૮₍ ˃ ⤙ ˂ ₎ა“ayaw ko na, hindi na kita mahal.”
nagtataka, tumatangis ng tahimik at unti-unting nadudurog sa sinambit mo. sa sobrang lakas at linaw na pagkakasabi mo, umuulit nang umuulit ito sa utak ko. umaasang mapigilan ito, pero hindi magawa dahil sa panghihina ko. saan nagsimula lahat? kailan mo pa napagtanto na hindi mo na ako mahal? may nagawa ba ako? tanong ng utak ko, pero sa sobrang panghihina hindi ko na maibigkas ng maayos mula sa bibig ko.
nagsimulang bumalik ang mga ala alang masaya pa tayo, magkasama kahit kalaban natin ang mundo. umaasang sana bangungot nalang lahat ng ito, hindi ko pa kaya na bumitaw ka sa hawak ng pagkakakapit ko sa'yo. okay naman tayo diba? anong dahilan kung bakit hindi na ako? anong nagawa ko para sumuko ka sa laban na 'to? bakit mo ako pinaniwala na walang susuko sa relasyon na 'to?
"saan nagsimula? ano ginawa ko para mapagod ka lumaban?"
"hindi ko alam, nagising nalang ako.. hindi na kita mahal. gaya ng pagod ko sa mundo, sumuko na rin ako sa relasyon na 'to."
tumingin ka sa akin na may lungkot sa mata. pero hindi ko na makita ang kinang nito sa twing nagtatagpo ang mga mata natin. tila nawalan ng buhay at nasisiguro kong desidido ka na bumitaw sa hawak ko.
"naisip ko.. hindi ko na mapipilit sarili ko lumaban sa relasyon na sa una palang– talo na."
"pwede ka naman magpahinga.."
"wala nang puwang sa buhay ko ang salitang pahinga.. hindi ko na rin maramdaman ang ginhawa kapag kasama ka, kaya mabuti na tapusin na 'to. hindi ko gusto na pilitin ang mga bagay na halata naman na tapos na, hanggang dito nalang siguro.."
ngumiti ka sa akin. pero hindi abot hanggang mata, parang pinipilit mo lang na maging maayos sa harapan ko. para maging panatag ako na ayos lang lahat, pero hindi mangyayari 'yon. hindi magiging maayos kung alam kong bumitaw ka na kahit alam kong kaya ko pa.
sinasakal ka ba ng pagmamahal ko? masyado ba akong sagabal sa buhay mo? hindi ko na ba napapasaya ang mga araw mo? kaya ko pang lumaban, pero kung ikaw na ang nagsabi na hindi na malalaban 'to. hahayaan nalang kita sa gusto mo, bastat alam kong makakawala ka na sa higpit ng yakap ko. makakawala ka na sa pagmamahal kong nakakasakal para sa'yo.
"pinapalaya na kita, magpahinga ka muna."
paulit ulit ko pa rin naririnig ang boses mo sa utak ko, paulit ulit din akong sinasaktan at bumabaon pa sa puso ko. paulit ulit at paikot ikot hanggang sa nadurog na ang puso ko. masyado nang masakit ang reyalidad para sa akin, sinasampal at minamarkahan ako sa katotohanang..
tapos na tayo. hindi mo na ako mahal. pagod ka na, at hindi na ako. hayaan mo lang ako mahalin ka hanggang sa maubos ako. hindi pa siguro dito nagtatapos ang lahat, pero sasagarin ko na lahat ng pagmamahal ko. para kapag pagod na ako, hindi ko na maramdaman ang sakit. para hindi na ako umasa na maibabalik pa ito sa dati.
kuntento na ako kung alam kong sasaya ka pero hindi ako ang dahilan. kuntento na ako na mabubuhay kang hindi na ako kasama. hindi ko makakalimutan ang araw na gandang ganda ako sa'yo dahil sa kinang ng mga mata mo. mananatili pa rin 'yon kahit pagod ka na sa mundo. mananatili pa rin na ikaw ang pahinga sa nakakapagod na mundo kahit hindi na ako.
ikaw ang sigurado sa mundong mapagduda.
page 02
![](https://img.wattpad.com/cover/350507748-288-k528446.jpg)
BINABASA MO ANG
a letter for someone
Poesia・₊✧♡₊˚ a compilation of my prose, dialogues, random scenes, poems that talks about love and heartbreaks. this is my way to cope up with writer's block and to explore my writing journey!