Chapter 13

9 1 2
                                    

Chapter 13: I hate you

Nagising si Trixie na nakasiksik sa isang katawan. Itutulak niya na sana iyon kung hindi lang niya naamoy ang pamilyar na pabango ni Steffen. Mahimbing itong natutulog sa tabi niya habang nakadantay ang kamay sa kanyang baywang. Tinitigan niya ito habang natutulog. Nang hindi makatiis ay inangat niya ang kanyang kamay at marahang pinaglandas ang kanyang mga daliri sa makapal nitong kilay.

Pagkatapos doon ay ang mahahaba naman nitong pilik-mata ang kanyang pinagkaabalahan. Tumagal siya doon dahil maging ang malalalim nitong mga mata ay hindi niya napigilang titigan din. Pababa sa matangos nitong ilong. Hanggang sa bumaba ang tingin niya sa maganda nitong labi. Ang labi nito na ilang beses niya nang nahalikan.

Dahil doon ay naalala niya na naman ang una nilang pagkikita kung saan unang nahalikan din siya nito. Sunod-sunod na ang alaala niya na kasama ito. Mula sa pagkikita nilang muli. Ang pangungulit nito sa kanya tuwing wala siyang flight noon. Ang pagsama-sama nito tuwing uuwi siya sa bahay nila. Ang pag-aasikaso at pag-aalaga nito sa kanya. Ang mga minsan na tampuhan nila. Ang panliligaw nito hindi lang sa kanya kundi maging sa pamilya at mga kamag-anak niya.

Kung tutuusin ay parang higit pa sa isang manliligaw ang mga ginagawa nito. Katulad kanina nang kumatok ito sa pinto niya at mapansin na hindi maganda ang pakiramdam niya. Pinilit nito na ito ang magluluto ng lunch nila nang makita siyang pumasok sa kusina para magluto. Pagkatapos nilang kumain ay pinainom siya nito ng gamot at ito na rin ang nagligpit ng kanilang mga pinagkainan.

Pagkatapos nitong magligpit at maabutan siyang nanonood ng TV sa sala ay pinapasok siya nito sa kwarto niya para magpahinga dahil lalo siyang uminit. Ramdam niya na din noon ang sobrang pagsama ng kanyang pakiramdam kaya naman sinunod niya na lang ito. Inalagaan siya nito na para siya isang bata. Tinatanong nito kung kumportable ba siya sa kanyang kama. Kung naiinitan ba siya o giniginaw. Kung may gusto ba siyang kainin o inumin.

Kahit ang naaamoy niya ay tinanong nito. Kung ayos lang daw ba sa kanya ang amoy ng kanyang kwarto. At kung hindi daw ba siya nahihilo sa pabango nito. Natatawa na nga lang siya sa iba pang mga tanong nito. Nang pinapatulog na siya nito at hindi siya makatulog ay nagkwento ito ng kung anu-anong bagay. Effective naman ang pagku-kwento nito dahil hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.

At ngayon nga ay nagising si Trixie na katabi na si Steffen. Napagod siguro ito sa pag-aalaga sa kanya kaya tumabi na ito sa kanya. Wala naman kaso sa kanya iyon dahil wala naman itong ginawang masama sa puri niya. Kung tutuusin ay maganda ang naging tulog niya. Ramdam niya pa rin ang pagiging matamlay pero hindi na ganoon kasama ang pakiramdam niya.

Naputol ang kanyang pagtitig sa labi nito nang bigla nitong hawakan ang kanyang kamay na humahaplos na ngayon sa pisngi nito. Tinangka niyang bawiin ang kanyang kamay mula dito pero hindi nito iyon pinayagan.

Lalong kinabahan si Trixie nang minulat ni Steffen ang mga mata at titigan siya. ""Bakit ganon?" Nakakunot noong tanong nito sa kanya.

"Ha?" Naguguluhan naman na tanong niya dito.

"Mahal talaga kita." Madamdaming sabi nito sa kanya.

Ramdam na ramdam niya ang sobrang bilis na tibok ng kanyang puso. Ngumiti ito at binaon ang mukha sa kanyang mga kamay.

"I love you, Trixie Chlae Vernez." Ulit nito.

Naramdaman niya ang marahang paghalik nito sa kanyang palad. Hindi siya makahinga ng maayos. Alam niyang hindi iyon dahil sa sakit niya kundi dahil sa sobrang saya at kilig na dinudulot nito sa kanya. Hindi pa siya nakakabawi ay tinitigan na naman siya nito.

Lumapit ito ng husto sa kanya at tinitigan ang kanyang nakaawang na labi. Magsasalita na sana siya nang sakupin nito ang kanyang labi. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal sa halik na ibinibigay nito sa kanya. At dahil sa sobrang emosyon na nararamdaman ay hindi niya na namalayan ang pagtulo ng kanyang luha.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 19, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Metanoia: Heart's WhisperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon