CHAPTER SIXTEEN

566 66 14
                                    

Pagkapinid sa pinto, napahawak sa dibdib si Lalie. Pakiramdam niya, hapung-hapo siya. Nainis din siya sa sarili. Kung bakit kasi ang dali niyang maapektuhan ng presensya ng lalaking iyon. Palpak na naman tuloy ang plano niya. Kaya lang naman siya nag-ehersisyo sa tabi ng pool para maabangan ang paglabas at pag-alis ng bahay ng loko-lokong stepson. Ilang araw na kasing hindi sila nagkikita. Hindi sa nami-miss niya ang unggoy. Gusto niya sanang kulitin na naman siya nito tungkol sa pagtulong sa mga kuya niya. Nahihiya siyang kusang humingi ng tulong dahil nga nakapagbitaw na siya ng salita na NEVER siyang magpapatulong dito. Kinakabahan na kasi siya sa takbo ng kaso. Mukha raw mapapatawan ng pinakamabigat na parusa ang kanyang ama't kapatid gawa nga ng makapangyarihan ang hindi nila nakikilalang kalaban.

Magpapatulong ka, pero paano naman ang dalawang iyon? Siguradong hindi makakapayag ang itay mo't kuya. Paano mo sila matutulungan, aber?

Napabuntong-hininga si Lalie. Naisip niya ang kanyang Inay. Alam niyang ito ang magiging susi niya sa lahat. Sa oras na ito ang magmakaawa ay papayag ang kanyang Kuya. Kapag okay na sa kapatid niya, madali lamang makumbinsi ang kanyang ama. Ang problema, paano niya mahihingan ng tulong ang ina kung anino nga lang niya ang makita nito'y nagtutungayaw na sa galit.

"Ano ba naman kasi, Nay, bakit pinanganak kayong ganyan? Ang sarap n'yong pag-untuging dalawa!" naibulalas niya sabay alis sa harapan ng pintuan. Timing namang pumasok sina Mamerta at Aurora. Si Mamerta ang nagbukas ng pinto sabay katok sa nakabukas nang pintuan. Si Aurora naman ang may dala-dala ng aalmusalin niya sana kanina kaso ay hindi natuloy dahil sa bangayan nila ni Mauro.

"H-ho? Ma'am---madame! Bakit naman po? Ano'ng kasalanan namin sa inyo ni Aurora?" ani Mamerta.

Napatingin siyang muli sa babae. Nakakunot na ang kanyang noo. "Ha?" aniya. Nalilito rin.

"Ang sabi n'yo po 'ang sarap pag-untugin ng dalawang iyon!" sabat naman ni Aurora. "Madame, nagtatrabaho ako nang maayos sa inyo, ha? Baka si Mamerta po ang ibig n'yong sabihin?"

Naguluhan siya sa dalawa.

Kaagad na kinutusan ni Mamerta si Aurora. "Ano'ng pinagsasabi mo riyan! Bwisit ka! Ilalaglag mo pa ako! Eh, malinaw nga na tayong dalawa ang may kasalanan, eh!"

"Tumigil kayong dalawa kung ayaw n'yong samain sa akin," asik niya sa mga ito. Naiintindihan na niya kung ano ang ibig nilang sabihin. Inakala nilang sila ang tinutukoy niya kanina.

"Eh kasi itong eng-eng na Auring, eh!"

"Anong ako? Ikaw nga riyan ang nagpasimuno, eh."

Nagtaas ng dalawang kamay si Lalie. "Tigil! Pakibaba ng tray sa mesa at umalis na kayong dalawa rito kung ayaw n'yong sampalin ko kayong dalawa nang matauhan."

Dali-daling nilapag ni Aurora ang dalang tray ng pagkain sa ibabaw ng center table na kaharap ng kulay gray na malaking couch sa bandang kanan ng kama at dali-dali itong nag-paalam. Nagmadali rin si Mamerta sa paglapag ng isang pitsel ng orange juice doon at halos magkasabay na sila ni Aurora sa pagtakbo papunta sa pintuan. Akala ni Lalie ay makakapag-almusal na siya nang matiwasay kung kaya pasalampak na siyang naupo sa harap ng mesita nang biglang bumalik si Mamerta at may dinukot na isang puting sobre sa bulsa ng apron.

"Ano ito?" tanong niya sa katulong.

"Hindi namin alam, madame. Hindi namin nasilip ang laman. Gusto n'yo pong buksan ko?"

"Atribida! Of cors nat. Tsupe!" At pinaalis na niya ang dalawa.

Kinabahan si Lalie habang tinitingnan ang sobre. Mukha kasing hindi maganda ang laman nitong impormasyon. May kutob siyang may kinalaman ito sa ama't kapatid na nakapiit ngayon sa Bilibid.

KAHIT MINSAN LAMANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon