Ang sakit ng ulo ni Lalie nang siya'y magising kinaumagahan. Hindi niya alam kung bakit. For a while nakalimutan niya na ilang oras silang nag-inuman ni Rihanna sa apartment ng huli. Nang mahimasmasan at maalala ang mga kaganapan ay napahikbi siya.
Dumaan siya sa kanila kahapon para alamin ang kalagayan ng kanyang ina dahil ayon sa kaibigang si Perping ay isinugod daw sa ospital ang Inay niya. Wala sa kanila ang dalawa niyang kuya nang mga araw na iyon dahil parehong nagtatrabaho sa isang konstruksiyon sa Alabang. Mga taga-barangay daw ang nagdala sa Inay niya sa pagamutan sa Maynila dahil hindi ito kinaya ng ospital na malapit sa kanila. Iyon nga dumalaw siya sa Philippine General Hospital o iyong tinatawag na PGH at nanlumo siya nang makita ang ina na nakaratay sa isang higaan sa public ward. Marami itong kasama roon at labis siyang nahabag sa kalagayan nito. Ang payat-payat ng Inay niya at may mga nakakabit sa katawan nito na kung anu-anong tubo. Hindi na siya nakapagpigil at napasugod siya sa silid subalit, pagkakita sa kanya ng ina inubo ito sa sobrang galit. Nang makita itong nangingitim sa tindi ng emosyon, wala siyang nagawa kundi lisanin ang ward at ipakiusap sa kapitana ng kanilang barangay na ito na ang bahala sa nanay niya.
"Pasensya na, Lalie. Mukhang hindi nakatulong ang presensya mo sa kalagayan ng iyong ina. Inakala pa naman namin ay makakatulong ito na mapabuti ang kanyang kalagayan."
Napahilot siya no'n sa kanyang sentido. Dati-rati, naaartehan siya sa mga bida sa pelikula kapag bigla na lang silang tatalikod sa kausap at ma-emosyon na magpahayag ng damdamin sa kawalan, pero iyon nga ang ginawa niya. Inilabas niya ang sama ng loob sa pamilya.
"Masama na ba akong anak, Kapitana? Hindi ko naman ginusto ang mag-asawa ng matandang mayaman. Nagkataon lang na may nag-alok! Aayaw pa ba ako kung iaahon niya ako sa hirap? Para saan ang pakikibaka natin sa araw-araw? Bakit nagpapakahirap sa pag-aaral ang mga tao? Dahil gusto nilang magkatrabaho at makaipon ng pera nang sa gano'n ay yumaman sila. Eh, ganoon din naman ang ginawa ko! Minadali ko lang ang proseso! Sayang kasi ang oras, eh! Ano'ng masama roon? Bakit ayaw nila Itay at Inay niyon?" nag-unahan na no'n sa pagtulo ang mga luha ni Lalie.
Napabuntong-hininga naman ang Kapitana.
"Ewan ko ba sa mga magulang mo, Lalie. Kung ako sa kalagayan nila, magpapatangos na ako ng ilong saka magpapabanat ng pisngi! Siguro'y hindi mo na ako makikita nang walang Gucci sunglasses. Saka iyang si Mommy Dionisia, kokompetensyahan ko iyan sa ballroom!" At natawa pa ito.
Napa-about face dito si Lalie. Umurong ang kanyang mga luha. Napakunot ang noo nito at mayamaya nang kaunti ay nauwi sa isang malawak na ngiti ang lukot ng mukha. Nai-imagine siguro ang Kapitana na nakikipagtagisan ng galing kay Aling Dionisia sa ballroom.
"Saka iyang Kuya Danilo mo, Lalie, ang tigas din ng ulo! Nakows! Sarap tirisin ng mukha kung hindi lang guwapo," sabat naman ni Perping. Nakalapit na pala ito sa kanila. Nagkwento si Perping na pati raw siya ay kinagalitan ng kuya ni Lalie nang minsa'y dalawin nila ito kasama ang mga kapatid na kaibigan din ni Danilo. Pinaratangan pa raw sila na padala ni Lalie.
Suminghot-singhot na naman si Lalie at kumusut-kusot ng ilong. Mayamaya pa, nagbukas ito ng kulay beige na Christian Dior clutch bag. Dinukot roon ang pitaka at nagbilang ng kung ilang lilibuhing pera saka inabot sa Kapitana.
"Ilipat n'yo ho ng pribadong silid ang Inay ko. Kapag nagtanong kung sino ang gumastos, pakisabi po na donasyon ni Mayor."
Nanlaki ang mga mata ni Perping pagkakita sa kung ilang lilibuhing pera. Inabutan din ito ni Lalie ng dalawang iisang libong papel. Ganoon din ang Kapitana. Kinilig ang mga ito.
"Lalie, ang sarap! Para akong may sugar daddy!" ang sabi pa ni Perping.
"Lalie, ihanap mo rin kaya ng DOM ang anak ko?"
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...