[Samantha]
Hindi siya mapakali habang hinihintay ang mga pulis na darating para sunduin siya. Sobra na siyang nag aalala kay Jc. Hindi niya alam kung nasaan ito, at kung ano ang maaaring gawin rito ni Zandro. Tama nga siya sa hinala niya tungkol kay Zandro-- na ito ang dahilan kung bakit biglang hindi nagparamdam sa kanya ang nobyo.
Nang marinig ang pagkatok sa kanyang apartment ay agad siyang tumayo at binuksan ito. Nakahinga siya ng maluwag ng makita ang limang kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng pulis. Hindi pamilyar sa kanya ang mga mukha nito, pero sa tingin naman niya ay ito na ang hinihintay niya.
"Tara na, ma'am, dadalhin namin kayo sa headquarter--"
Habang nagsasalita ang lalaki ay hindi sinasadyang napatingin siya sa suot nito. Napansin niya na masikip rito ang uniporme nito. Ilang beses siyang napalunok ng makita ang kulay pula sa bandang ibaba ng suot nito. Nang tingnan niya ang mga kasamahan nito ay gano'n din ang napansin niya--- tila maliliit sa mga ito ang suot. Bukod sa lukot ang mga uniporme ay mayro'n itong maliliit na bahid ng dugo.
Bahagya siyang umatras ng humakbang palapit sa kanya ang isa. "S-Sandali lang. M-May kukunin lang ako sa kwarto ko." Pilit niyang pinatatag ang tinig pero bigo siya. Nanginginig siya sa takot dahil may hinala siya na hindi mabuting tao ang mga kaharap niya ngayon.
Sumenyas ang isa sa pinakamatangkad sa mga ito sa kasama. Mabilis sana siyang babalik papasok sa loob ng apartment subalit mabilis na nahatak siya ng isang lalaki sa braso. Kasabay ng paghatak sa kanya ay ang pagputok ng baril. Mula sa dulo ng pasilyo ay nakita niya ang ilang lalaking nakasuot rin ng uniporme ng pulis habang pinapaputukan sila. Nagawa pa siyang iharang ng lalaki para takpan ang sarili nito kaya napatili na lamang siya sa takot.
Tumigil ang putukan-- subalit ang luha niya dahil sa takot ay hindi tumitigil. Buong akala niya at tatamaan na siya ng bala at mamamatay.
"Tara na. Hindi magpapaputok ang mga 'yan hangga't hawak natin ang babaeng ito." Wika ng isang lalaki.
Halos manigas ang katawan niya sa takot, lalo pa't nakatutok sa tigiliran niya ngayon ang baril ng lalaking humatak sa kanya kanina, habang ang braso nito ay nakapalibot sa leeg niya mula sa kanyang likuran.
"Ma'am, huwag na kayong magmatigas at sumunod ka na lang sa amin kung ayaw mong masaktan. Sabi ni boss ay kailangan ka naming madala sa headquarters bago siya tumakas sa kulungan." Ani nito.
Impit siyang napaiyak sa narinig. Kung gano'n ay si Zandro pala ang nag utos sa mga ito.
Ibig bang sabihin ay naikulong na si Zandro ng mga pulis? Nakakatakot talaga ito! Nakakulong na ito pero nagawa pa rin nitong kumuha ng tao na gagawa sa kanya ng ganito. Ano bang klaseng tao ito?
Napasinghap siya ng maramdaman ang pagdiin ng baril sa tagiliran niya.
"S-Sasama po ako, m-manong, ba-basta huwag niyo lang ako sasaktan." Kandautal na wika niya. Halos mahilo siya ng ilapit ng isang lalaki sa kanya ang mukha. Hindi pa man naipuputok ng kasama nito ang baril ay tila mawawalan na siya ng ulirat sa baho ng hininga nito.
"Wil, biri, gud, mam!" Matigas na english nito.
Natigil sa pagsasalita ang isa at biglang natahimik, gano'n din ang lalaking mabaho ang hininga. Hindi katagalan ay bumagsak ito sa kanilang harapan. Sumunod na bumagsak ay ang dalawa pa nitong mga kasamahan.
"Táng ina talaga—"
Nawala ang pagkakasakal ng lalaki sa kanyang leeg, maging ang pagtutok nito ng baril sa kaniyang tagiliran ay nawala rin. Gano'n na lang ang panginginig ng kanyang labi ng malingunan niya itong duguan habang nakahandusay sa lapag. Nagkalat ang dugo sa paligid. Sa kanyang taranta ay tumakbo siya patungo sa fire exit. Wala siyang tiwala sa mga lalaking nasa dulo ng pasilyo kung nasaan ang elevator. Baka isa sa mga ito ay tauhan ni Zandro.
Napasigaw siya sa takot ng makita ang limang lalaki na walang saplot sa baitang at nakahandusay. Base sa kalagayan ng mga ito ay tila wala na itong mga buhay. Umatras ang paa niya at nag atubili ng humakbang. Tila masusuka siya anumang sandali dahil sa nagkalat na dugo sa paligid.
"D-Diyos ko..." Nangingilid ang luha na usal niya.
Malinaw na sa kanya ngayon kung bakit mukhang hindi akma ang suot ng mga lalaki kanina. Sa palagay niya ay dito kinuha ng mga iyon ang kanilang suot.
Gusto lang naman niya na maligtas si Jc sa kamay ni Zandro. Pero bakit ganito ang nangyari? Bakit kailangan na mayro'ng mga nadamay? Una si Wina, sunod si Jc. Sino ang susunod? Siya ba? Mapapahamak rin ba siya sa kamay ni Zandro?
Nanigas ang katawan niya ng maramdaman ang paghaplos ng kamay sa kanyang buhok para hawiin ito. Mayamaya pa ay may mainit na bagay na tumatama sa kanyang leeg. Halos hindi niya magawang igalaw ang katawan-- lalo na't inaamoy ng taong nasa likuran niya ang leeg niya ngayon.
"Sam, handa ka na bang sumama sa paraiso nating dalawa?"
Muntik na siyang matumba sa pagkabigla, ngunit maagap nitong naikot ang mga braso sa kanyang bewang. Hindi man niya ito lingunin ay tiyak siyang si Zandro ang nasa likuran niya. "P-Paano ka n-nakalaya?"
Bago sumagot ay humigpit ang yakap ng mga braso nito sa bewang niya. "I'm glad I killed those bastards before they could get you."
Umawang ang labi niya nang mapatingin siya sa kamay ni Zandro na nasa tiyan niya--- may hawak itong baril na mahaba na ngayon lamang niya napansin.
Sa kabila ng kanyang takot ay sinubukan niya itong hawakan para agawin pero maagap siya nitong pinihit paharap at saka mabilis na isinandal sa pader. Gamit ang isang kamay lamang ay itinaas ng kamay nito at pinigilan ang dalawa niyang kamay.
"Bitiwan mo ako!" Pilit siyang nagpumiglas pero wala itong talab.