Prologue

7.2K 91 3
                                        

Naalala mo pa ba ang childhood enemy mo?

Kakamot-kamot sa ulo ang napapanot nang Kapitan ng Barangay San Isidro. Suko na siya sa pag-aayos ng dalawang pamilyang itinuring nang mortal na magkaaway sa kanilang lugar. Halos araw-araw na lang silang may pinag-aawayan.

Ang pamilyang Manlulupig, binubuo nina Tito Edwin (45 anyos), Tito Frank (40 anyos), at ang sampung taong gulang na si Simon-ang nag-iisang batang lalaki sa angkan.

Sa kabilang banda naman ang pamilyang Sta. Monica, na kinabibilangan nina Tita Mahinhin (38 anyos), Tita Mayumi (35 anyos), at ang walong taong gulang na si Ava.

Dahil sa dalawang bata, laging nasasangkot ang mga matatanda sa gulo. Kahit simpleng asaran lang ng mga bata, nauuwi sa mainitang sagutan ng buong pamilya.

Ganoon na nga ang nangyari noong araw na iyon.

Naglalaro ng tumbang preso ang mga batang lalaki sa tapat ng bahay ng mga Manlulupig. At gaya ng madalas mangyari, si Simon ang laging taya. Napipikon na siya-hindi niya kasi maabutan ang mga kalaro na mabilis tumakbo pagkatapos matumba ang lata. Dahil hindi na makatiis, pinulot na lang niya ang lata at inihagis nang malakas kung saan.

"Ayoko na! Umuwi na kayong lahat!" sigaw niya sa mga kalaro.

"Ang daya mo naman Simon! Pikunin ka lang eh! Kasi laging taya 'yan eh!" pang-aasar ni Abet, isa sa mga kalaro niya.

Bigla na lang silang nakarinig ng malakas na palahaw mula sa katapat na bahay. Si Ava! Na noo'y naglalaro ng manika kasama ang kaibigan niya. Sapu-sapo ng bata ang noo niyang dumudugo-tinamaan pala ng inihagis na lata ni Simon.

Agad na nagsitakbuhan ang mga bata palapit sa kanya.

"Naku Simon, yari ka! Tinamaan mo si Ava! May sugat siya sa noo!" sigaw ni Abet. Dali-dali itong tumakbo papunta sa bakery na pag-aari ng pamilya ni Ava para tawagin ang mga tiyahin nito.

"Bakit hindi ka kasi umilag? Ayan tuloy, tinamaan ka pa!" paninisi pa ni Simon, imbes na mag-alala.

"Ikaw talaga Simon! Ikaw na nga ang nakasakit, ikaw pa ang galit? Mag-sorry ka kaya kay Ava!" sermon naman ni Patty, ang kaibigan ni Ava na walang tigil sa pagkain ng hamburger habang nakatingin sa kanila.

"Bakit ako magso-sorry? Wala akong kasalanan!" matigas na sagot ni Simon.

"Bad ka talaga Simon!!" hikbi ni Ava, hawak pa rin ang dumudugong noo. Galit na lumapit siya kay Simon at malakas itong sinipa sa pagitan ng hita.

Napadaing at napangiwi si Simon sa sakit. Hindi maipinta ang mukha niya habang hawak ang parteng tinamaan. Nagtaas siya ng kamao, balak suntukin si Ava bilang ganti-

Pero sakto namang dumating ang mga tiyahin ni Ava.

"Hoy! Hoy! Napakasalbahi mo talagang bata ka! Ikaw na nga ang nakasakit, ikaw pa ang matapang?!" halos sumabog na ang ugat sa leeg ni Tita Mahinhin sa galit habang sinisigawan si Simon. Lumapit naman si Tita Mayumi at inalo ang umiiyak na pamangkin.

"Mahinhin, bakit mo sinisigawan yung bata? Nasaktan din naman si Simon ah! Sapul pa nga yung 'pag-asa ng lahi' namin oh!" sabi naman ng palapit na si Tito Edwin.

"Ayan! Diyan kayo magaling mga Manlulupig! Pwede ba pagsabihan niyo yang pamangkin niyo para matutong umako ng kasalanan? Hindi yung kinakampihan niyo pa lalo!" sigaw pabalik ni Mahinhin.

"Huwag ka namang sumigaw Mahinhin, hindi bagay sa pangalan mo," singit ni Tito Frank na kalalabas lang din ng bahay nila. "Hayaan na natin ang mga bata, tutal nakaganti na rin naman si Ava eh. Baka nga kami pa ang dehado dito-alam niyo namang si Simon ang pag-asa para maparami ang lahi ng mga Manlulupig, 'di ba?" panunukso pa nito.

"Kayo pa ang dehado ha? Kitang-kita niyo namang duguan ang pamangkin namin! Ipapa-medico legal namin si Ava, magkita-kita tayo sa barangay!" taas kilay na hamon ni Tita Mayumi. Hinila niya si Ava papasok ng bahay para linisan at lagyan ng gamot ang sugat nito.

"Hindi kami titigil hangga't hindi nagbabayad ang mga Manlulupig, Kapitan! Sobra na ang pang-aapi nila sa amin! Ebidensya na oh, duguan ang pamangkin ko!" eksaheradang sigaw pa ni Mayumi.

"Overacting ka naman masyado Mayumi, halos gasgas lang naman 'yan eh!" sagot ni Frank na naiinis na.

"Ayan! Diyan kayo magaling mga Manlulupig! Akala niyo kahit gasgas lang ay hindi kami nasasaktan..." mataray na litanya ni Mayumi, halatang may ibang tinatagong sama ng loob.

Napailing na lang si Frank. "Lumabas din ang totoo Mayumi, hindi tungkol sa mga bata ang pinag-iinitan mo. Ang tungkol 'to sa nakaraan natin. Kung sana ibinaba mo lang 'yang pride mo noon, eh di masaya tayong nagsasama ngayon!"

Nagkatinginan ang mga lupon at ang Kapitan. Iiling-iling na lang sila sa nangyayari-alam na ng lahat na may malalim na pinag-ugatan pala ang away ng dalawang pamilya, hindi lang simpleng gulo ng mga bata.

"Dapat lang 'yan sa inyo! Mga babaero! Mga manloloko!" sigaw pa ni Mayumi, namumula na sa galit ang mukha.

"Sandali, sandali! Huwag kayong magsigawan dito! Naririnig kayo ng mga pamangkin niyo!" awat ng Kapitan na ubos na ubos na ang pasensya. Napatayo pa ito sa kinauupuan para paghiwalayin ang dalawang kampo. "Pag-usapan niyo na lang ng maayos 'yang personal niyong alitan, huwag niyo nang idamay ang mga bata!"

Wala ring nangyaring pagkakasundo sa barangay conciliation na iyon. Sa halip na magkaayos, lalo pang tumindi ang galit at inis ng dalawang pamilya sa isa't isa.

Maging ang dalawang bata, halos araw-araw ding may bangayan at asaran. Walang araw na hindi sila nagkakasakitan o nagsisigawan tuwing magkikita.

Kaya ganoon na lang din ang naging takbo ng buhay nila...

Lumaki silang dalawa na mainit ang dugo sa isa't isa.

Sa isip ni Simon, si Ava ang pinaka-mataray, pinaka-suplada at pinaka-nakakainis na babae sa buong mundo.

Sa paningin naman ni Ava, si Simon ang pinaka-bully, pinaka-salbahe at pinaka-babaerong lalaki na kilala niya.

Ngunit hindi nila akalain na ang taong kinagisnan nilang kaaway simula pagkabata... ay siya ring taong mapipilitan silang pakasalan balang araw.

*****

Hello mga bi!! Isa na namang kilig love story ang handog ko sainyo..
Hope to leave you a smile, lesson and inspiration. Please comment, vote and follow.. Thank you so much!

This story was also uploaded in my you tube channel (Nerie's Stories).

Married to a Playboy (Completed/Tagalog Love Story)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon