Aminin man ni Lalie o hindi may kakaibang karisma ang hinayupak niyang stepson. Habang nagsasalita ito sa harapan nila, kitang-kita niya na hindi lamang ang kanyang mga kaeskwela ang kilig na kilig kundi halos lahat ng guro, mapababae man o binabae. Pati ang ka-close niyang si Lillibeth na inisip niyang inosente at walang kamuwang-muwang sa bagay na ito ay bigla ring tumili, kasama ng iba pa nilang kaklase nang magsalita na si Mauro.
"Potah, ibang klase ka ngang hayop ka," bulong niya.
"May sinasabi po kayo, Ate Lalie?"
"Naku, wala!"
Pagkatapos ng maikling talumpati ng damuho, pinabalik na sila sa kani-kanilang mga silid, pwera lamang sa kanya. Nagulat si Lalie.
"Ako po, ma'am?" pagkokompirma ni Lalie sabay turo sa bandang dibdib niya.
"Yes, iha. C'mon, follow me."
Napatingin si Lalie kay Lillibeth. Ang huli ay tila nagtataka rin kung bakit kinailangan niyang pumunta sa principal's office. Ang alam lang kasi nila, dalawang bagay lang ang makakapagpaunta sa estudyante sa opisina ng principal. Iyon ay kung may ginawa itong masama o may ginawang kahanga-hanga. Parang alam na niya ang dahilan ng pagpapatawag nito. May nakapagsabi rito ng pag-eskapo niya sa klase noong isang araw. Malaman lamang niya kung sino ang nagdaldal no'n, puputulan niya ng dila.
Pagdating ni Lalie sa silid-tanggapan ni Dr. Dorado, ang kanilang matandang dalagang principal, magiliw siya nitong niyakap.
"Naku, iha! It's good of you to drop by."
Good of you? May ginawa akong kabutihan? Gano'n?
"Sige, Doc. Iwan ko na rito si Eulalia, ha? Kahit hindi na iyan umatend sa klase namin sa math, okay lang po."
Nagulat sa narinig si Lalie at bahagya siyang naguluhan. May munting kaba siyang nadama dahil nga alam niyang istrikto ang guro nilang iyon subalit ang tono nito ay parang hindi naman galit o naiinis. Bagkus, naringgan pa niya ito ng kabaitan. Nalilito siya tuloy. Gayunman, ayaw niyang magbigay ng kompyansa rito. Baka ini-etsus lang siya sa harapan ng punong-guro. Hindi kaya ibabagsak siya nito kung kaya....? Nanlamig ng kaunti si Lalie sa kanyang naisip. Ang nagbibigay lamang ng kompyansa sa kanya ay ang pinangako ni Attorney Zamora. Ayon sa matandang abogado, hinding-hindi siya maki-kick out ng eskwelahan sa kahit ano pa mang rason dahil malaki ang donasyon ng kompanya ng yumao niyang asawa rito.
"Sit down," sabi ng principal. Hawak-hawak pa nito ang braso niya at masuyo siyang hinila papunta sa isa sa mga visitor's chair na nasa harapan ng mesa. Nang makaupo na siya'y lumipat ito sa swivel chair at ngumiti sa kanya nang ubod ng tamis.
"Hindi mo sinasabi sa amin na kamag-anak mo pala si Mr. Mauro Dela Paz, ang CEO ng Dela Paz Group of Companies," tila kinikilig na sabi ng principal.
No'n lang napansin ni Lalie ang matingkad na kulay pula nitong lipstick. Parang gumamit pa nga ng liptint para lalo itong maging kapansin-pansin. Kinilabutan si Lalie sa nakitang pagtatangka ng punong-guro na magmukhang kaakit-akit. Parang hindi bagay, sa loob-loob niya.
Bago pa makasagot si Lalie sa sinabi ni Dr. Dorado, pumasok si Mauro sa silid. Hinatid ito roon ng bading na department head ng English. Pagkakita sa binata, nag-init ang mukha ni Lalie. Parang gusto niyang tumakbo palayo. Nahihiya siyang napag-alaman agad nitong bumalik siya sa pag-aaral. Ilang taon na siya ngayon, beinte singko na'y nasa second year high school pa lamang! Siguradong maiinsulto na naman siya ng hayop na ito.
Dahil nagsalubong na ang kanilang paningin, sinikap na lamang ni Lalie na magpatay-malisya. Kung magpapakita kasi siya ng kahit katiting na emosyon kagaya ng hiya, baka gamitin nito laban sa kanya at lalo siyang maliitin.
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...