“Are you okay?” Mahirap sumugal. Mahirap ding maghayag ng damdamin. Baka rin kasi ikaʼy mabigla. Kaya gusto kong simulan sa paraang ganito. Pasensiya na sa halos utal na pagtatanong ko. Nanlalamig at nagpapawis din kasi ang dalawang palad at ang noo ko.
Tiningnan kita nang deretso sa mata. Sabi na nga ba, magiging speechless ka. Ngayon lang kasi ako naglakas loob na kausapin at lapitan ka. Kahit nasa iisang circle lang naman tayo. Ewan ko ba, nahihiya kasi ako sa ʼyo.
Dalawang taon na rin pala kitang kilala, ano? Natatandaan ko pa na ikaw ang huling napahalo sa grupo. Paanoʼy naging kapartner mo sa activity ang isa sa tropa ko. Naaalala ko pa ang hindi maipintang mukha mo noon. Imbes kasi na gumawa kayo ng activity, pinaupo ka muna sa aming lamesa at pinakain ng marami. Hindi mo ba alam? Simula noon palagi na kitang inaabangan at pinagmamasdan.
Ngayon gusto kong tumawa. Nanliliit na naman kasi ang ʼyong mga mata. Alam ko na kasi na pag-irap ang sunod mong gagawin. Kahit hindi halata, madalas kasing sa ʼyo ako nakatingin. Na-master ko na nga ata ngayon na ikaʼy palaging basahin. Ipinagtataka ko nga kung bakit namamaga ang iyong mga mata. Hindi ko alam kung gawa lang ng puwing o umiyak ka ba kagabi. Kung ano man ang dahilan, umaasa ako na sana isa ako sa mga taong iyong mapagsasabihan.
Oh hindi nga ako nagkamali. Umirap ka nga. Malamang ay hindi mo inintindi ang tinanong ko. At malamang sa malamang, ʼyung twenty five pesos ang nasa isip mo. Wala ka kasing barya kanina noong bumili ka ng paborito mong zest-o at choco mucho. Siyempre susuportahan kita sa comfort food mo. Sana rin maging bahagi at isa ako sa mga taong magiging comfort mo. Pero salamat kay ateng tindera kanina na walang panukli. Nagkaroon ako ng tsansa na kausapin ka at magpresinta na ako nalang muna ang magbabayad. Masaya kang ngumiti nang lumingon ako sa ʼyo. Grabe, paborito ka ba ng mundo? Dahil tila lahat na yata ay nasa iyo.
“May panukli ka ba sa akin? Sorry, wala kasi akong barya. Buong one hundred lang ang pera ko.”
Sa totoo lang, kahit hindi mo na ibalik sa ʼkin. Mayaman naman na ako. Hindi sa pera kundi sa iginawad mong ngiti.
✎ ̼eurilledlynne | 09/29/23
^•ﻌ•^ ^•ﻌ•^ฅ