Kabanata 9
...Lumabas ako ng campus. Hindi muna ako magpupunta sa likurang field dahil nitong nakaraan, doon ko palaging nakikita si Ruch. Naglakad ako papuntang parke o plaza. Mayroon kase nun sa harapan ng simbahan. Marami ring benches doon at mga puno. Ngayon lang ako tatambay dito. Marami kaseng tao kaya iniiwasan ko rito noon. Mabuti nalang at kaunti lang ang tao ngayon.
Naupo ako sa bench na nasisilungan ng punong acasia. Malayo iyon sa iilang mga tao na nakaupo sa mga benches na malapit sa kalsada. Napatingala ako sa langit. Ang ganda ng panahon: maaliwalas.
Inilabas ko na ang aking lunchbox. Tinanggal ko ang facemask at inipit ang aking buhok sa gilid ng tenga. Nakalimutan ko palang magdala ng claw clip. Habang kumakain ako ay pinapanood ko ang mga batang naghahabulan. I'm happy for them. They are carefree and joyful in this place.
Habang naghahabulan sila ay napalapit sila sa kinauupuan ko. Nakita ako ng ilang bata at tinuro,
"Aswang!"
Bumagsak ang mga balikat ko. Pati ba naman ang mga bata. Nagsitakbuhan sila na parang hinahabol ko sila.
Napatayo naman ako nang may batang babae na natisod at bumagsak sa lupa. Umiyak siya agad habang hawak-hawak ang tuhod niyang nasugatan. Ang ibang mga bata naman na kahabulan niya ay nagtatatakbo pa rin at napalayo na sa kanya, iniwan siya.
Agad akong lumapit sa bata at tinulungan siyang makatayo. "Ayos ka lang, beh?" Marahan kong tanong habang pinapagpagan ko ang binti niyang may dumi.
Humihikbi siyang nakatingin sa akin, "H-Huwag niyo po 'kong sasaktan," nangilid ang mga luha niya habang takot na nakatingin sa akin.
Kumirot ang puso ko. Ang inosente niyang tingnan, at ang sakit isiping natatakot siya sa akin dahil akala niya aswang ako.
"H-Hindi kita sasaktan. Hindi naman nananakit si ate," marahan kong sabi.
"S-Sabi nila, a-aswang ka raw. Totoo po ba 'yon?" Yumuyugyog pa ang balikat niya dahil sa pag-iyak.
Ngumiti ako at umiling sa kanya, "Hindi iyon totoo. Mabait si ate at gaya mo, ordinaryo lang akong tao."
Pinahid naman ng mumunti niyang kamay ang mga luha niya. Tumango-tango siyang nakatingin sa akin, "H-Hindi na ako maniniwala sa kanila. S-Sabi nila pangit raw ang aswang pero m-maganda ka nga po, eh."
Natawa ako sa sinabi niya, "Sino'ng kasama mo rito sa plaza?" Eksaktong pagkatanong ko nun sa kanya ay may sumigaw naman.
"Aliyah!" Mukhang ang ina ng bata. Agad niyang kinarga si Aliyah at inilayo ito mula sa akin. Tinignan niya ako nang may pagkamuhi. "Huwag kang lalapit sa kanya! Aswang 'yan!" Saway niya sa bata. Palihim akong napabuntong-hininga. Napayuko ako dahil sa tingin niya.
"Hindi, Ma. Mabait siya." Katuwiran ng bata. "Saka, maganda siya! Paglaki ko, gusto ko-"
"Aliyah!" Mariing saway ng ina ng bata. Napatingin siya sa'kin.
"S-Sorry po. Nadapa po kase ang bata, tinulungan ko lang." Nag-angat ako ng tingin para sinserong tingnan ang ina ng bata. Mukha naman siyang nagulat at napatitig sa akin.
Napatikhim siya at ibinaling ang tingin sa anak, "S-Salamat," nagmadali siyang umalis habang karga-karga si Aliyah.
Napangiti na lang ako sa sarili. At least nagpasalamat siya.
Bumalik na ako sa campus at pumasok agad sa room ng first subject namin sa afternoon. Pagkatapos ng klase ay nagtungo akong cafeteria para maghulog ng piso sa water vending machine. Inuuhaw kase ako at wala ng tubig sa aking tumbler.
BINABASA MO ANG
Gayuma (La Hermosa Series #1 )
RomanceLA HERMOSA SERIES #1 Gayuma? Akala nila ginayuma niya ako. Akala nila mangkukulam siya. Pero hindi... Sobrang ganda niya. Sobrang bait niya. At para nga'ng gayuma; ang katauhan niya'y nakahahalina. Nang makita nilang lahat ang tinatago niyang muk...