A/N: Comment-comment din pag may time. Hehehe!
**********
"Hanggang kailan mo ba gagawin ang mga bagay na ito, Eulalia? Aba'y kaya pala kung ilang milyones ang nagagasta mo kada buwan! Kung ako man sa lugar ng poging-pogi mong stepson, kakanselahin ko rin ang lahat ng credit cards mo at ipe-freeze ang mga bank account mo!" naiinis na asik ng kaibigan kay Lalie. Nasa lobby sila ng Philippine Heart Center sa Quezon City nang mga oras na iyon.
Siniko ni Lalie si Rihanna dahil malapit na sa kanila si Kap Tonyo, bitbit ang mga papeles na hinihingi niya rito kanina. Ang lawak ng ngiti ng matanda pagkakita sa kanya.
"Lalie! Timing ang dating mo, anak. Heto at nakuha ko na ang mga bayarin nila Aling Mercedes at Aling Concha. Ito naman ang sa nanay mo."
Pagkakuha ni Lalie sa mga papeles pinangunutan siya ng noo. Hindi niya naiintindihan ang mga iyon. Puro kasi sa wikang Ingles nakasulat ang naturang dokumento. Nakiusyuso na rin sa hawak niyang mga papel ang kaibigang si Rihanna.
"Tig-iisang milyon mahigit ang surgery nila?! My gulay! Ang mahal, Lalie! Babayaran mo rin ba itong mga surgeries ng kapitbahay ninyo?" nakakunot ang noo ni Rihanna habang nakatitig sa kanya.
Napabuga ng hangin si Lalie. Mabilis siyang nagkuwenta sa isipan at napakamot siya sa ulo. Ubos na naman ang monthly stipend niya. Tiyak, maiimbyerna na naman si Mauro kapag nalaman na naubos niya ang tatlong milyong piso sa loob lamang ng kung ilang linggo.
Nagpalipat-lipat ng tingin sa kanya ang kapitan. Napabuga siyang muli ng hangin.
"Kumusta na po si Inay, Kap?" tanong na lang niya rito at inabot na nang tuluyan sa kaibigan ang mga papeles. Ito ang nagbusisi ng mga iyon habang nakikumusta siya sa kapitan.
"Iyon nga. Mabuti't naagapan at nadala siya rito't naoperahan agad. Ang sabi ng doktor, kung nahuli-huli kami ay baka natuluyan na si Lucinda. Ang sabi ko naman kasi sa nanay mo noon, magpatingin na agad. Aba'y nagsagawa kami ng libreng konsulta noong nakaraang taon. Ayaw magpatingin. Natatakot na madiskubre ang sakit. Eh, heto lumala na. Kung noon pa sana ay baka nakuha pa saamot."
"Sino po ang bantay niya ngayon doon?"
Kinakitaan ng kalungkutan ang mukha ng kapitan. "Ang kapatid mong si Dario."
Napabuntong-hininga na naman si Lalie. Ang ibig sabihin kasi no'n ay hindi niya man lang masisilip ang ina. Sa lahat kasi ng mga kapatid niya ang Kuya Dario niya ang pinaka-galit sa kanya sa pagpapakasal niya kay Don Fernando. Nagtangka pa nga itong lusubin sana ang mansion ng mga dela Paz at bawiin siya sa don. Mabuti't naawat ni Kapitan Tonyo. Kung hindi ay baka nagkaroon ng eskandalo.
"Lalie, nauubusan na ako ng rason sa mga kuya mo. Tanong sila nang tanong kung bakit ang bait-bait ni mayor sa kanila. Iyon kasi ang sabi ko lagi. Eh alam mo naman ang mayor natin, di ba?" Kumindat ito sa kanya nang makahulugan. Napangiti rin doon si Rihanna.
"Bakit naman kasi si Mayor pa ang idinahilan ninyo, Kap. Sana nagsabi kayo na bigay ni Bise Presidente. Mabait naman kasi iyon sa mga matatanda. Kita n'yo namang namumudmod ng cake iyon sa mga nasasakupan sa tuwing may bertdey ang mga sinyor sitisen sa kanila."
"Ay, hindi ko naisip." At tumatawa ang kapitan. "Bueno, nais ko lamang ibigay sa iyo iyan para mapaghandaan mo dahil kailangan daw ng downpayment iyang kina Aling Mercedes at Aling Concha. Mahigit isang milyon kasi ang sa kanila, eh."
"Sige po, Kap. Walang problema."
"Oo nga pala, h'wag mo nang ilipat ng private room ang nanay mo. Doon na lang sa ward. Okay naman doon. Kapag ginawa kasi natin iyon, mag-iimbento na naman ako ng rason kay Dario. Eh, nagdududa na nga ang tao sa akin. Baka madamay pa ako sa gusot ninyong magkakapatid."
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...