“Ang cute mo naman. Saan ka nakatira?” Malambing na tanong ko sa pusang itim. Lumapit ito sa akin kung kayaʼt hinaplos ko ang ulo nito.
Masayang sinimulan ko ang paglabas ng pagkain upang ibigay sa pusa. Agad naman nitong kinain ang ibinigay ko kayaʼt napangiti ako nang malaki. Ibig sabihin lamang nito ay nagtitiwala siya sa akin.
Ngayon kasi ay araw ng linggo. Nakagawian ko na ang paglilibot at pamimigay ng pagkain sa mga pusang nasa labas tuwing ganitong araw. Ito kasi ang paraan ko para makatulong kahit papaano.
Gawa ng matagal na paglilibot ay medyo pinagpawisan ako kayaʼt napagpasyahan ko munang umupo at magpahinga. Panonoorin ko munang kumain ang pusang itim. At siyempre, dadaldalin ko rin siya.
“Alam mo? Ang cute cute mo. Huwag ka sanang magdamdam kung sabihan ka mang malas ng ibang tao.”
Tinagilid ko ang aking ulo at ngumuso. “Sila ang malas kasi sa bibig na nila mismo nanggagaling iyon,” matamis na nginitian ko siya kahit hindi naman siya nakatingin sa akin. teka—naalala ko bigla ang nakita ko kanina!
Mapait na ngumiwi ako. “Pero alam mo? Ako ang malas ngayon. Nakita ko ʼyung crush ko na may kasamang iba.”
“Meow,”
“Oo masakit, ming! May pagkamanhid pa man din ang isang ʼyon. Ken ang pangalan niya. Kilala mo kaya? Nandito lang siya pakalat-kalat sa paligid ng park at may kasamang babae! Kapag nakita mo, dedmahin o huwag mo nalang silang pansinin tulad ng ginawa ko—”
“So kaya ka hindi namansin kanina?”
Naitikom ko ang bibig nang may nagsalita. Gusto ko sanang isipin na guni-guni ko lang ang narinig na boses mula sa aking likuran ngunit lumakad ito palapit at marahang binuhat ang pusa.
Aangal sana ako para sabihing kumakain pa ang pusang itim ngunit nang tignan ko ang pakainan ay simot na ito.
“Hinatid ko lang iyong pinsan ko eh. nalingat lang ako, tinuturuan mo na ng kasamaan ʼtong baby ko.”
Nanigas ako at hindi malaman ang gagawin. Hindi ko alam na may alaga pala siyang pusa!
“Ngayon... anong problema ng isa pang baby ko?”
✎ ̼eurilledlynne | 10/21/23
╱|、
(˚ˎ 。7
|、˜〵
じしˍ,)ノ