalan na rin siya ng ganang kumain. Sabi naman ng mga albularyo, ito raw ay napaglalaruan ng engkanto. Hindi ko na malaman ang aking gagawin. Ipaubaya ko na lang kaya sa mga albularyo ang lahat? Tulungan mo ako, ano ang iyong maipapayo?
Ang iyong pinsan,
RemediosPinaalam ni Mrs. Fernandez sa kanyang pamilya ang tungkol sa sulat na natanggap at pinag-usapan nila kung anong tulong ang maaari nilang gawin sa kalagayan ni Tita Carmen.
"Kawawa naman si Tita," himutok ni Mario at nagpatuloy ito sa pagsasalita. Kaytagal na ring panahong di ako nakakadalaw sa kanila."
"Anong ikaw lang? Sabihin mo tayo, baka akala ng mga Tita na nakalimutan na natin sila. Mabuti pa noong mga estudyante pa tayo, madalas tayong mag- bakasyon sa kanila," malungkot na wika ni Arnel.
"Oo, dahil alam nating hindi lamang ang nga Tita ang naghihintay sa atin kundi ang matalik nating kaibigan sa kabilang baryo.
Iyon bang nag-iisang anak pinakamayamang asendero sa Bukidnon Remember him?" tanong ni Mario.
"Siyempre naman, tuwang-tuwa nga siya nang makilala at maging kaibigan tayo, di ba? Siya nga ang nagturo sa atin na mangabayo. Kumusta na kaya siya ngayon? May-asawa na kaya siya? Sisikapin kong makapunta ng Bukidnon this year," wika ni Arnel.
"Pinaliwanag ko naman sa kanila ang tungkol sa inyong tatlo, noong namiyesta kami ng Daddy. Naunawaan naman nina Ate Carmen at Remedios na di ninyo basta maiiwan ang inyong mga trabaho. Ang talagang kinasasabikan nilang makita ay itong si Ariana. Pero kahit anong yakag ang gawin ko sa batang ito ay hindi ko mapilit. Ewan ko ba, kung bakit ayaw na ayaw nitong pumunta ng probinsiya?" wika ng ina at kinuha nito ang lumang album sa loob ng estante.
Tingnan ninyo si Ate Carmen, kuha pa ito noong nagbakasyon siya sa atin. Twenty two years na pala ang nakaraan, ngunit hindi pa rin kumukupas ang kanyang kagandahan hanggang ngayon. Magkahawig sila ni Ariana, di ba, Daddy?"
"Aba oo naman, pareho silang maganda at maputi." tugon ng ama.
"Maganda nga si Tita pero pihikan naman. Kaya ayan napag-iwanan na ng panahon, kaya ikaw Ariana ay huwag gagaya. Huwag mong sayangin ang iyong kagandahan, magparami ka ng lahi. Please sagutin mo na ang isa sa iyong manliligaw nang kami naman ay makapag- asawa na," pabirong wika ni Arnel.
"Anooo? Ano ba ang koneksiyon ko sa inyong pag-aasawa?"
"Malaki, dahil may usapan kaming tatlo na walang mag-aasawa hanggang wala kang boy-friend. Naiinip na ang aming mga girl-friend baka akala mo.
Si Mario ang sumagot Sandaling nauwi sa tawanan at tuksuhan ang usapan ng mag-anak.
Muling tumahimik ang lahat nang magpatuloy sa pagsasalita si Mrs. Fernandez. Sa himig ng kanyang pangungusap ay parang binabakas nito ang nakaraan.
"Narito ang pinsan ko noong isilang kita Ariana. Tuwang-tuwa at mahal na mahal ka niya, dahil nag-iisa kang pamangking babae ni Ate Carmen. Katunayan dalawang taon ka niyang inalagaan bago siya umuwi ng Bukidnon. Umiiyak nga siya noong ihatid namin sa airport. Baka raw di ka na niya makitang muli. Buhat nang umuwi siya ay naging abala na ang aking pinsan sa pag-aasikaso ng kanilang lupain. May-sakit kasi ang aking Tiyo na kanilang ama at di nagtagal ito ay namatay. Hindi lamang si Ate Carmen ang nasasabik sa iyo kundi pati si Remedios Alam kong mahal na mahal ka nila." Malungkot na nakatingin ang ina sa anak habang nagsasalita.

BINABASA MO ANG
DAHONG HUGIS PUSO
Science FictionIKAW BA AY ISANG KATOTOHANAN? IKAW NA BA ANG KASAGUTAN SA AKING MGA DALANGIN NA MAGBIBIGAY WAKAS SA AKING PAGHIHINTAY? O ISA KA LAMANG PANGITAIN NA SA ISANG KISAPMATA AY MAGLALAHO?