CHAPTER EIGHTEEN

574 54 8
                                    


Sinilip ni Lalie sa sala kung sino ang importanteng bisita ni Mauro at hindi magkandaugaga sa kakaestima ang mga katulong. Ni wala na nga siyang mautusan sa kanila dahil lahat ay nakapokus sa pagsisilbi sa mga ito. Isang matandang nangangamoy datung ang nakita niyang prenteng-prente na nananabako sa harapan ng kanyang stepson. At himala, ni wala man lang sinabi ang damuho tungkol dito samantalang napaka-istrikto nito sa amoy ng tabako. Makauwi nga lang siya buhat sa bar at nangangamoy usok ng sigarilyo halos lalapain na siya sa galit dahil kinakalat daw niya ang mabantot na amoy ng sigarilyo sa buong kabahayan. Iisa lamang ang naisip ni Lalie sa kawalan nito ng reaksyon. May kapangyarihan ang matandang ito. Kasi, sa pagkakaalam niya ang hayop na Mauro ay walang kinatatakutang tao. Hindi ito basta-basta nasisindak ninuman, bata man o matanda.

"Madame," pabulong na tawag sa kanya. Paglingon niya saglit, nakita niya si Mamerta. Sumesenyas-senyas ito sa kanya. "Sino ang sinisilip n'yo riyan?" At nakisilip na rin ang bruhang katulong.

"Tigilan mo nga ako! Umalis ka rito!" asik niya kay Mamerta sa pabulong ngunit naiinis na tinig. Pinandilatan pa niya ito habang itinataboy.

Imbes na magalit at tumalima na, nakisilip lalo si Mamerta. Siniksik ang sarili sa likuran niya kung kaya naiawang niya nang maluwag ang pintuan na nagkokonekta sa foyer at living room. Inangilan niya nang husto si Mamerta. May napalingon sa mga bisita. Tingin ni Lalie ay alalay ng matanda. Mayamaya pa, pati ang huli maging ang kanyang stepson ay napatingin na rin sa direksyon niya. Wala siyang nagawa kundi ang magpakita na lang nang husto.

"Magandang umaga po," magiliw niyang bati sa lahat at nagtuluy-tuloy na sa sala. Nilingon niya nang makadali si Mamerta at sinamaan ito ng tingin.

Kakamot-kamot naman ng ulo ang katulong at bumuntot na rin sa amo.

May tinanong si Mauro kay Mamerta tungkol sa package. Nakuha raw ba nito sa foyer?

"Ay! Oo nga pala, ser!" At tumakbo uli ito pabalik sa pinanggalingan.

"Oo nga pala, Ninong, I guess you remember Lalie, my dad's wife?"

Ninong. Saan ko nga ba narinig ito noon. Napapitik ng daliri si Lalie nang maalala kung saan niya unang nakita ang matanda. Dinala ito ng yumao niyang asawa sa resort sa Batangas. Tandang-tanda pa niya na tila naglaway pa ito nang makita siya in her waitress uniform. Ang standard nilang suot ay lampas-tuhod na A-line dark blue dress na may puting apron sa harap, pero dahil maarte siya at plano talaga niyang makabingwit ng matabang isda, iniklian niya ang suot niya ng apat na pulgada. Naging above the knee tuloy ng waitress uniform niya.

"Kumusta po kayo?" bati niya sa matanda na pinakilala ni Mauro sa kanya bilang Don Fernando rin. Kapangalan ng yumao niyang asawa!

Binalikan niya sa isipan kung nagpakilala ba ito noon sa kanya. Ang tanda niya nagpahanginito na gusto siya pero nawalan siya agad ng gana rito pagka-propose sa kanya ni Don Fernando. Siyempre, sigurado na siya sa isa, susugal pa ba siya rito? Saka kahit matanda lang ang napangasawa niya, kung hitsura lang din ang pag-uusapan mas may hitsura iyon, in fairness. Sabi nga ng mga matatanda niyang kasamahan sa resort noon, hawig na hawig daw ang don sa dating matinee idol noong dekada-50 na si Nestor de Villa, ang laging ka-love team daw ng yumao na ring aktres na si Nida Blanca. Siyempre, hindi niya maisip kung ano ang hitsura ng mga iyon dahil ni hindi nga niya alam ang mga artista noong dekada otsenta na kinabibilangan ng napapanood niyang kontrabida sa TV na si Albert Martinez, iyon pa kaya? Pero pinaniwalaan naman niya ang mga lolang iyon dahil nakikita naman niya noon sa mga lumang litrato ng don na nagkalat sa mga opisina sa resort na may hitsura nga ito noong bata pa.

"Lalie," untag sa kanya ni Mauro. Tila pigil na pigil ang inis nito.

"Ha?" napasulyap siya rito na nalilito. May tinanong ba ito?

KAHIT MINSAN LAMANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon