Prologo

41 1 1
                                    

Provincia de Santa Barbara, 1889

SINASABING ang magmahal at ang mahalin ang siyang magiging isa sa mga hindi malilimutang sandali ng isang tao sa kanyang buhay. Ang makita ang matamis na ngiti ng iyong minamahal na ikaw ang siyang dahilan ay sadyang makapagdudulot ng hindi magkamayaw na kaligayahan – tila makakaramdam ka ng kakaibang init sa iyong puso na dadaloy sa iyong buong katawan at siyang makapagbibigay sa iyo ng lakas na harapin kung ano man ang pagsubok na daratnan ninyong magkasama sa kinabukasan.

Isang simpleng konsepto lamang ang pag-ibig, ngunit, may mga pagkakataon na ginugulat pa rin ng parehong konseptong ito ang tao – kung ano ang kanyang kayang gawin at abutin, ano ang kaya nitong talikuran at ipagpalit.

Ang pag-ibig ay isang simpleng ideya lamang, ngunit sadya ring makapangyarihan at mapanganib – dahil minsan, pilit nitong aabutin ang sukdulan at pilit paniniwalaan ang hindi makatwiran upang ito lamang ay mapasakamay, hindi alintana kung makasakit man o maagaw man ito sa iba.

Tatawirin ng pag-ibig ang malawak na karagatan, ang masukal na kagubatan, lalakbayin ang matarik na bundok, kahit pati na nga ang ibang panahon ay lalakbayin nito. Walang limitasyon ang pag-ibig, ang kaibigan ay maaaring maging kaaway, ang hindi inaasahan ay maaaring mangyari, ngunit sa kabila man nang lahat ng ito, sa huli, ang tunay at wagas na pag-ibig ang siyang mananaig. 

***

SABAY sa saliw ng pinakikinggang himig mula sa pagtugtog ng piyano ng kanyang unica hija, mababakas sa mga mata ng isang ama ang kanyang labis na kaligayahan para sa kanyang anak. Isang may katandaan nang lalaki ang makikitang nakatayo malapit sa piyano, hawak ang isang maliit na kopita na naglalaman ng pulang serbesa at tila masayang nakikinig sa isang piyesa na inihahandog ng kanyang anak para sa mga panauhin sa gabing iyon. Katabi ng Don ang isang matangkad na lalaki na katulad niya, ay masaya ring napapangiti dahil sa pinapatugtog ng babae sa kanyang piyano.

Ilang mga panauhin ang nagpaunlak na at nakilahok sa sayawan sa gitnang bahagi ng salas sa saliw ng isang masayang rondalla – masigla at tila nananabik ang karamihan – ang iba naman ay nakukuntento na lamang muna sa panonood sa iba; sa pagkain ng mga handa at paglasap ng masarap na alak na mula pa sa Europa o sa pag-obserba sa bahay at mga muwebles nito. Habang ang iba naman ay masayang nagkukwentuhan ukol sa mga bagong balita na umiikot sa kanilang lugar – sa muling pagpapakasal ng kanilang isang kamag-anak; ang pagpasok sa seminaryo ng isang dalaga na hindi sinipot ng kanyang katipan, ang muling pagtataas ng buwis na ipinapataw; kung kanila bang napakinggan ang sermon ng kura paroko noong nakaraang linggo; ang umuusbong na usapin ukol sa pag-aaklas ng mga manggagawang indio – at iba pa. 

Ngunit, sa dami ng mga usaping umiikot sa bayang iyon, higit na nakakatawag pansin ang masayang palitan ng kuro-kuro ukol sa nalalapit na pag iisang-dibdib ng dalagang tumutugtog ng piyano at nang makisig na lalaking nakatayo malapit sa ama ng dalaga, kapwa may pagmamalaki at kasiyahan sa kanilang mga mukha.

"Noong una pa lamang, natitiyak ko nang sila ang magkakatuluyan---"

"O hindi ba, tama ako ng akala? --"

"Batid ko nang may natatangi talaga silang pagtingin sa isa't-isa, napansin ko na iyon noong ---"

"Sang-ayon ako. Hindi na iyon maitatanggi pa ---"

"Nabalitaan kong engrande ang kanilang magiging kasal sa katapusan ng buwan na ito--"

Sa pagtipa ng huling nota sa piyano ay tinapos na nang dalaga ang rondalla at nagpalakpakan naman ang mga panauhin sa kanyang talentong ipinamalas. Hindi talaga nais ng dalaga na tumugtog ngunit dahil sa pakiusap ng kanyang pinakamamahal na ama ay pinagbigyan niya ito. Patuloy pa ring nagpapalakpakan ang mga panauhin, tunay na humahanga sila sa dalaga dahil sa galing nito sa pagtugtog ng piyano. Ikinumpas ng Don ang kanyang kamay upang siya ay makapagsalita. Saglit na bumalot ang katahimikan sa paligid at ibinigay ng bawat panauhin ang kanilang buong atensyon sa Don.

My Love from the Past (2024 Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon