A/N: Comment-comment din kayo! Salamuch!
**********
Binaba ni Lalie ang binabasang tabloid sa mesa. Kinapa niya ang dibdib na noo'y tumatahip na para bagang tumakbo siya ng kung ilang milya. Hindi niya napigilan ang pag-usbong ng mga luha sa kanyang mga mata. Mabilis niyang pinahiran ang ilang butil na dumaloy sa pisngi bago pa man makarating sa harapan niya ang katulong na si Aurora at tanungin siya kung nais niyang mag-refill ng kape.
"Iwan mo muna ako," utos niya rito. Mahina ang tinig. Medyo nangangarag pa kasi sa galit.
"Ho?" Parang nabigla ito. Nang tapunan niya ng masamang tingin, dali-dali itong tumalikod at bumalik sa loob ng bahay. Iniwan siya sa hardin.
Tumayo si Lalie at naglakad-lakad. Hindi maalis-alis sa kanyang isipan ang mga masasakit na salitang pinukol sa kanya ng mga taong na-interview diumano ng writer na sumulat sa artikulo tungkol sa libing ng yumao niyang asawa kamakailan. May nagsabi roon na nilason daw niya ang matanda dahil atat siyang mahawakan ang mana. Mayroon ding nagparatang na kinakutsaba pa raw niya ang abogado ng pamilya para maisagawa nang maayos ang pagliligpit sa walang kamuwang-muwang na don. Pero ang higit na nagpakulo ng dugo niya ay iyong sabihin nilang ginawa niya lahat ng iyon dahil sa patay-gutom niyang pamilya. Ang papa niya raw kasing traysikel driver ay nakulong dahil sa salang rape at homicide. Iyon daw ang nag-udyok sa kanyang ipagbili ang katawan kapalit ng kalayaan ng ama.
"Hindi reypis ang papa ko! Hindi reypis! Kailanman, hindi magagawa ng papa ko iyon!"
"Ma'am Lalie?" tanong ni Abner, ang hardinero. Natigil ito sa pagti-trim ng mga non-flowering plants nila para tingnan siya. No'n naman parang naalimpungatan si Lalie. Napalakas pala ang kanyang mga sinabi. Mabilis siyang umiling kay Abner at bumalik na rin sa loob ng mansion.
"Kawawang matanda. Ang bait no'n talaga. Iyon lamang ang kilala kong ubod ng yaman na mabait sa mahihirap."
"Bakit gano'n? Kung sino pa ang mabait, siya pa ang nagagawan ng masama? Bakit hindi na lang ang ama ng tusong babaeng iyon ang namatay? Total naman salot lang naman iyon sa lipunan. Rapist! Walang silbi! Pwe!"
"Hindi ba nakonsensya ang higad na iyon? Namatay ang isa sa mga ulirang negosyante ng Pilipinas dahil sa kasakiman niya? Sana pagbayarin siya ng anak ni Don Fernando!"
"Sayang. Kay ganda pa naman sanang babae. Kaso nga lang halang ang kaluluwa. Hindi pa man namamatay ay naaagnas na ang kaluluwa ssa sobrang sama!"
"Tama na! Hindi n'yo alam ang pinagsasabi ninyo! Tama na!" Napahawak pa si Lalie sa magkabilang tainga niya habang sumisigaw sa loob ng kanyang silid. Binagsak niya ang kanyang katawan sa kama at kumukumpas-kumpas sa hangin sa kanyang harapan na tila baga'y binubura niya sa alaala ang mga nabasang masasakit na salita patungkol sa kanya.
"Bwisit na Aurorang iyon! Binigay-bigay pa kasi sa akin ang tabloid na iyon! Lintek!"
Tinawagan niya agad ang bunso niyang kapatid at hiniling dito na makipagkita sa kanya nang umagang iyon mismo. Kailangan niya itong makausap nang masinsinan.
"Sori, Ate. Pupunta kami ngayon ni Nanay sa presinto. Dadalawin namin ang Itay."
"Kahit saglit lang, Dante. May iaabot ako sa inyo. Saka pag-uusapan natin uli ang kaso ni Itay. May nakausap na akong abogado. Papabuksan ko uli ang kaso."
"Sino iyan, Dante?" Narinig ni Lalie na boses ng kanyang ina na parang mula sa malayo. Hindi niya narinig ang sagot ng kapatid, pero naulinigan niya ang mariing tinuran ng ina tungkol sa kanyang plano. "Sinong Ate? Wala naman akong anak na babae, ah. Ibaba mo na iyang telepono at tulungan mo na ako rito. Kanina pa naghihintay ang tatay mo sa atin."
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...