KABANATA 1: UN VIEJO AMOR ("An Old Love")

31 1 0
                                    

Andrada Arts & Crafts Mercantile Ltd., Manila, 2019

SAGLIT na napahinto sa kanyang hinuhuning tono, napaatras at napatingin si Louise sa kanyang ginagawang painting at may ngiting kumawala sa kanyang mga labi ng mapagtantong kaunti na lamang at mabubuo na niya ang kanyang pinakabagong obra. Atras-abante sa kanyang canvas, sinusuring maigi ni Louise Saavedra ang painting – sinisipat ng maigi kung may ilang bahagi pa na may hindi pantay na distribusyon ng kulay kahit pa halos tatatlong kulay lamang ang ginamit niya rito – asul, itim, at puti. Bilang artist, nais masigurado ni Louise na hindi lamang maganda ang kanyang matatapos na painting kundi magugustuhan rin ito ng mga taong makakakita rito, mapupukaw nito ang kanilang emosyon at ang nais iparating ng gumawa nito.

Ilang saglit na tinitigan ni Louise ang painting na kanyang ginagawa. Sa kabila ng sense of accomplishment na kanyang nadarama, may kung anong kakaibang kalungkutan rin siyang nararamdaman sa tuwing mapapatingin siya ng matagal sa painting na iyon. Nitong mga nakaraang araw ay nagulat siya ng sa tuwing uumpisahan niya ulit na ituloy ang kanyang painting ay parang pabigat ng pabigat ang kanyang ginagamit na paintbrush na kadalasan ay hindi naman nangyayari noon. Hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang kakaibang lungkot na iyon.

"Ano nga ba ang gusto kong iparating sa painting na ito? Nakakainis hindi ko pa rin maisip!" malakas na bulalas ni Louise sa kanyang sarili matapos bahagyang matigilan sa kalagitnaan ng kanyang paglalagay ng additional na black acrylic sa canvas. Saglit siyang napaisip at dahang dahang ibinaba ang paintbrush at palette na puno ng ilang pinturang kanyang ginagamit. Sa ilang araw niyang pagbuo ng painting, hanggang ngayon ay napapaisip pa rin si Louise sa kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit niya naisipang simulan ang series ng paintings na ito kung saan halos ito ay may pare-parehong elemento lamang ang meron – isang puno sa gabing bilog ang buwan. Sa katunayan, hindi iyon ang unang beses na lumikha siya ng painting na may ganoong tema, dahil buhat lamang noong isang taon ay nagsimula na niyang gawin iyon at sa katunayan ay iyon rin ang unang painting na naifeature ng Andrada Mercantile sa kanilang taunang event – ang Andrada Rookie Artists' Exhibition.

Isa sa pinakasikat na arts company sa bansa ang Andrada Arts & Crafts Mercantile Ltd. na kung saan bukod sa pagbebenta ng mga paintings at iba pang uri ng art sa mga collector at iba pang art enthusiasts, pagsasagawa ng kabi-kabilang mga arts workshop, kilala rin ang kompanya sa pagpapakilala ng mga up-and-coming artists sa bansa lalo na sa larangan ng painting. Sa ilang taon nito, marami na ring mga artists ang natulungan ng kompanya upang sila ay makilala pa sa industriya – sa katunayan ay taunan ring kinikilala ang Andrada Mercantile dahil sa napakalaki at napakahalagang ambag nito sa sining at sa pagbibigay ng oportunidad sa mga artists na nais maipakita ang kanilang talento at makilala sa buong mundo.

Kung kaya't ganoon na lamang ang pagkabigla ni Louise noong isang taon nang ibalita sa kanya ni Jonathan Andrada, ang kanyang matalik na kaibigan at may-ari ng Andrada Mercantile na nais nitong ifeature ang kanyang painting para sa annual exhibition ng kompanya.

Flashback

"Ano? Gusto mong ifeature ang painting ko? Sigurado ka ba dyan, Jonathan?!" ang excited na bulalas ni Louise sa kanyang kaibigan habang nainom sila ng iced coffee sa isang maliit na coffee shop malapit sa Intramuros. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso, hindi dahil sa iniinom niyang kape kundi dahil napalitan na ito ng sobrang excitement – malaking event ang rookie artists exhibition na iyon dahil lagi iyong dinadaluhan ng mga art critic, national artists at iba maging foreign arts ambassadors at napapabalita pa nga sa TV, radyo at dyaryo. Bukod dito ay magandang opportunity rin iyon para sa opisyal na pag-launch ng kanyang career sa painting.

"Oo naman. Diba nga matagal ko nang itinatanong yan sa'yo pero ikaw naman itong laging tumatanggi noon. You have a talent Louise and I saw that from the start" ang nakangiting sagot ni Jonathan sabay inom ng kanyang iced cappuccino.

My Love from the Past (2024 Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon