"Ano'ng hindi pwedeng bumisita?" nagtaas na ng tono si Lalie sa kaharap na bagong warden ng Bilibid. "Oy, ser, rigyularr akong bisitor dito, baka hindi nasabi sa iyo?" At namaywang na siya sa harapan nito. Napangiti naman sa kanya ang warden.
"Yes, ma'am. Nakita ko nga po sa file namin. Sa totoo lang po, sa amin ay walang problema. Iyong dalawang dadalawin n'yo po mismo ang nag-special request na h'wag na kayong papuntahin dito."
Inutusan nito ang kararating doong pulis na ipakita kay Lalie ang pirmadong written request ng kanyang ama't kapatid. Pagkakita sa tila kinahig ng manok na sulat-kamay ng ama, may kung anong nakanti sa puso ni Lalie. Nakaramdam siya ng hindi maipapaliwanag na pangungulila. Nang masulyapan ang kaparehong pakiusap ng kuya na may pirma rin nito, hindi na niya napigilan ang pagtulo ng mga luha.
Iilang kataga lang ang nakasulat sa puting papel, pero damang-dama niya ang pagngangalit ng dalawa. Ang sa ama niya'y gets niya kung bakit ganoon ang sulat. Grade two lang ang inabot nito kung kaya halos hindi marunong magtantiya ng laki ng mga titik, subalit ang kuya niya ay nakapag-vocational school. Likas na maganda ang sulat-kamay nito, kung kaya alam niyang nanggigigil ito habang binubuo ang mga iyon dahil kaparehas ng sa ama, parang isinulat din ng paa.
"Pasensya na, Mrs. Dela Paz."
Hindi na sumagot si Lalie. Bago pa tumulo ang isa pang butil ng luha ay naisuot na niya ang itim na sunglasses at dali-dali nang lumabas ng opisina ng warden.
"Madam, itong dala n'yong pagkain?" Hinabol pa siya ng warden.
"Madam, ang dala n'yo raw na pagkain, nakalimutan n'yo," ani ng nakasalubong na pulis.
"Ipakain n'yo sa aso! Wala akong pakialam!"
Dali-dali na siyang sumakay sa naghihintay na taxi pagkalabas sa Bilibid. Tila nagtaka ang driver dahil ang aga niyang lumabas this time. Magsisindi pa sana ito ng sigarilyo habang nakasandal sa sasakyan, pero hindi na natuloy dahil nakita na siya. Pinagbuksan siya agad nito ng pinto sa backseat. Hinintay muna siyang makapasok sa sasakyan bago rin pumuwesto sa driver's seat. Saka lang ito nagtanong.
"Aalis na ba tayo, ma'am?"
"Ay hindi! Uupo lang ako rito at sisinghot sa mabantot at amoy-sigarilyo mong taxi!"
"Ay pasensya na po, ma'am." Dumukwang ito at may kinuha sa glove compartment. Akmang mag-i-ii-spray na ito ng lemon scent na air freshener nang inawat na ni Lalie.
"Ayoko ng amoy-banyo! Paandarin mo na nga ito nang makauwi na ako sa amin!"
"Ay, yes, ma'am! Pasensya na po!"
Itinirik ni Lalie ang mga mata at napahulikipkip pa. Nang malapit na sana sila sa kanila, inutusan niya ang driver na dumeretso na lang at ihatid siya sa SM Southmall. Wala siya sa kondisyon mapag-isa. Kailangan niyang makausap si Rihanna.
"Saan po, ma'am?"
"Bingi ka ba? Sabi ko, ihatid n'yo ako sa Southmall!"
"Opo, ma'am. Pa---,"
Itinaas ni Lalie ang mga kamay at hinuli niya ang mga mata ng driver sa rearview mirror at pinandilatan.
"H'wag ka nang humingi uli ng dispensa! Pinapainit mo lalo ang ulo ko, eh!"
Napakamot-kamot ng ulo ang taxi driver, saka hindi na kumibo.
**********
"Mr. Dela Paz?"
Napabaling ng tingin si Mauro sa manager ng SM Southmall at nagpatuloy sa pakikipag-usap na para bang hindi siya na-distract kanina. Hindi niya pinansin ang tila pagsunod ng tingin ng babae sa madrasta niya habang papasok ito sa isang parlor habang kaabrasiyete ang hindi niya nakikilalang mestisuhing lalaki. Hindi kaguwapuhan ang kasama ni Lalie, pero matangkad ito at sakto lang din ang katawan. Siguro sa isang katulad ng stepmother niya'y pupwede na iyon. Nagtagis ang kanyang bagang.
BINABASA MO ANG
KAHIT MINSAN LAMANG
ChickLitBatid ni Lalie kung gaano ang pagkasuklam sa kanya ni Mauro, ang anak ng yumaong don na si Don Fernando Saturnino Dela Paz. Alam rin niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng ama. Pero who cares? Ang importante nasa kamay na niya ang matagal n...