“Alam mo ba ang kuwento kung bakit wala nang nakatira at abandonado na ang bahay na ʼyon?”
Napalingon ako sa nagsalita. Isang batang babae na tingin koʼy mas bata sa akin. Inosente nitong tinuturo ang bahay na kanina ko pa tinitignan.
“May isang babae noon na nalalapit na ang kaarawan. At sa kaarawan niya na iyon ay magiging legal na ang kaniyang edad.”
Napatitig lamang ako sa kaniya nang magsimula itong magkuwento. Ayos ʼto. Siguro puwede ko siyang kaibiganin?
“Matagal niyang hinintay ang pagkakataon na iyon dahil para sa kaniya, ang pagiging legal ay katumbas ng pagiging malaya.”
Nakangusong tumango ako. Totoong marami nga ang naghahangad na maging legal na ang edad upang maging malaya. Malaya sa pamilya.. Malaya sa gagawing desisyon. At hindi maipagkakailang minsan ko na rin itong hiniling.
“Noong araw na ng kaarawan niya, matapos siyang kantahan ng kaniyang pamilya ng pagbati ay hiniling nito ang masayang kalayaan. Nalulugod naman na pumalakpak ang lahat nang ihipan nito ang kandila. Lingid sa kanilang kaalaman, may malalim pala na kahulugan ang hiling ng babae...”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ang pagpatay.”
Malalim na napakunot ang noo ko sa kaniyang sinabi. Pagpatay?
“Pinatay ng babae ang buong pamilya niya.”
“N-Nagawa niya ʼyon?”
Marahang tumango ang bata at tumitig sa langit.
“Hindi kasi naging mabuti ang kaniyang ina. madalas nitong pinagbubuntungan ang babae at kinagagalitan. Ganoon din ang asawa nito na hindi naman niya tunay na ama.”
Hindi ako sumagot at hinintay lang ang idurugtong ng babae.
“Walang nakakita at nakakaalam sa kaniyang paghihirap. Para sa babae, impiyerno ang naging buhay nito. Madalas ay nakakulong lamang ito sa kaniyang kuwarto at walang kasama. Ang kasiyahan sa araw ng kaarawan niya ay peke sa kaniyang paningin. Kayaʼt matapos nitong mapatay ang kaniyang pamilya ay isinunod niya ang sarili.”
Nalungkot ang itsura nito nang magpatuloy.
“Hindi nga lamang nito alam na may kapatid siyang nagmamahal sa kaniya. Hindi kasi sila kailanman nagkalapit sa isaʼt-isa.”
“Pinatay rin ng babae ang kapatid niya?”
Tumango ang babae. “Hindi ko siya masisisi. naghirap si ate dahil sa amin.”
“D-Dahil sa i-inyo? Kapatid mo ang babae? Ilan ba kayong magkapatid? B-Buti nakaligtas ka?”
Umiling ito. “Dalawa lang kami.”
✎ ̼eurilledlynne | 10/17/23
( ꩜ ᯅ ꩜;)
