If looks could kill nangisay-kisay na sana si Lalie sa mga matatalim na titig sa kanya ni Mauro, ang nag-iisang anak ng kanyang yumaong asawa na si Don Fernando Dela Paz. Grabe ito kung makatingin. Parang gusto siyang sakmalin at ibalibag sa pader.
Well, kung tutuusin ay hindi niya ito masisisi. Kahit siya man sa lugar nito'y ganoon din marahil ang kanyang reaksiyon. Pero kailangan ba talagang ipagsigawan nito sa buong mundo na galit ito sa kanya? Hindi man lamang ba ito makapagkunwari kahit sa harapan lang ng ibang tao?
"Hindi na nahiya kay Atorni Zamora," naibulong ni Lalie.
"What?" angil nito agad at tila may kumawala pang apoy sa mga mata. Lalong tumalim ang mga tingin nito sa kanya. Kinabahan tuloy siya.
"Ang talas naman ng pandinig," sabi uli ni Lalie na sarili lang ang kinausap. Kunwari'y napakamot siya sa mukha para matakpan ng kanyang kamay ang pagkibot ng kanyang bibig. Ganunpaman, napansin pa rin iyon ng aroganteng anak ng don.
"Ehem," sabat ni Attorney Zamora. Tumingin ito sa kanya at sa binata. Tila sinasaway sila nang hindi pinapahalata. "I think nabanggit sa iyo ni pareng Fernando na mayroon siyang anak na nagtatrabaho sa States. Well, heto na siya. Meet Mauro Alvaro Dela Paz." Kay Lalie nakatingin ang abogado. "Mauro, this is your stepmom, Eulalia Masangkay or Lalie for short." Ngayon naman ay kay Mauro.
Inunat agad ni Lalie ang kanyang kanang kamay upang makipagkamay sana sa binata, ngunit tiningnan lamang ito ng huli saka bumaling sa abogado.
"I'd like to see my dad." Tila hindi nakita ni Mauro ang nakaunat na kamay ni Lalie. Makikitang nakasimangot na ang huli ngayon habang nakatingin sa lalaki.
Napalipat-lipat na naman ang tingin ng abogado sa dalawa. Mukha itong naasiwa sa tensyon sa pagitan ng dalawa. Hindi na lamang ito kumibo tungkol doon.
Kahit pinanganak na makapal ang mukha, nakaramdam pa rin ng hiya si Lalie sa hantarang pang-iisnab sa kanya ni Mauro. Sa harap pa mandin ng abogado na kaibigang matalik ng yumao niyang asawa. Diyos ko, ganoon pala ka-suplado ang anak ni Fermando? Hindi niya sukat-akalain na bastos ito. Paano kasi puro papuri ang maririnig sa don patungkol sa anak. Kaya tuloy ang akala ni Lalie ay mabait itong tao. Sayang. Type pa naman sana niya ang damuho.
Hoy, Lalie! Mahiya ka! Anak iyan ng yumao mong asawa! Saka nakaburol pa ang iyong kabiyak!
Napangiti siya sa naisip. Huli na nang ma-realize niyang naipakita pa niya pati iyon sa supladong anak ni Don Fernando. Lalo tuloy naningkit ang mga mata nito nang tumingin uli sa kanya. Natigil pa ang pagbabalitaan nila ng abogado na mukhang close na close sa binata.
"Ano'ng nginingiti-ngiti mo riyan?" asik ni mauro sa kanya.
"Bakit? Bawal na ba'ng ngumiti ngayon?" At lalo pa niyang nilawakan ang pagngiti. Napakagat ng labi si Mauro. Hindi na ito kumibo pero naramdaman ni Lalie ang pagngangalit ng puso nito.
"Let's go, Attorney," yaya ng binata sa mahinang tinig. Nauna na ito sa labasan ng NAIA Terminal 3 habang tulak-tulak ang cart na may laman ng mga bagahe. Imbes na sumunod agad dito ang abogado, nilingon muna ng huli si Lalie at minuwestra na mauna siya't susunod ito.
Kung hindi lang nakatingin si Attorney Zamora, gusto sanang hambalusin ni Lalie ng dalang LV bag ang binata. Hiyang-hiya siya sa inasal nito lalo pa't nakatingin din sa kanila si Mang Carlos, ang kanyang bodyguard.
"H'wag mo nang patulan si Mauro. Nagdadalamhati lang ang batang iyon kung kaya ganoon ang inasal. Hindi siguro naisip na daratnang patay na ang ama."
"Naku, Attorney, h'wag n'yo na hong ipagtanggol.Ganyan naman kasi ang mga mayayaman. Spoiled. Ngayon pa siya magdadalamhati? Ilang beses siyang pinauwi ng kanyang ama para atupagin ang kanilang negosyo, pero ano ang ginawa niya? Lalong nagpirme sa Istets. Bwisit siya!"
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...