KABANATA 4: LA AMENAZA ("The Threat")

25 1 0
                                    

Plaza Central, Provincia de Santa Barbara, Hulyo 1889

MALIWANAG ang tanglaw na pinapakawalan ng bilog na buwan sa buong Plaza Central na mas pinapaliwanag pa ng mga sulo at iilang mga ilaw na binuksan para sa mga nagdaraan pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Payapa at maaliwalas ang gabing iyon.

Limang minuto na lang bago mag-alas siyete ng gabi pero buhay na buhay pa din ang paligid ng buong plaza. May ilang mga kutsero, katamtaman ang bilis na nagpapatakbo ng kalesa, lulan ang kanilang mga among pinaglilingkuran – ang ilan upang ihatid sa kanilang tahanan, ang ilan naman para ihatid sa kanila pang ibang pupuntahan tulad sa mga malapit na kainan o hindi naman kaya sa bahay ng kanilang kaibigan o kakilala.

Taliwas sa kasiyahan at kasiglahan ng mga taong nagdaraan sa plaza ay isang balisang binata naman ang lulan ng isang kalesa na agad na huminto sa kahabaan ng Calle Purificacion. Isang lalaking nakasumbrero ng itim ang walang pag-aatubiling bumaba mula rito kahit pa hindi pa ito tuluyang humihinto. Hindi maipinta ang emosyong nababakas sa kanyang mukha at sa ritmo ng kanyang mabilis na paglakad, mauulingan ang pagnanais niyang makapunta agad sa lugar na nais niyang puntahan, at hindi alintana ang iba pang mga paparating na mga kalesang muntik nang makabangga sa kanya o kung may mga makakasalubong man siyang ibang taong nagdaraan.

Ding. Ding. Ding. Ding.

Napatingala ang lalaki sa kampana ng Basilica de Santa Barbara. Ang matayog nitong kampana ay nag-huhudyat na ng pagsapit ng ikapito ng gabi.

Ding. Ding. Ding.

Sinenyasan niya ang kanyang kutsero na maghintay lamang sa kanya sa isang gilid ng kalye. Luminga-linga siya sa paligid.

Saglit pang naglakad-lakad ang lalaki, sa tuwina ay inilalagay niya ang kanyang kamay sa kanyang baba, animo'y nag-iisip ng malalim at hindi mapakali sa tuwing may magdadaang tao sa kanyang harapan. Balisa siya, pero minememorya niya sa kanyang utak ang kanyang sasabihin sa oras na magkaharap sila ng kanyang hinihintay.

Napatingin ulit siya sa simbahan. Kahit gabi na at nakasarado na ito, nasisinagan pa din ang ganda nito dahil sa iilang ilaw na nakalagay sa mga pinto at gilid nito. Maya-maya pa ay biglang bumukas ang pinto at lumabas doon ang dalawang babae na animo'y nagpapaalam sa isang madre na inihatid sila sa bungad ng simbahan.

Nang matanaw niya ang dalawang babae ay agad siyang nag-ayos ng kanyang sombrero, inayos pati ang kanyang damit, huminga ng malalim at agad nagtungo upang salubungin ang dalawa.

"Magandang gabi, mga binibini" bati ng lalaki sa dalawa habang tinatanggal niya ang kanyang sombrero at iniligay iyon sa kanyang dibdib. Napayuko naman bilang paggalang ang babaeng nasa likuran samantalang napaiwas naman ng tingin ang babaeng nauuna sa kanya ng ilang hakbang. "Magandang gabi din sa iyo ginoo, ano ang ginagawa mo dito?" ang diretsong tanong ng babae.

"Maari ba tayong makapag-usap?" tanong ng binata. Agad naman itong naintidihan ng dalaga at nang mapalingon sa kanyang kasama ay agad itong naglakad ng di-kalayuan sa kanila. Napili naman ng dalawa na maupo saglit sa isang mahabang sementong upuan na may malaking ilaw sa gilid.

Alumpihit na naupo ang dalaga, bakas sa mukha niyang naiinip na siya sa kung anuman ang kanilang pag-uusapan.

Naunang magsalita ang lalaki. "Te estoy esperando, mi amor" (I've been waiting for you, my love) ang bati nito.

Ngunit nang hindi tumugon ang dalaga ay napatikhim ito at nagpatuloy. "Nabalitaan kong hindi mo na nais matuloy ang ating kasal" ang diretsong sambit niya, kahit pa animo'y labag sa kanyang kalooban ang bigkasin ang mga salitang kalalabas lamang sa kanyang bibig. Hindi naman makatingin sa kanya ang dalaga at nanatili lang itong nakatingin ng diretso sa malayo, walang emosyon ang kanyang mukha at mga mata.

My Love from the Past (2024 Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon