(Samantha)
Dalawang araw ng hindi siya makatulog. Paulit-ulit na lumilitaw sa isip niya ang nangyaring halikan sa pagitan nila ni Zandro. Mukhang pinanindigan nito ang sinabi na hindi siya titigilan. Paano niya sasabihin ito kay Jc?
Natigilan siya ng makarinig ng katok. Nag- atubili pa siya kung bubuksan ba niya ang pinto o hindi dahil baka mamaya ay si Zandro pala ang nasa labas. Sa huli ay nagdesisyon siya na buksan ang pinto. Nakahinga siya ng maluwag dahil hindi si Zandro ang napagbuksan niya kundi isang malaking kahon.
'Teka, para kanino ang kahon na ito' Ani ng utak niya.
Nagtaka siya ng mabasa na para ito sa kanya. Wala naman siyang natandaan na mayro'n siyang inorder online. Sa huli ay nagpasya siyang ipasok ito para buksan. Gano'n na lang ang tili niya ng tumambad sa kanya ang isang wedding dress na maraming bahid ng dugo.
'Don't get married, Samantha, or I will kill you'
Gumapang ang kilabot sa buong sistema niya ng mabasa ang nakasulat sa wedding dress gamit ang dugo. Tumakbo siya sa banyo at dito sumuka. Halos ilabas niya ang lahat ng laman ng sikmura niya dahil sa malansang amoy na nanggagaling sa wedding dress.
Kahit nanginginig ang katawan niya sa takot ay pilit na lumabas siya ng banyo para hanapin ang cellphone. Nang makita ito ay agad n'yang tinawagan si Wina.
Hindi nagtagal ay dumating ito. Umiiyak na yumakap siya rito. "W-Wina, natatakot ako." Aniya habang patuloy sa pag iyak.
"Shh, tahan na, Girl." Hinawakan ni Wina ang mukha niya. "Kailangan natin itong ireport sa pulis—"
Agad na umiling siya. "P-Pero baka mapahamak ako o kaya si Jc. A-Alam ng nagpadala ng mga ito na ikakasal na ako, ibig sabihin ay baka nasa paligid ko lang siya."
Tumango-tango ito. Maging ito ay tila nag aalala ng sobra. "Girl, alam ko na natatakot ka pero kailangan talaga natin itong ireport sa pulis. Natatakot at nag aalala ako para sa'yo. Paano kung hindi lang pagbabanta sa susunod ang gawin ng mga nagpadala nito?"
Naihilamos niya ang kamay sa mukha. "H-Hindi ko alam, Wina..." Tanging sagot niya.
Si Wina ang naglinis ng lahat habang nasa kwarto siya at umiiyak. Ngayon na lang ulit siya natakot ng ganito sa nakalipas na anim na taon.
"Ano ang plano mo, Girl? Paano kung maulit ito?" Nag aalalang tanong ng kaibigan niya. "Naku, Girl, ha! Hindi na ako papayag na hindi natin ito ireport sa pulis." Bumuntong-hininga ito. "Kung pwede lang na dito ako matulog ngayon ay gagawin ko. Pero alam mo naman na nasa hospital ang daddy ko at ako ang nakatokang magbantay ngayon."
Nakakakaintinding tumingin siya rito. "Ayos na ako ngayon, Wina... sige na puntahan mo na ang daddy mo." Aniya rito, kahit ang totoo ay gusto niyang kumapit sa braso nito at magmakaawang huwag siyang iiwan.
Natatakot siyang mag isa.
"Basta tawagan o itext mo lang ako kapag may kahina-hinalang bagay o tao kang nakita, ha." Yumakap si Wina sa kanya bago siya iniwan.
Malinis na ang sala niya. Pero pakiramdam niya ay naiwan sa kanyang ilong ang mabahong amoy na nanggagaling sa wedding dress kanina.
Walang ibang nakakaalam na ikakasal na siya maliban kay Wina. Ito lang ang pinagsabihan niya na ikakasal na siya, kahit ang mama niya ay hindi pa niya nasabihan tungkol sa pagpapakasal nila ni Jc—
Natigilan siya ng may maalala. Bakit ba nakalimutan niya na alam din ni Zandro na magpapakasal na sila ni Jc. Kumuyom ang kamao niya. Ito lang ang naiisip niyang gagawa ng ganito sa kanya.
KINABUKASAN ay sadya niyang inabangan si Zandro. Alam niya na susulpot na naman ito ay hindi nga siya nagkamali dahil huminto ang sasakyan nito sa harapan niya. Nang alukin siya nito na sumakay ay sumakay agad siya. Hindi man lang ito nagulat sa ginawa niya, mukhang inaasahan nito ang gagawin niya. Mas lalo tuloy lumakas ang hinala niya na ito ang nagpadala sa kanya ng death threats sa kanya.
Pagkasakay niya sa loob ng kotse nito ay agad niya itong sinampal. "Kung sa tingin mo na magpapadala ako sa pananakot mo ay nagkakamali ka, Zandro! Magpapakasal ako kay Jc sa ayaw at gusto mo. Sa tingin mo ba ay mapipigilan mo ako? Sino ka ba sa akala mo, ha? Bakit ba hindi ka na lang mawala sa buhay ko at tigilan mo na ako!" Galit na wika niya.
Mas lalo lang siyang nakaramdam ng galit dito ng hawakan nito ang isa niyang kamay at ilapat sa kabila nitong pisngi.
"Sampalin mo pa ako dito, Sam, para pantay." Nakatawa pa ang loko!
"N-Nababaliw ka na ba talaga? Ano ba ang kailangan kong gawin para tigilan mo ako? Zandro naman! Ikakasal na kami ni Jc—"
"Stay away from him." Seryoso ang tinig na putol nito sa kanya, wala na ang ngiti sa labi nito, wala na ring pagbibiro. "Pati ang kaibigan mong si Darwin ay layuan mo na—"
Muli niyang pinadapo ang kamay sa pisngi nito. "Huwag mo akong utusan kung sino ang dapat kong layuan." Matigas ang tinig na wika niya. "Kung may dapat man akong layuan ay ikaw 'yon, Zandro!"
Pinilig nito ang ulo. Mayamaya pa ay tumingin ito sa kanya ng walang kahit anong emosyon ang mata. "Sundin mo ang utos ko, Sam. Kung ayaw mong mapahamak ka."
"T-Tama nga ako na ikaw ang nagbabanta sa akin." Gusto niya itong sampalin ng paulit-ulit hanggang sa mamanhid ang kamay niya. Pero pinili na lamang niya na buksan ang pinto ng kotse nito para lumabas. Pero pinigilan siya nito sa braso.
Natigilan siya. Paano ay malambot ang ekspresyon ng mukha nito ngayon habang nakatingin sa kanya.
"Sam, please... makinig ka na lang sa akin. Trust me."
Hinila niya ang braso mula rito. "Trust you? Huwag mo nga akong patawanin, Zandro. Ang pagkatiwalaan ka ang huli kong gagawin, tandaan mo 'yan."
Bumuga ito ng hangin. "Ihahatid na lang kita. Wag ka ng bumaba."
Hindi niya ito pinakinggan at bumaba. Pero ng marinig niya ang sunod na sinabi nito ay natigilan siya.
"Simula ngayon ay ihahatid-sundo na kita kung ayaw mong sabihin ko kay Jc na nag- enjoy ka sa halikan nating dalawa."
Namula ang pisngi niya at galit itong binalingan. "Gagò ka talaga, no! Hindi ako nakipaghalikan sa'yo, Zandro! It was you who kissed me!"
Nilagay ni Zandro ang dalawang kamay sa likod ng ulo at sumipol. "Damn... ang sarap pakinggan ng mura mo, Sam." Dumila ito sa sariling labi at saka siya nilingon. "Nakaka-turn on."Mahaba talaga ang pasensya niya— pero kapag si Zandro ang kaharap niya ay agad itong nauubos. Tinaas niya ang kamay para sampalin ulit sana ito ng hawakan nito ang kamay niya.
"So, you really want me to tell your beloved boyfriend that we kissed, huh?" Tumaas ang sulok ng labi nito ng makita na namutla siya. Hindi niya inasahan na hihilahin siya nito sa kamay at dinilaan ang gilid ng labi niya. Nagawa pa nitong tumawa ng pahirin niya ang gilid ng labi gamit ang likod ng palad niya.
Nagpupuyos sa galit ang dibdib niya at tumingin na lang sa labas ng bintana. Hindi na siya tumutol pa ng paandarin nito ang kotse para ihatid siya.
Paano kung sabihin nga nito kay Jc ang tungkol sa paghalik nito sa kanya. Oo at si Zandro ang humalik sa kanya, pero paano kung hindi maniwala si Jc sa sasabihin niya?
Nang bababa na siya sa kotse ay muling nagsalita si Zandro.
"Break up with Jc, Sam... and stay away from Darwin. Katulad ng sinabi ko sa'yo... hindi ka mapapahamak kung susunod ka sa mga sinabi ko."
Malakas na isinara niya ang pinto ng kotse nito kaysa ang sumagot rito.
'Hindi ka mapapahamak kung susunod ka'
Talagang kaya ni Zandro na bantaan siya kahit harap-harapan. Nakakatakot ang lalaking ito. Walang kinatatakutan. Pagkarating sa kanyang apartment ay agad niyang ini-lock ang pinto. Nagmamadali siyang nagtungo sa kwarto niya at sumilip sa ibaba.
Ang gagòng si Zandro ay nasa ibaba pa rin. Nakasandal na ito ngayon sa kotse habang kumakaway pa sa kanya. Kaya naman sa inis niya ay isinara niya ang bintana.
.
.
.
"BITIWAN MO AKO! TULONG!!!"
Napabalikwas siya ng bangon at uhaw na uhaw na lumabas ng kanyang silid para kumuha ng tubig. Nanlalamig ang katawan niya, maging ang pawis niya ay malamig din.
"Kalma, Sam... walang ibang tao rito maliban sa'yo." Aniya sa sarili. Ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili sa tuwing napapanaginipan niya ang alaalang ito anim na taon na ang nakakaraan.
Ngayon na lamang ulit niya napanaginipan ito. Simula ng makilala niya si Zandro. Dahil siguro sa kabastusan nito kaya bumalik sa isuo niya ang alaalang pilit niyang binaon sa limot.
Kumunot ang noo niya ng makarinig ng katok. Napalunok siya ng mapatingin sa orasan niya.
Alas tres na ng madaling araw. Sino ang kakatok ng ganitong oras? Bigla ang pagsalakay ng kaba sa dibdib niya ng maalala ang death threats na natanggap niya. Malakas ang kutob niya na baka si Zandro ang nasa labas ng kwarto niya.
Pinili niyang huwag na lamang buksan ang pinto. Hanggang ang mahinang katok ay biglang lumakas, tila balak sirain ng kumakatok ang pintuan niya. Mabuti na lang talaga at maraming lock ang pintuan niya kaya hindi siya mababahala.
Sa oras na hindi ito tumigil sa pagkatok sa loob ng bente minuto ay tatawag na siya ng pulis. Inabot ng limang minuto bago tumigil ang kumakatok. Pero bago tuluyang umalis ay narinig pa niya ang kalabog na para bang sinipa pa nito ang pintuan niya bago tuluyang umalis.
Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang cellphone. Gusto niyang tawagan o itext si Wina pero naalala niya na siguradong pagod ito dahil sa marami nitong raket para kumita ng pera. Sa huli ay nagpasya na lang siya na huwag na dahil baka makaabala siya rito. Hindi na siya nakatulog pa. Hinintay niya na mag- alas sais bago niya binuksan ang pintuan.
Tama nga siya. Isa na naman itong kahon. Nagtakip siya ng ilong dahil umaalingasaw ang amoy nito. Mayro'n ding nagliliparang langaw sa paligid nito.
Nang buksan niya ito ay tumambad sa kanya ang pictures nilang dalawa ni Jc na may tama ng bala sa ulo nila pareho.
'Marry him and you'll die' Ito ang nakasulat sa litrato nila.
Hindi na niya kaya pa. Kailangan na managot na si Zandro sa ginagawa sa kanya. Sumusobra na ito.
Dahil wala siyang pasok ngayon ay nagpasya siyang dumulog sa pinakamalapit na Police Station sa lugar nila. Sinabi niya ang concerns niya at lahat ng mga ginawa ni Zandro na pananakot sa kanya.
"Ano ho ba ang full name nitong Zandro, ma'am?" Tanong ng pulis sa kanya.
"Hindi ko alam, chief." Problemado niyang saad. "Pero palagi siyang sumusulpot sa harapan ko at palagi niya rin akong tinatakot. Hindi pa ba sapat ang mga dahilan ko para hulihin siya?"
"Ma'am, hindi ho kami basta pwedeng dumampot ng isang tao base lamang sa iyong salaysay. Kailangan pa namin siyang imbestigahan at alamin kung siya nga ang nagpadala ng mga death threats sa 'yo." Inabutan siya ng forms ng pulis. "Ilagay niyo ang contact number at information mo dito, ma'am. Magbibigay kami ng number sa 'yo. Sa oras na makita mo ang lalaking sinasabi mo ay tawagan mo agad kami at darating kami. Sa ngayon ay pasasamahan ka namin sa ilang kapulisan na narito para tingnan ang ebidensya na nasa bahay mo."
Tumango siya sa pulis. Sakay ng mobile car ay nagpunta sila sa apartment niya. Halatang nagulat ang mga pulis ng makita ang pictures nila ni Jc na may bahid ng dugo. Nakita niyang sumenyas ang isang pulis sa kasamahan nito.
Nagtatakang sinundan niya ng tingin ang pulis ng lumabas ito ng apartment niya at may tinawagan.
Hindi niya alam kung ano ang nakakagulat sa pictures nila ni Jc— dahil ba sa mga dugo? Pero imposible naman. Sanay na ang mga ito sa dugo, ang ganitong bagay ay balewala na sa mga ito.
'Kilala ba ng mga ito si Jc?' Ani ng isang bahagi ng utak niya.
Pinilig niya ang at saka umiling - iling. Imposible naman ang naiisip niya.
"Sir, confirm!" Sabi na lamang ng pulis na lumabas kanina lang. "Ang anak na ni Director General ang bahala sa kasong ito!!!"