~ grazhiella ~
"Pwede bang isang daan na lang, Ate? Suki mo naman ako 'di ba?" Nginitian ko ng matamis ang nagbebenta ng isda. Nasa palengke ako para bumili ng hapunan namin ni Lola Lu. Alam kong umaga dapat bumibili pero dahil galing pa ako sa patahian ay ngayon lang ako napadaan.
"Sige na nga. Ikaw na bata ka talaga. Kung hindi ka lang mabait at maganda."
Mas lalo pang lumaki ang ngiti ko. "Tinawaran ko na kayo ako pa rin pinupuri niyo?"
"Basta ba gawan mo ako ng bagong daster ko?"
"Oo naman, Ate. Akong bahala sa iyo."
Hindi ito ang unang beses na pinangakuan ko ito ng daster. Marami sa mga suki ko rito sa palengke namin ay nabigyan ko na ng daster para lang hayaan akong tumawad ng tumawad. Maraming retaso si Lola Lu sa patahian na nagagawan ko ng bagong daster.
Si Lola Lucilla o Lola Lu ang tanging kamag-anak na meron ako. Sabi niya ay naulila ako noong bata pa lamang ako dahil sa aksidenteng kumuha sa mga magulang ko. Ni hindi ko maalala kung ano ang hitsura nila. Ang meron lamang ako ay mga litrato nila.
May patahian si Lola Lu sa bayan na minsan ay pinupuwestuhan ko kapag bakasyon sa eskwela. Kapag umaga ay nagtatahi ako ng mga basahan mula sa retaso o daster naman kapag mas malalaki ang retaso ni Lola Lu.
Sa edad na disi-otso, nasa pangalawang taon pa lang ako ng pagna-nars. Dito kasi sa Pilipinas, kapag daw nursing ang kinukuha, mas mabilis yumaman. Gusto kong maiahon kami ni Lola Lu sa hirap. Buti at may pa-scholarship ang munisipyo kaya nakakapag-aral ako ng nursing na hindi naman ka-murahan na kurso.
Nauna na akong umuwi kaysa kay Lola Lu para magluto ng hapunan. Unang araw ng bakasyon bukas kaya naman excited akong umuwi. Gustung gusto kong nagta-trabaho sa patahian ni Lola Lu dahil sa hilig ko sa pananahi. Mula noong tinuruan ako ni Lola Lu na magtahi ay ginagawan ko ang sarili ko ng mga simpleng bestida. Minsan ay nabebenta ko pa iyon sa mga kaklase ko sa unibersidad.
Habang naglalakad pauwi ay dumaan ako sa tabing-ilog. Kahit na ang ilog na iyon ang kumuha sa mga magulang ko, hindi ko mapigilang tignan ang ganda niyon. Tila ba doon ko sila nakakasama at naaalala.
Umupo ako sa isa sa mga bato roon kung saan nalililiman ako ng mayabong na puno. Kapag nakapag-abroad na ako, mami-miss kong pumunta rito. Tahimik ang probinsya namin kaya naman masaya kami ni Lola Lu kahit hindi marangya ang buhay namin. Ang mga nauulam nga namin na gulay ay iyong mga tinanim ko noon na namumunga na ngayon.
Nilabas ko ang maliit kong kwaderno at lapis mula sa bag ko. Sinimulan kong gumuhit ng bestida na tatahiin ko bukas. Isa pa iyon sa mga gusto kong gawin sa tabing-ilog. Pakiramdam ko, buhay na buhay ang utak ko at nakakaisip ako ng maraming ideya habang nakaupo rito.
Patapos na ako sa ginuguhit ko nang marinig ko ang isang kahol ng aso. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakita ko itong papalapit sa akin. Napalunok ako. Baka mamaya ay may rabies ito at kagatin ako.
Nang patuloy itong kumahol at halos patakbo na sa akin at binitiwan ko ang lahat ng hawak ko at madaling umakyat sa puno. Bilang laki sa probinsya ay sanay akong umakyat ng mga puno tulad nito. Pero baka dala na rin ng takot ko sa asong ulol kaya ako naka-akyat. Halos manghinayang ako nang kagatin nito ang mga napamili kong isda na ulam namin ni Lola Lu.
"Ulam namin iyan. Shoo! Shoo!"
Tila wala itong naririnig. Hindi ko na rin naman mapapakinabangan ang isda kung nakagat na iyon ng aso.
Narinig kong may papalapit na yabag. Narinig kong binugaw nito ang aso palayo at siniguradong umalis na ito bago ako binalikan. Tinignan ako nito. Doon ko lang napansin ang mukha nito. Kilala ko ang lahat ng nakatira malapit dito. Hindi ko alam kung sa probinsya lang ba uso iyon pero kabisado ko ang mukha ng bawat tao rito.
Mukhang bisita ito o bagong salta. Maputi ito, hindi tulad ng balat ko na morena. Papasa nga itong modelo na nakikita namin sa mga poster na pinapaskil namin sa mga tindahan.
"Are you okay?" Tanong nito. Oo at hindi ako magaling sa Ingles pero nakaka-intindi naman ako. Pero ang ganda rin kasi sa pandinig ng boses nito."Do you need help to get down?"
Doon ko lang napansin na nakakapit pa rin pala ako sa puno. Talo ko pa ang tarsier sa sobrang kapit ko roon. Cute naman ako na tarsier. "Ah, salamat." Kahit ang kamay nito ay malambot. Nahiya ang mga kalyo ko sa kamay. Pinunasan ko ang kamay ko nang makababa. Tinignan nito iyon. "Baka madumihan ang kamay mo."
"It's fine." Pinulot nito ang mga gamit ko pero napatigil ito nang makita ang kwaderno ko. "Hmm...this is beautiful."
Kinuha ko iyon mula sa kamay nito. Hindi ko pinapakita ang mga guhit ko kahit na kay Lola Lu. Nakikita na lang niya kapag natahi ko na ang damit.
"Sorry." Hingi nito ng paumanhin.
"Salamat sa pagpaalis ng aso. Ngayon lang iyon dumako rito." Malungkot na tinignan ko ang bayong na dala ko. "Hmm...paano ko ba ipapaliwanag kay Lola Lu 'to? Sasabihin nanaman niyang naglakwatsa ako. Pero medyo naglakwatsa naman kasi ako talaga..." Kausap ko sa sarili ko. Bumuntong-hininga ako. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakatunghay sa akin ang lalaki.
Matangkad din pala ito. Nasabi ko iyon dahil dito sa amin, mas matangkad ako sa karamihan ng kababaihan. Nasa 5'10 ang tangkad ko at tinitingala ko pa ito. Ang hula ko ay nasa 6'5 ito.
"You're talking to yourself."
"Ah..." Binalik ko ang tingin ko sa bayong na dala ko, "iyung ulam kasi namin ng lola ko kinain na ng aso." Bumuntong-hininga ako ulit, "hay mukhang gulay nanaman ang ulam namin." Nginitian ko na lang ito ng bahagya, "salamat ulit. Mauuna na ako."
"Is it okay if I walk you home? Baka bumalik iyung aso."
Tinignan ko ito mula ulo hanggang paa. Mukha itong may kaya. Kahit simpleng t-shirt at shorts ang suot nito, mukhang mamahalin ang tela niyon. Kung sisilipin ko siguro ang likod nito ay makikita ko ang mahal na brand doon. Wala naman siguro itong gagawin na masama sa akin. Pero hindi ako nakakasiguro...
"I'm Philip Quintana. I live close by. Wala akong gagawin na masama sa iyo."
"Hmm..iyan din ang sinasabi ng mga taong may gagawin na masama." Kinagat ko ang ibabang labi ko bago natigilan, "Quintana? Kamag-anak mo ba iyung matandang Quintana? Iyung nakatira sa malaking mansiyon?"
Sa totoo lang, iisa lang ang Quintana na alam kong malapit dito. Sabi nila ay may pag-aari na negosyo ang mga Quintana. Iyung mga naririnig namin sa radyo at napapanood sa telebisyon ay pag-aari raw ng mga ito. Hindi ko pa nakikita ang matandang Quintana pero maraming nagsasabi na masungit raw ito.
"I guess? If you are referring to Joselito Quintana, he's my grandfather."
"Totoo ba iyan o ginagamitan mo lang ako ng magaling na pagi-Ingles mo?"
Natawa ito ng bahagya. "Kung may balak akong masama, hindi na sana kita tinulungan 'di ba?"
"Oo na nga sige na. Anong pangalan mo nga ulit?"
"Philip Quintana. Just call me Philip."
"Ah...ako naman si Grazhiella. Hindi naman kilala ang apelyido ko kaya hindi mo na kailangang malaman."
Natawa uli ito. "Grazhiella. Hmm...that's a beautiful name. But it's too long. I'll call you Grazie."
"Alam mo, paladesisyon ka. Tawag nga sa akin ni Lola Lu eh Ella. Pwede namang Ella na lang din para sa iyo."
"I still prefer Grazie." Namulsa ito. "So, shall we go, Grazie?"
PART I: CHAPTER 2 >>
Alam kong mas kilala natin siya na Marceline pero para mas gets natin yung flow, I'll use her real name, Grazhiella for the first part okay? Pronounced as GRAZ-YELA. Philip's nickname for her is pronounced as GREY-ZI. Parang Gracie. Okie?
And based from the chapter title, this is a two-part book. Enjoy!
Catch me on my IG: https://www.instagram.com/mariecallie0219/
BINABASA MO ANG
Versailles Series Book 8: The Designer [COMPLETED]
RomanceMarceline A world renowned designer who lives each day like a normal person But she knows how hollow she is with her lost memories An unexplainable fear that keeps her from being completely normal Until she meets Philip who helps her move on from he...