KABANATA 9: LA BIENVENIDA ("The Welcoming")

16 1 0
                                    

MGA ilang sandali pa ang inilagi ni Joaquin at nang makuntento na siyang makita na nakaalis na ang sinasakyang kalesa ng mga binibini ay pumasok na agad ang binata sa loob ng mansyon.

Ilang taon man ang lumipas na hindi sila regular na nakakauwi ng probinsya ay napansin ni Joaquin na wala pa ring ipinagbago ang mansyon na ito na halos nagsilbi na rin niyang pangalawang tahanan simula pa noong kanilang kabataan. Naroroon pa rin ang mga muwebles na may elegante at mamahaling disenyo at napapanatili pa rin ang makintab at mataas na kambal na hagdan na prominente sa buong Santa Barbara, na laging laman ng mga usapan at papuri ng mga panauhin tuwing nagpapaunlak ng pagtitipon ang pamilya.

Agad nagtungo si Joaquin sa salas kung saan nadatnan niyang nakaupo at nagpapahinga ang kanyang kaibigan, nakapikit ang mga mata ngunit bahagyang nakakunot ang noo habang marahang minamasahe ang kanyang kanang sentido.

"Fabian" ang bati nito sa kaibigan na noo'y napamulat at napatingin sa kanya, "Hindi ko mawari ang ikinilos mo kanina, may problema ba, amigo?" ang nag-aalalang tanong ni Joaquin rito pagkaupo niya sa katapat na silya.

Nagpatuloy lamang si Fabian sa pagmamasahe ng kanyang sentido, na tila pagod na pagod. "Ang mga binibini, nakauwi na ba sila?" ang malumanay ngunit tila paos nitong banggit at hindi naman sinagot ang tanong ni Joaquin.

"Oo. Pinsan pala ng binibini ang dalagitang iyon na dumating at sumalubong sa atin kanina" ang sagot ni Joaquin.

Napahinga na lang nang malalim si Fabian bilang tugon at muli niyang naramdaman ang hapdi sa kanyang kamay na nakagat ni Louise kanina. Lubos niyang ikinagulat na hanggang ngayon ay medyo nakakaramdam pa rin siya ng hapdi rito. Ganoon na lang siguro ang pagnanais nito na makawala at paghihinala nito sa kanya kung kaya't napasobra ang ginawa nitong 'pagdedepensa' sa kanyang sarili, ang isip ni Fabian.

Naputol ang kanyang pagbubulay-bulay nang marinig niyang muli ang tinig ng kaibigan na tila may itinatanong sa kanya.

"Amigo" ang dinig niyang pagtawag sa kanyang atensyon ni Joaquin. Nakatingin ito sa kanya at puno ng pagtataka ang mukha.

"Sí?" ang tangi na lamang naisagot ni Fabian.

"Ano nga ulit ang problema mo kanina at tila biglang uminit ang iyong ulo? Nasungitan mo pa ang mga walang kamumuwang-muwang na mga binibini" ang bahagyang natatawang pangongonsensya pa nito sa kanya, "Ni hindi ka man lang bumati o nagpaalam".

"Ah, ayun ba? Pagod lamang ako" ang matipid na tugon ni Fabian. "Dadalaw na lang siguro ako sa kanilang tahanan sa ibang araw upang makahingi ng dispensa sa inasal ko.." ang dagdag pa nito, "O magpapaabot na lamang siguro ako kahit simpleng liham".

"Kung gayon naman pala ay hindi ka na dapat nag-aya pa na mangaso tayo pagkarating natin dito sa inyong tahanan" ang sagot ni Joaquin.

Napatahimik lamang si Fabian.

"Ngunit sa kabilang banda amigo... ay, lubos rin akong nagpapasalamat sa iyo" ang nakangiting dagdag ni Joaquin, habang gulat namang napalingon sa kanya si Fabian, puno ng pagtataka ang mukha nito, "Nagpapasalamat ka.. sa akin? Para saan?" ang tanong nito kay Joaquin.

Lumawak naman ang ngiti sa mga labi ni Joaquin at kung tama ang pagkakakita ni Fabian ay tila may kung anong kakaibang kislap sa mga mata nito na tila nabuhayan ng loob. "Dahil.. kung hindi ka nag-ayang mangaso tayo ngayong hapon ay tiyak hindi natin makikita si binibining Luisa at hindi ko rin siya makikilala" ang tugon nito.

Napakunot naman ang noo ni Fabian pagkarinig nito, "Luisa? Ang iyong tinutukoy ba ay ang--"

"Sino pa ba, amigo? Ikaw ba'y nakikinig sa akin ng maigi mula pa kanina?" ang natatawang tanong ni Joaquin. Nang hindi man lang kumibo si Fabian ay nagpatuloy ito, "Ang ngalan niya ay Luisa. Napakagandang pangalan para sa isang napakagandang binibini, hindi ba?"

My Love from the Past (2024 Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon