Episode 15: Demon Fox
SOJU POV
Iyon pala ang tinatawag na pagbibigay ng sarili. Iyon ang pinakamasayang parte ng pagiging tao. Hindi ko maunawaan ngunit masaya ko na ibigay ang lahat kay Yoga. Maaaring sabihing marupok ako ngunit para sa akin na naghintay ng libong taon para lang maramdaman ng kaligayahang ito ay wala akong pinagsisisihan at ang lahat ay maituturing kong isang magandang bagay.
Wala namang kaibahan ang aking katawan sa katawan ng mga normal na tao. Ngunit hindi ako maaaring manatiling tao sa loob ng mahabang panahon. Ang ibig kong sabihin ay kailangan ko pa ring lumubog sa tubig o kaya ay lumangoy upang manumbalik ang aking lakas. Sana ay may pagkakataon ako para gawin ito. "Kumain ka ng marami, tapos matulog ka muna dito, okay," ang wika ni Yoga habang kumakain kami ng hapunan.
"Eh bakit? Saan ka pupunta?" tanong ko naman.
"Magpapatrolya ako doon sa labas. Grupo namin ang nakatoka ngayon, dito ka lang at mag tatrabaho lang muna ang asawa mo," ang wika niya habang nakangiti.
"Asawa?" tanong ko sa kanya.
"Asawa, kapag naibigay mo na ang sarili mo sa akin at kapag nakatira na tayo sa iisang bubong katulad nito ay mag asawa na tayo," ang sagot niya habang nakangiti.
"Eh paano yung kasintahan mong si Alisa? Kawawa naman siya kung iiwanan mo siya," ang sagot ko dahilan para matahimik siya.
"Ah e, wala iyon. Si Alisa ay hindi ko naman sineseryoso, natagpuan ko na ang taong gustong mahalin at makasama. At ikaw iyon, sana huwag mo akong pagdudahan," ang pakiusap niya sa akin.
"Pero hindi naman kita pinagdududahan. Maaari ba akong sumama sa pagpapatrolya mo?" tanong ko habang nakangiti.
"Naku, magpahinga ka na lang dito. Hindi mo trabaho ang ganoong bagay," ang tugon niya sa akin sabay hawak sa aking kamay. Hinalikan niya ako sa labi at saka ngumiti.
At iyon nga ang pangyayari, noong kumagat ang dilim ay lumabas si Yoga sa aming tinutuluyan, nagsukbit siya ng isang itak sa bewang at ang espada ng puryoku na ibinigay ni Ringo. Kadalasan ang mga nagpapatrolya ay nakabantay sa mga bakuran at tinitingnan nila kung mayroong mga Gidlis o hindi kanais nais na bagay sa paligid.
Mula dito sa harapan ng bahay na aking kinatatayuan ay nakikita ko si Yoga naka upo sa isang sulok ng bakod katabi si Wei at nagkkwentuhan silang dalawa. Mukhang maayos naman ang kanyang kalagayan kaya naman pumasok na ako sa loob.
Naupo ako sa papag at pinagmasdan ang sumasayaw na apoy sa loob ng gasera. Mababait naman ang mga tao dito sa isla dahil nakita kong dinadalhan nila ng mainit na tsaang inumin at mga tinapay ang mga nagbabantay para sa kanila. Sa ngayon ay wala akong maramdaman panganib dahil masyadong tahimik ang paligid. Sana ay magtuloy tuloy ito sa buong magdamag.
Tahimik.
Habang nasa ganoong posisyon ako ay tila bumigat ang talukap ng aking mata at noong ipikit ko ito ay samu't saring pangitain ang lumalabas sa aking isipan na hindi ko maunawaan. Parang isang eksenang ipinapakita sa akin na ang mga tauhan ay hindi ko naman kilala.
Sa aking isipan ay nakita ko ang imahe ng isang masayang pamilya na naninirahan dito mismo sa bahay na ito. Marahil sila ang pamilyang may ari ng aming tinutuluyan ngayon.
Nagbago ang imahe, sa ikalawang pangitain ay nakita ko naman ang isang demonyong nilalang na animo lobo ang gumulo sa buong pamilya. Lahat sila ay biniktima at halos naging madugo ang gabing iyon.
Sa ikatlong pangitain ay nakita ko ang demonyong lobo, nagbabago ang kanyang anyo at nagiging isang tao. Noong makita ko ang kanyang mukha ay tila nagulat ako dahil siya ang padre de pamilia at haligi ng tahanang ito. Hindi ako makapaniwala na siya ang pumatay sa kanyang sariling pamilya.

BINABASA MO ANG
Water Snake: THE LEGEND OF THE DEEP
FantasiAng kwentong Water Snake: Legend of the deep ay iikot sa bidang tauhan na si Soju, siya ay 2000 years old demon sa lahi ng mga tubig ahas o water snake na nakatira sa pinaka kailaliman ng karagatan. Ang kanilang lahi ay bihira lamang kaya naman itin...