Chapter 24

14 3 1
                                    

CHAPTER 24

NAPAGKASUDUAN nilang sunduin si Milagros sa Zabali. Kasama ni Henry si Brielle. Ito na ang nagpapaliwanag kay Milagros ukol kay Shivani. Kaya habang nasa byahe pabalik ng San Andres ay hindi makapali ang ginang. Abot-abot ang inis at kaba nito para sa pamangkin.

“Ang batang iyon talaga, kay hilig magtago ng mga sekreto!” inis nitong turan. Hindi umimik ang dalawa.

“Nay, paano naman iyon magsasabi sa inyo ng sakit eh palagi nga kayong galit sa kaniya,” ungos ng batang si Mikaela. Humalukipkip ito at sumimangot.

“At sinong hindi magagalit eh panay ang lakad, ni hindi na nga makuhang umuwi sa Zabali. Nako! Mukhang kulang pa yata iyon sa pangaral. Kung alam ko lang talaga kung anong kabulastugan ang ginagawa niyon sa San Andres ay hindi na ako pumayag pa.”

Nagsipat ng tingin si Henry mula sa rereview mirror ng sasakyan. “Ako na ho ang humihingi ng pasensya, Tiya. Matapos ko kasing magbitiw sa pwesto ay agad rin hong naghanap ng trabaho si Shivani. Nag-offer nga ho ako ng trabaho sa kaniya subalit tinanggihan niya,” muni ni Henry. Ibinalik nito ang pansin sa pagmamaneho.

“Ni hindi man lang ipinaalam sa akin,” reklamo pa ng ginang.

“Kasi nga, mahilig magtago ng secret. Kakasabi mo lang eh,” puna pa ni Mikaela.

Hindi na naitago ni Brielle ang ngisi sa kaniyang labi. Mabuti na lamang at nasa passenger seat siya at hindi napansin ang pagtawa niyang iyon. Mukhang tumatabil na ang dila ni Mikaela. Bata pa nga ito ay mahilig nang mambara at mamilosopo. Kung kapatid niya ito ay tiyak na palagi niyang makukurot.

“Iha, ‘di ba sa iyo nagtatrabaho si Shivani bilang waiter?” baling ni Milagros kay Brielle. “Kung gayo’y alam mo kung saan siya nakatira nitong huling buwan?” patuloy nito.

“Sa Tap Tea po siya natutulog. Nag-o-offer din naman po akong sa apartment siya tumira kasama ko subalit tumanggi rin po,” sagot niya.

Napatampal sa noo si Milagos. Malalim ang gatla nito sa noo at panay ang buntong-hinga. “Sadyang pinahihirapan niya ang sarili! Kinakawawa niya ang sarili. Nako, makakatikim talaga sa akin ang batang iyon!”

“Sus! Puro ka lang naman salita, Nay. Ni hindi mo nga mapagbuhatan ng kamay kasi alam mong magkakapantal iyong balat ni ate. Puro ka lang bunganga, kaya siguro ayaw umuwi ni Ate Shivani sa bahay,” mwestra pa ni Mikaela.

“Isang bara pa, Mikaela! Ikaw ang makakatikim sa’kin!” banta ni Milagros sa anak. Inirapan lamang siya ng bata.

Pagdating sa entrance ng ospital ay naunang pumasok ang tatlo. Haharangan pa sana ng guwardya ang bata ngunit nang mapansin si Henry ay ngumiti ito at sumaludo. Tuluyan na silang nakapasok.

“Nako, anlakas ko talaga kay kuya Henry, sana ikaw nalang naging boyfriend ng ate ko,” untag ni Mikaela.

Napaubo ng wala sa oras si Brielle. Si Milagros naman ay hinila ang bata at inilayo kay Henry.

“Pasensya na iho, masyadong matabil ang dila nitong si Mikaela. Pagsasabihan ko,” ani Milagros. Hinagit nito sa kaniyang tabi ang bata at mahinang kinurot ang tagiliran nito. “Magtigil ka nga, kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig mo. Kapag hindi ka tatahimik, hindi kita papapasukin sa kwarto ng ate mo.”

Mikaela mustered a zip in her mouth at kumapit sa braso ni Brielle. “Ikaw ate, may boyfriend kana?” pilyong tanong nito sa dalaga.

“Wala, hindi pa kasi dumadating ‘yong para sa akin…” sagot ni Brielle. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon. Maingat siya sa sinasabi lalo at nasa unahan niya lang si Henry. Hindi na muling umimik si Mikaela hanggang sa marating nila ang silid ni Shivani. Tanging ang nurse lamang ang kasama nito nang umalis sila.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 14 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

San Lazarus Series #2: Maybe, One DayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon