Episode 6: Pista ng mga paputok

138 9 0
                                    

Episode 6: Pista ng mga paputok

SOJU POV

"Ilang araw ka ng matamlay, dahil ba iyan sa hindi natin pag akyat sa ibabaw ng tubig?" tanong ni Ringo sa akin noong makita akong nakalubog sa ilog at hinahayaang bumagsak ang tubig ng talon sa aking ulo.

"Wala lang akong gana, masyadong nag iingat sila Tandang Talyang kaya naging mahigpit sila sa pagpapalabas sa atin," sagot ko sa kanya.

"Hmmm, ako nga e, gusto kong magbilad doon sa ibabaw ng tubig para medyo pumusyaw naman itong balat ko. Masyado na tayong maputi oh, hindi na normal. Buti na lang makinis tayo dahil nakakapaghunos tayo kahit papaano," ang pagmamaktol ni Ringo sabay talon sa ilog at saka nagsimula itong maglangoy. Maya maya ay lumapit siya sa akin at piniga ang aking utong. "Arekup, bakit ba?" tanong ko naman habang nakapikit.

"Alam mo ba kung anong panahon ngayon? Doon sa itaas ng lupa ay unang araw ng masaganang anihan kaya naman magkakaroon sila ng mga kasiyahan doon na tatagal ng tatlong araw," ang wika niya habang nakangiti.

"Paano mo naman nalalaman ang ganyang bagay? Saka anong kinalaman natin sa mga ganyan?" tanong ko naman na hindi nagpakita ng interes.

"Paano ko nalaman? Dilaw na buntot ay katalinuhan remember?" ang sagot niya sabay taas sa kanyang buntot. "Ang mga mortal sa lupa ay nagdiriwang ng pasasalamat sa masagana nilang ani kaya nagkakaroon sila ng pagdiriwang, nagpapakawala sila ng makukulay na paputok sa langit tuwing gabi," ang dagdag pa niya.

"At ang gusto mo ay umahon tayo para makita ito?" nakangisi kong tanong. Nanguna na agad ako sa ideyang ito.

"Pwede rin naman," ang sagot niya habang nakangisi rin.

"Paano naman tayo makakaalis dito ng hindi tayo nabibisto?" tanong ko.

"Sssh wag ka maingay, halika sumunod ka sa akin. Mayroong lagusan dito sa ilalim ng ilog na ginawa ni Dengo dati. Alam mo na, tumatakas siya madalas diba? Dito siya nagdadaan sa ginawa niyang lagusan. Tingnan mo nga naman kahit patay na itong si Dengo ay may pakinabang pa rin. Pero ikaw Soju, mangako ka sa akin na walang makakaalam nito, maliwanag ba?" seryoso niyang sagot.

"Okay! Tayo na!" ang nananabik kong sagot sabay lundag sa ilog at dito ay naglangoy kami ni Ringo sa pinakailalim.

Hinanap ni Ringo ang lagusan sa pinakailalim nito na tinakpan ng isang malaking bato kaya naman ini-usog namin ito at dito nga ay nakita namin ang isang maliit na butas na halos kasya kaming dalawa. "Ginawa ito ni Dengo gamit ang kanyang kapangyarihan. Minsan kasi ay nakita ko siyang tumakas kaya sinundan ko siya at noong malaman ko itong sikreto niya ay nakiusap siya sa akin na huwag itong ipagsasabi kahit kanino," ang dagdag ni Ringo.

"Bakit naman may ganito si Dengo?" pagtataka ko.

"Dahil umibig din si Dengo sa taga lupa, kaya dito siya dumaraan. Oy ikaw Soju ha, huwag mong gagamitin itong butas sa kalokohan mo. Mumultuhin ka ni Dengo kapag naging pasaway ka. Saka ginawa ko lang to kasi naaawa ako sa iyo, mukhang mamamatay ka na sa kalungkutan," ang pang aasar niya sabay hila sa akin sa lagusan at dito nga mabilis kaming naglangoy.

Dito ko napag-alaman na ang lagusan ay nakatugon sa karagatan at mayroon itong espesyal na harang sa pinakadulo na tanging ang mga tubig ahas lamang ang makakaraan. Matalino pa rin si Dengo dahil ang kanyang kapangyarihan ay nananatili pa rin sa lagusan kahit wala na siya. Siguro masyado siyang umibig kaya nagawa niya ang ganitong daanan. Hindi ko alam na ganito ang pinagdaraanan ni Dengo noon.

Basta minsan ay nakikita kong siyang sobrang saya, minsan naman ay sobrang lungkot. Wala akong ideya na umiibig na pala siya noong mga sandaling iyon. Sana ay agad ko itong nalaman, sana ay nadamayan ko siya.

Water Snake: THE LEGEND OF THE DEEPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon