"GUYS, bilisan na natin magkuha ng pictures para makababa na tayo at makabalik" ang dinig ni Louise na paalala sa kanila ni Elisse. Kung kanina ay puno ng excitement ang boses nito, ngayon ay medyo nahahaluan na ito ng kaba at pagmamadali.
Sa kanyang pagmamasid sa paligid ay napansin rin ni Louise na tanaw rin sa unahan at bandang kanan ng talampas ang malawak na dagat at tila nasasalamin ng malinaw na dagat ang bilog na buwan at ang naparaming bituin sa kalangitan.
Maingat na naglakad si Louise papunta malapit sa dulo ng talampas at nasilip niya ang batuhan at mabuhanging dalampasigan, ngunit bigla siyang nakaramdam ng pagkalula kung kaya't agad siyang napaatras.
Ngunit biglang nabaling ang kanyang atensyon ng makarinig siya ng sunod-sunod na malakas na putok ng baril. At natanaw niya ang papalayong grupo ng mga ibon na tulad rin niya ay nataranta sa malakas at nakakaalarmang tunog.
***
MULING napadilat si Louise sa nadinig niyang mga putok ng baril at agad niyang naramdaman ang mabilis na pagkabog ng kanyang dibdib dahil sa labis na takot.
Pero isang ideya ang biglang pumasok sa kanyang isipan. Nais niyang alamin kung saan ba nagmumula iyon at kung bakit lagi niyang naririnig ang mga putok ng baril at nang makahingi siya ng tulong.
Bigla niyang naalala sila Marcelo, Lara at Miguel. Hindi naman kaya ---?
Agad siyang napatayo sa kanyang kinauupuan kahit na masakit pa man ang katawan niya. Naalala ni Louise ang dala-dalang payong na iniwan sa kanya ni Miguel at kinuha niya iyon at naisipang gawing proteksyon para sa kanyang sarili. Napalingon rin siya sa bulaklak ng ylang-ylang at napagdesisyunan niya ring kunin iyon dahil napansin niyang, katulad niya, ay nagandahan rin sa mga bulaklak na iyon si Lara.
Nagsimula nang maglakad ng dahan-dahan si Louise pabalik sa direksyon ng kagubatan. Katulad ng daanan kanina papunta sa talampas ay tila mayabong rin ang mga punong kahoy sa kagubatan at walang kahit anumang bahid ng pagkalanta at pagkasunog. Ibang-iba iyon sa kung paanong nakita niya ang kagubatan nang magpunta sila sa talampas nila Madonna, Elisse at Nico.
Halos ay nasa kalagitnaan na si Louise ng kagubatan nang maulingan niya ang tunog ng nadudurog na tuyong dahon na tila ba may nakakaapak rito o may dumaraan. Ngunit ang problema ay hindi niya lubos matukoy kung saan nanggagaling ang tunog na iyon. Sa likuran ba, sa kanan, sa kanyang kaliwa?
Pigil hininga ang ginagawa ni Louise sa kanyang labis na kaba at takot na baka pati ang kanyang paghinga ay makapagdulot ng pagkuha ng atensyon ng kung sino man ang kasama rin niya sa gitna ng kagubatan sa mga sandaling iyon. Nang bigla muli niyang narinig ang putok ng baril, ngunit sa pagkakataong iyon, ay halos malapit na ito sa kanyang kinatatayuan. Parang halos nasa likod na lamang niya.
"Hindi na ito maganda" ang natatakot na isip ni Louise habang unti-unti siyang napapaatras sa kanyang kinatatayuan. Maingat ang bawat hakbang samantalang ang puso niya naman ay tila sasabog na anumang oras dahil sa nerbyos.
Patuloy pa rin siyang napapaatras at kumukuha ng tyempo makatakbo pabalik sa talampas nang biglang may kamay na tumakip sa kanyang bibig.
Gulat at nanlalaki ang mga mata ni Louise. Gustuhin niya mang sumigaw sa pagkakataong iyon ay tila nanuyo bigla ang kanyang lalamunan. Napalunok na lamang siya ng laway ng kanyang marinig na may nagsalita malapit sa kanyang kanang tenga.
"No te muevas. Quédate donde estás, senyorita" ("Don't move. Stay where you are, senyorita") ang dinig niyang seryosong sambit nito.
***
Santa Barbara, 2019
"OKAY. One..two..three...smile!" ang masayang sambit ni Madonna pagkatapos niya kunan ng halos panglimang litrato na yata sina Elisse at Nico. Nagkakahiyaan namang nagkatinginan ang dalawa at napangiti.
BINABASA MO ANG
My Love from the Past (2024 Version)
Fiksi SejarahMakikilala pa kaya ng kasalukuyan ang pag-ibig na umusbong sa nakaraan? Matatakasan pa kaya ang gapos ng isang mapanganib at mapaglinlang na pagmamahal na minsan nang nagkait ng buhay, pag-ibig at kalayaan?