Chapter 3

24 2 0
                                    

Naranasan n'yo na bang maloko ng isang lalaki?


Kasi ako, hindi. Pero 'yung bida ng librong binabasa ko ay oo, niloko. Gustong-gusto kong diktahan 'yung babae na isang red flag 'yung lalaking gusto n'ya. At bawal na bawal ang mga red flag. Bakit kaya madalas magustuhan ang mga bawal?


Hindi ko rin natiis na hindi magbasa dahil wala na 'kong magawa at hindi rin naman ako inaantok. Magdadalwang oras na kaming nabyahe at mukhang malapit na kami dahil puro mga nagtitinda na ng palayok ang nakikita ko sa labas.


Pinagpatuloy ko lang ang pagbabasa ko ng libro hanggang sa tumigil na ang kotse. Inangat ko ang tingin ko para makitang nasa tapat pala kami ng simbahan.


"Pwede na kayong bumaba. Hahanapan ko lang 'to ng pwedeng pagparkingan." Sabi ni Daddy.


Bumaba na kami ng sasakyan ni Mommy. Nag-unat unat ako nang makalabas gawa ng mahabang byahe. Dito pa lang ay pakiramdam kong naaamoy ko ang simoy ng dagat pero hinahaluan 'to ng simoy mula sa mga puno.


"Ang ganda pa rin ng simbahan, oh."


Kaya nga. Lalo na sa pagpasok namin sa loob, malawak dito. At dahil Sabado, maraming tao ngayon na nasimba. Sasaglit lang daw kami dito ngayon sabi ni Mommy at bukas na lang sisimba. Taimtim kaming nagdasal sa rebulto ng Nazareno. Nang matapos ay lumabas kami at nagyaya si Mommy na magpicture.


"Ma, dadaan muna tayo sa palengke. May pinapabili ang Papá."


"Sige, bibili na din ako ng makakain natin. May gusto ka ba, Gab?"


Inisip ko kung may kailangan ba akong bilhin. Wala naman pero magpapabili na rin ako ng makakain namin sa outing.


"Sasama na lang ako sa palengke. Magtitingin ako ng pwedeng dalhin sa outing namin."


"Tuloy ba raw ang outing n'yo sa Monday?" Tanong ni Daddy.


"Yes, kasama naman namin si Tito Jeff." Sagot ko. "Sa ibang resort kami para maiba naman. Hindi ba talaga kayo sasama?"


"Luluwas kami ng Maynila sa Lunes, isasama ka sana namin pero dahil kasama mo naman mga pinsan mo, dito ka na lang."


Nagulat naman ako sa sinabi ni Mommy. Bakit aalis sila?


"May kailangan lang kaming asikasuhin, Gab. Kaya magbabait ka sa mga Lolo mo. Malaki ka na naman, kaya mo nang asikasuhin ang sarili mo." Dagdag ni Daddy.


"Pero bakit kayo aalis? Anong kailangan n'yong gawin doon?"


Alam ko namang hindi nila iniwan ang trabaho nila ngayong bakasyon pero work from home naman sila, ah.


"Basta, may kailangan lang kaming asikasuhin sa Maynila. Papasalubungan ka na lang namin. May gusto ka bang bilhin doon? Libro?"


Summer LoveWhere stories live. Discover now