HINDI niya lubos mawari ngunit nakita na lamang niya ang kanyang sarili na nakatayo sa tuktok ng isang malapad at magarbong hagdan patungo sa isang malaking bulwagan kung saan narororoon ang mga panauhin na tila nag-aabang sa kanyang pagdating.
Gawa sa kahoy na mahogany ang hagdan at tila mas kumikintab ito dahil sa pagtama ng ilaw ng ilang kandelabra na nasa silid.
Sa dami ng tao ay agad niyang napagtantong mayroong okasyon o pagdiriwang sa gabing iyon. Hindi man gaano kalinaw sa kanyang pandinig ngunit alam niyang sa ilang segundo ay mauulingan niya na sa hindi kalayuan ang masayang tunog ng musiko at kasabay nito ay ang pag uusap-usap ng mga taong tila nakaabang sa paanan ng hagdan at nakangiti pa sa kanya. Hindi man lubos na maunawaan ang mga nangyayari ay alam niyang gumaganti na lamang rin siya ng pag-ngiti at pagtango sa mga ito, habang iniingatang mabuti ang kanyang bawat hakbang.
Ngunit hindi ito ang mga tipikal na pagtitipong kanyang napupuntahan dahil napansin niyang nakasuot ang mga taong naririto ng tradisyunal na damit, iyong mga kasuotan noon pang panahon ng mga Espanyol. Kagalang-galang ang mga itsura ng mga ito ngunit ni isa sa kanila ay wala siyang namumukhaan ni nakikilala man lang.
Saglit siyang napalingon sa paligid habang patuloy pa rin siyang bumababa ng hagdan na sa kanyang wari ay tila walang katapusan. Hindi siya makapaniwalang dahil lamang sa mga kandelabra ay tila napakaliwanag ng paligid at base sa mga muwebles na narororoon ay mukhang mayaman ang pamilyang nagmamay-ari ng bahay na iyon o kung saang lugar man siya naroroon ngayon.
"Ano kayang meron at parang inaabangan yata nila ang pagdating ko?" Ang tanong niya sa kanyang sarili nang mapagtantong malapit na siya sa ibaba ng hagdanan. Saglit siyang napalingon sa kanyang likuran dahil baka naman may kasunod siya sa pagbaba sa hagdan at ang taong iyon pala ang hinihintay ng mga taong ito, ngunit pagkalingon niya ay wala namang ibang naroroon kundi siya. Napansin niya rin na tila may sinasambit ang mga ito habang siya ay papalapit ngunit sa labis niyang pagtataka ay hindi niya malinaw na naririnig ang kanilang mga boses. Pero sa ekspresyon ng kanilang mga mukha at tila sa pangingintab ng kanilang mga mata at ngiti, masaya at tila parang binabati siya ng mga ito.
Pero biglang nagbago ang paligid. Ang masayang atmospera ay napalitan ng kaguluhan at tila sa isang iglap ay napuno ng apoy at usok ang buong paligid na tumutupok sa buong kabahayan. Nagkakagulo ang lahat, hindi mawari kung saan pupunta para makaligtas.
Habang siya...
Ay tila naestatwa sa kanyang kinatatayuan at sa isang iglap ay tila biglang bumalik ang tunog at tila halos para siyang mabibingi ng kanya nang narinig ang mga hiyawan at boses ng paghingi ng tulong; ang mga daing at iyak; ang mga pagmamakaawa ng mga taong nasa paligid niya. Saglit siyang nagsisi nang kanya nang marinig ang mga boses.
Ano bang nangyayari dito?
"¡Ayúdame!" ang naulingan niyang boses. Gulat siyang napalingon sa kanyang paligid, hinahanap kung sino at saan nagmumula ang tinig na iyon. Anong sabi niya?
"Ayudame!" ang ulit nito na tila sinagot ang kanyang tanong.
Teka..
Ang boses na iyon.
"Por favor, ¡Ayúdame!" sa pagkakataong iyon ay mas malakas at malinaw ang boses. Malinaw ang pagmamakaawa.
"Hindi ako maaaring magkamali. Ang boses na iyon..
ang basag na boses na iyon... ay akin"
***
HABANG nakahandusay si Louise sa mabuhanging dalampasigan ay napapalibutan siya ng tatlong indibidwal – isang binata at dalawang bata – isang babae at lalaki. Ang panganay, si Marcelo na labing-pitong taong gulang at kanyang mga nakababatang kapatid, ang kambal na sina Lara at Miguel, na kapwa pitong taong gulang na.
BINABASA MO ANG
My Love from the Past (2024 Version)
Fiksi SejarahMakikilala pa kaya ng kasalukuyan ang pag-ibig na umusbong sa nakaraan? Matatakasan pa kaya ang gapos ng isang mapanganib at mapaglinlang na pagmamahal na minsan nang nagkait ng buhay, pag-ibig at kalayaan?